Saturday, July 28, 2007

Utographer

MARAMING magtatangka na kumuha ng larawan. O gumuhit ng larawan. Sumasablay. Kapos na kapos. The pictures we take or make are hugely drawn from the nurtured capacity to perceive and conceive.

Mapapailing minsan sa mga kinuhang larawan. Hikahos na hikahos sa tinatawag na composition. Imposition ang umiiral. ‘Yung kung ano na lang ang kakayahan ng kagamitan para sumunggab sa mga larawan. Kung ano lang ang nahagip ng tingin, isasalaksak sa kamera.

Malinaw naman ang huling kabit ng isang Johannes Kepler na sa kalawakan pa ng kalangitan nagsukat. Sight must learn from reason. Dapat na matuto ang paningin sa talim at talisik ng isipan.

Kapag ganoon ang magiging tuntunin sa pagsunggab ng larawan at paglalarawan, hindi tinatawag na plain sight o kung ano lang ang nakatambad ang isasaad at ilalantad. Higit na kailangan ng insight—kabatiran o malalim, matalim na pagtingin.

Kan yata ang tawag sa ganoong katangian sa larangan ng kendo o oriental swordsmanship. Paningin na itinatabas sa panlabas na anyo upang matuklasan ang talagang nilalaman. At kapag inilapat na ang ganoong paningin sa igting ng palitan ng mga kilos, unday at ulos, tinatawag namang kan-totan.

Kahit nga lulusunging ilog, inaarok muna. Mababaw lang ‘yung maingay—walang kuwenta’t kuwento. Walang binatbat. Kapag matining at malalim—tahimik, nakakatakot, makakalunod. Run silent, run deep.

Ipinakita minsan sa akin ni Ria Manaois—nagsusulat-salpak siya ng daily breaking news sa isang website—ang sipi ng isang 1980s architectural magazine na nabili niya. Meron akong sinulat na ilang artikulo. May mga kalakip na larawan na ako rin ang kumuha. Marunong daw ng photography. Lumitaw na mainam ang pag-asinta sa mga nalathalang larawan—hindi na kailangang tabasan o bawasan.

Single lens reflex camera na may normal lens ang gamit ko noon, ibinigay ng magiliw kong hipag na sa Chicago namamasukan sa ngayon. Kapag may lakad sa labas ng Metro Manila, nagpapahiram naman ng wide angle lens ang kasama sa kayod na Ramon M. Roño, anak ng dating puno ng DILG na Jose Roño. Nakahiram na rin sa kanya ng maraming diskarte at pamamaraan sa pagretrato.

Pumulot din ng maraming aralin sa dating retratistang alalay ng yumaong Ferdinand E. Marcos, si Willy Avila na arkitekto talaga ang pinag-aralan. Pero nauwi nga sa photography. Pasensiya na lang, hindi ako nahawa sa kani-kanilang pulitika-- talagang sa pagpitik lang ng pelikula.

Bastante naman ang Journal Group of Publications noon sa pelikula—tatlong rolyo sanlinggo ng tig-36 na mapipitik na retrato ang napagsanayan bago tahasang natuto.

Sinusugatan ng liwanag ang sangkap na pilak ng pelikula para makasunggab ng larawan. Sinusukat ang isusugat na liwanag…

The wound that never heals, the more you scratch it the better it feels ang sumunod na napagbalingang kunan ng katakam-takam na larawan para sa isang tabloid. ‘Yung tinatawag na the usual suspek—suso’t perpek, haay, ‘day, ibuka pa ang bukana para makatutok nang todo ‘tong lente.

At sa yugtong ito ng karanasan napatunayan ang kakatwang mahika. The hand is faster than many a thigh.

Mas masaya sa pagdating ng digital camera—maisasalin sa hard floppy disk ang susunggabang larawan. Pero kahit ubrang maretoke sa Adobe Photoshop ang sablay na kuha, kailangang matino pa rin ang composition ng retrato. Nakasalalay pa rin ang pagiging tumpak ng paglalarawan sa paningin ng nagreretrato.

And you don’t get the true picture when it’s seen through the eyes of one who doesn’t possess insight. Depth of field sucks. Clarity of perception sucks. They do not even look like humans but the strange spawn of some forgotten ridicule—and they see in others what they are

Pikang pika sa katotong Francis Singson Lagntion ang ilang kahangganan—ilalarawan siyang tatamad-tamad, hindi nakikitang kumakayod, alanganing oras kung dumating sa pamamahay, tanghali na kung magising…

Isa sa mga batikang editor ng isang broadsheet si Lagniton. Iba ang takda ng kanyang mga gawain sa araw-araw. Iba ang mga nais niyang makahalubilo at makapingkian ng talino’t antas ng pinag-aralan sa usapan.

Mas malinaw namang lalabas ang larawan na tatanga-tanga at gunggong ang mga nagpupumilit sumunggab ng larawan ni Lagniton. O sa katotong Dennis Fetalino, isa ring editor.

Wala talagang maipapakitang tunay na larawan.

No comments: