Saturday, July 07, 2007

Dawit sa awit

"... middle C struck on a piano will cause
the C string of another piano to vibrate in sympathy.”

MABABAHALA minsan sa mga lumulutang na tunog mula kalipunan ng mga halamang halos nakapaligid sa tahanan—walang humpay halos ang awit ng mga kuliglig at lukton yata sapul pagkagat ng dilim hanggang sa takipsilim.

Hindi kailangang maging mamad o manhid ang pandama at pandinig. Mapapansin na lang na nanunuot ang himig na likha ng mga kulisap sa himaymay ng laman. Sumisiksik. Dumadaloy na tila malamyos na haplos-alon ng kuryente.

May gubat sa bawat ahas— o mawalay man ang animal sa kanyang kinamulatang paligid, mananatiling nakalimbag sa kalooban niya ang kabuuan ng kapaligirang iyon.

Baka ganoon ang isinasalin ng mga kuliglig at lukton. Mga kakatwang pintig at pitlag na ihahasik nila sa hangin at papawirin. Mga pintig at pitlag na baka hinango naman nila sa labia majora, o baka sa puson at kailaliman ng lupa. Ihahasik sa hangin. May makakasagap. Masasalinan—hawa’t dawit sa awit ng mga lukton at kuliglig.

It takes a certain sensitivity, or maybe a vulnerability to be affected by such a contagion. For want of an apt word, let me ply that, “contagion.”

Pero marami naman sa atin ang matindi ang immunity. Manhid o mamad na marahil ang pandama. Hindi na talaga tatablan ng mga ganoong kakaibang pintig, hibik—hindi hikbi—at himig. Meron namang makarinig lang na may kumakanta ng “My Way” sa videoke, tiyak na aapuntahan ng ‘di-maipaliwanag na ngitngit at murderous rage, totodasin ang sinumang nangahas na kumakanta. Ayon sa mga ulat, marami nang natigok sa pagtatangkang kantahin iyon.

Hindi ko naman maipaliwanag ang dahilan kung bakit sumasakit ang dibdib ko tuwing maririnig ang alulong ng Bee Gees at Air Supply. At mahirap ding maliwanagan kung bakit mas karumal-dumal man yata sa tainga ang tunog ng tropang Sergio Mendez, Fleetwood Mac, Earth Wind and Fire, Fifth Dimension, Grateful Dead, The Who, Chicago o sina Astrud Gilberto, Janis Ian at Janis Joplin, ba’t hindi sila nakahiligang pakinggan?

Manhid na tayo sa naging palasak na ring tone, “Hello Garci!”

Pero kakaiba talaga sa pandama ang masasagap na hibik at himig mula halamanang paligid. Iba ang hagod. Kakaiba ang lamyos ng pagyapos sa dibdib at paglamukos sa himaymay ng kalamnan.

For want of a tuning fork to attune the body electric piano to such a primal stream of sounds, let me just point to the so-called sacred sound—something called mantra or a mental brace of sorts to keep one’s stream of thoughts on a tenable hold. I know, I know: dental braces are much more hip than mental braces…

Madalas na lang na sundan ang pumapailanlang na mantra mula sa mga lukton at kuliglig.

Shhh:r-e-e-e-e-e-m… Katunog talaga ng binhing kataga na alay sa bathaluman ng kariktan at kasaganaan—Lakshmi ang kanyang pangalan.

K-r-r: e-e-e-e-e-e-m… Ah, ganoon naman ang binhing kataga na inihahandog sa bathaluman ng pagkitil at pagpuksa. Kay Kali.

Nagkataon lang siguro na magkasintunog ang mga tinatawag na binhing kataga at ang umaalimpuyong hibik at himig ng mga nakakubling kulisap saanmang singit at sulok ng aming halamanan.

Nitong nakalipas na linggo, itinakbo naman ng Yahoo! sa kanilang hanay ng balita ang mga tunog na inihihibik ng mga puno, opo, mga puno sa kagubatan. Mayroon din silang inihahasik na kakatwang himig, parang pinagsanib na buntong-hininga at alulong na hinugot mula ilalim ng kung anong balon.

Na madalas talagang mauulinig ng mga magbubukas ng kanilang dibdib at pandinig kapag gumagalugad saanmang kasukalan.

No comments: