NAUUWI ang may P60 ng bawat P100 gugulin ng karaniwang pamilya sa pagkain—kaya naman nangungunang paksa na pambukas ng usapan saanmang lupalop ng Pilipinas ang pagkain.
Anim na ulit ngang kumain sa isang araw ang Pilipino—parang may dambuhalang tapeworm na laging kikiwal-kiwal, nababalisa sa sikmura kapag hindi natambakan ng pagkain. Parang may boiler room ng pabrika sa likaw ng mga bituka na lagi’t laging gagatungan.
Kaya marahil unang tukso ng diyablo sa Kristo na 40 araw nag-ayuno, gawing tinapay ang mga tipak ng bato’t agad pawiin ang gutom. Tiklop ang gutom nang itugon: “Man does not live by bread alone but with every word that comes from the mouth of God.”
Kalibog-libog na mga apsara-- mga diwatang naghahatid ng suwerte sa anumang uri ng sugal pati sa lotto – ang bumulabog sa nagninilay na Siddharta sa lilim ng punong balite. Tiwangwang ang mga tambok-siopao ng hinaharap. Nagpapakain din para makatikim ng sarap ang magiging Buddha na ilang linggo na ring hindi kumakain. Hindi pinansin ang alindog ng mga apsara.
Tugon sa kalam ng sikmura—hindi alam ng sikmura—ang umiiral sa panahong ito.
Pero ang totoo’y mas marami ang natigok sa labis na lamon kaysa namatay sa gutom.
Iiwan ko na ang pagpapatibay sa ganyang pahayag sa mga matiyagang kumalkal ng demographics—kahit lilitaw na dalawang bahagdan lang ng populasyon sa bansa ang nakalublob sa kahirapan at halos 20 bahagdan naman ang umaamin na nakatikim sila ng matinding gutom ng kung ilang ulit sa loob ng sambuwan.
Humahaginit naman sa dagdag-bilang ng biktima ang pananalasa ng mga pangunahing kalawit nina katotong Tar’athyail, Osrail na mga anghel ng pagpaslang sa pamamagitan ng coronary heart disease, stroke, cancer, pati diabetes at obesity o sobrang sebo sa katawan.
Sebo ng animal nga pala ang tinutunaw at ginagamit na sangkap sa kandila—na naitutulos sa puntod ng patay.
Bahala na ang mga mahilig magbungkal ng statistics para isiwalat ang kakatwang katotohanan na talagang mas marami pa ang nanganganib na mapuksa kaugnay ng sobrang lamon kaysa mga nagtitiis ng gutom.
Nabungkal naman sa paghapyaw sa sariling Vedic astrology na kailangan ko palang mag-ayuno tuwing Lunes para daw sa kalusugan ng katawan at isipan. Malimutan man ang ganoong takda, maaalala naman na kailangang mag-ayuno tuwing Biyernes na pataw naman sa matinong Kristiyano. At sa pagsunod sa mga hakbang ng hinahangaan kong mystic, scholar, poet at Sufi Muslim na si Jalal ad-Din Muhammad Rumi, nadadamay ako sa sambuwang ayuno tuwing Ramadhan.
Santambak pala ang yugto ng pag-iwas sa untag ng bituka’t bugso ng bunganga.
Kung itatanong ng mananaliksik na nakaranas ba ‘ko ng matinding gutom ng kung ilang ulit sambuwan, para na ring nagtanong, “Are you suffering from insanity?” Dagling pakli: “Nah, I’m enjoying it!”
Mainam na kahit minsan lang sanlinggo, makapahinga ang sariling atay, lapay, at likaw ng isaw sa sagad na trabaho—at bibigyan din bakasyon grande kahit minsan sa santaon, nagkataon lang na sa Ramadhan. Ba’t pa lagi ko silang pahihirapan samantalang hindi naman sila matuturingan na aliping saguiguilid o aliping namamahay?
Naiugnay na nga pala ang bangungot sa bumigay na lapay—nasobrahan sa trabaho.
Nakaugnay din ang diabetes mellitus sa sobrang parusa sa atay at lapay para pumiga ng kani-kanilang katas na pantunaw sa pagkain— gagawing glucose or energy for the brain and body. Pero hindi naman isasalang ang utak at katawan para pakinabangan ang pinaghirapan ng atay at lapay. Hindot na mga batugan ‘yan, dapat lang talagang matigok—mas mainam kung dahan-dahan ang pagkamatay.
Samantala, idiniin naman ni Dr. Arthur Agatston na sumulat ng “South Beach Diet” na natukoy na ang mga pamamaraan para makaiwas sa atake sa puso. Kabilang nga sa mga paraan ang pagpagpag ng katawan at wastong pagkain para mabawasan ng may 80% ang panganib ng atake sa puso.
Makakatipid nang malaki ang mga pasyente. Pero lugi ang manggagamot kapag iwas-sakit o preventive health care ang isinalang na paraan sa mga pasyente. Limpak-limpak naman ang tabo at tubo sa tahasang medical intervention at pagpapaospital.
Ulat nga ng New York Times nitong Enero 27, 2007: “In cardiac care, nuclear scans and invasive procedures like bypass surgery bring in the money. Medicare alone paid almost $15 billion, or about 5 percent of its total budget, for bypasses, stents and other invasive cardiology in 2005, according to Jonathan Skinner of Dartmouth . Yet for many patients, there is no scientific evidence that stents or surgery prolong life.”
Nasilip din sa naturang ulat na makikipagpustahan pala ng $1 milyon ang South Beach Diet cardiologist sa alinmang korporasyon: “My dream has been to go to a corporation and say, ‘Have all your executives and all your high-risk employees come to our practice, and if they hit our goals and still have a heart attack, we’ll give you a million dollars.’ ”
Wala pa palang nakikipagpustahan sa naturang doktor na nagkamal na ng limpak at nakatulong sa marami sa kanyang inakdang aklat ukol sa wastong pagkain.
Thursday, July 19, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment