Tigib sa igib
TUBIG halos ang kabuuan ng ating katawan. Mahigit 70 bahagdan, 61% sa oxygen na pantustos sa pagliyab at 10% sa hydrogen na sangkap naman sa pagsambulat. Hangin, metal at mineral na alabok ang iba pa—23% carbon, 2.6% nitrogen, 1.4% calcium, 1.1%
phosphorous, at katiting na iba pang 36 na sangkap. Hinango nga sa alabok ang iba pang bahagi pero tila luad na binantuan ng tubig. Upang mahubog na palayok, banga, burnay o anumang anyong angkop na sisidlan o magagamit na tinggalan.
Pumapalo lang sa P400 sambuwan ang buwanang bayad namin sa maalat-alat na tubig na itinutustos ng local water district. Tipid na ‘yon. Pati pinaghugasan ng gamit sa kusina’t hapag-kainan o pinagbanlawan ng labada’y pandilig sa aming halamanan.
Bawat dalawang linggo’y bumibili naman ng P100, tatlong three-gallon jerry jugs. Para naman sa pang-araw-araw na inumin.
Pumapalo na pala sa P600 sambuwan ang kailangang gugulin sa tubig.
Natikman ko rin namang mag-igib ng tubig—dalawang piso sambalagwit o sampares ng balde na tig-15 kilo ang laman, titimbain sa pampublikong poso’t papasanin sa balikat sa layong may isang kilometro.
Dalawang tuong ang kailangang punuin sa araw-araw. Tigdosenang balde ang laman ng tuong. Sandosenang hakot, sandosenang kilometrong may pabigat sa balikat, sandosenang kilometro na magaan ang paglalakad.
Araw-araw ang ganoong gawain. Parang rituwal. Pangunahing pangangailangan kasi ang tubig sa pamamahay. Sa pamumuhay.
May araw na maaawitang umigib para sa ibang bahay. Santuong ang karaniwang pupunuin—papatak na P12 lang ang bayad pero masaya na rin sa bulsa ang ganoong halaga. Hindi makakapulot ng ganoong salapi kahit maglakad ng 12 kilometro— at ganoon ang haba ng lalakarin habang nakasampay ang balagwit o pingga sa balikat, at 30 kilong bigat ng tubig sa dalawang balde ang binubuhat.
Kung tutuusin, 360 balde ng tubig pala ang nasasalok sa sambuwan. Kung lalapatan ng halaga, mas nakamura nang kaunti ang P360 katumbas ng sambuwang igiban noon sa P400 na buwanang bayad namin sa tubig ngayon, oops, hindi pa kasama ang para sa inumin. Hindi pa kailangang malinsad halos ang balikat sa pagtimba’t magtala ng 360 kilometrong lakaran bawat buwan. Teka, teka: mas mataas nga pala ang palit ng piso sa dollar sa panahong iyon, ni hindi pa nga ako tumutuntong sa ika-20 taon.
Mayroon namang matatawag na gantimpagal—katumbas na sukli sa pagpapagal.
Hindi nakakalimot ang laman na nagsalin ng napakaraming bunton ng gunita, ah, muscle memory ang tawag doon. Natigib sa igib.
Kapag nakagawian na ng katawan hindi na malilimutan—ang halos walang humpay na imbay ng bisig at kamay sa pagtimba, para bang nagbabayo ng palay o pinipig sa lusong. Parang nagdidikdik ng mga sangkap sa nilupak na saging at balinghoy. Parang pandalas na pagsakyod ng 30 kilong bigat na baling sungay sa pagitan ng mga tadyang…
Kahiyaan o kasubuan yata ang mapasabak sa pagdikdik ng mga sangkap sa nilupak. Karaniwang dakong hapon ginaganap. Mga tatlo o limang kilo ang bigat ng halo, taas-baba, taas-baba, taas-baba sa bunganga ng lusong. Nakamasid ang mga dalagang kasama. Nakamatyag ang mga kasamang binata. Nakatuon ang pansin ng ilang matanda—na maaaring mga magulang o kaanak ng sinusuyong dilag… Hanggang saan tatagal ang lakas ng bisig, gulugod at balikat sa walang humpay na pagbayo sa papakunat nang papakunat na nilupak? (It was an in situ test of stamina. An impromptu test of the heart it is. The heart-pounding spartan rite of sorts to turn up a native delicacy is mostly an affair of the heart.)
Napupuno ang dalawang tuong matapos ang hindi mabilang na imbay ng bisig-gulugod-balikat-kamay sa pagtimba, sa sandosenang hakot ng kabuuang 720 kilo ng tubig na itatahak sa may 12 kilometro’t 12 pang kilometro na magaan ang nakapasan sa balikat… Ganoon ang nakagawian sa araw-araw.
Mapapagod. At mapupuno rin marahil ang sariling bungo sa bulwak ng endorphin— ang tinatawag na happy hormone na mag-iiwan ng hindi maipaliwanag na saya at gaan sa kalooban.
Hindi matabang sa panlasa ang tubig nang panahong iyon. Napakatamis. Nalalasahan pa hanggang sa ngayon ang tamis ng tubig na iyon.
Tamis na tigib sa igib.
Sunday, July 08, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment