Thursday, December 17, 2009

PATAWA FATWA

KAHILA-HILAKBOT pataw sa kanila
Isang Selman Rushdie, nagsulat nobela;
May Jami at Rumi—both writers of Persia…
Sila’y itinakwil… isinumpa sila!

Kaya nangilabot pati na ang lubot
Nilang mga hukom-- pawang natatakot
Duminig sa kaso’t baka nga matigok
Sakaling magpataw hatol na baluktot…

Si Jami at Rumi tinawag nang banal
At itong si Rushdie ang turing ay hangal…
Aba’y ano na lang ang ipapangalan
For 30 journalists… sila ba’y animal?

Wala nang patawad meron pang patawa
Nang sila’y niratrat, nilapastangan pa…
Pawang taga-ulat—ganoon lang sila
Naghahanap-buhay dahil may pamilya.

Baka naman luho na ang katarungan—
H’wag na ngang asamin na ating makamtan…
Ituring na baboy ang mga kinatay:
Bawal kahit tikman ang pagkaing haram.

Pero on second thought may mga kinaplog—
Hindi lang tinikman nitong mga hayok…
Pinagpasasaan ng mga balakyot
Ano bang tikim lang? Inubos, sinimot…

“Brothers of the devils” ang tawag sa Qur’an
Sa mga lustay sa salapi at yaman...
(Sa Sûrah Al-Isrâ’ ay matutunghayan.)
Ang kanilang mansions ay veinte cuatro lang…

Kaya naman andap, bayag ay umurong,
At kinilabutan itong mga hukom.
Sapagkat, sapagkat kapag nagkataon…
Utol ni Satanas, ano’ng ihahatol?

Death by casketry— siksik sa kabaong?
Death by basketry—isilid sa bayong?
Pero wala na ngang death penalty ngayon
Pulos debt penalty, sa utang ay baon…

Ang sinumang hukom ay matataranta
Baka mga suspects, mapawalang-sala…
Dahil pitik-bulag na nga ang hustisya
Saka mahirap nang… Putok!—bulagta ka.

Tayo’y magpatawad, tayo’y magpatawa!
Tayo’y magpapataw? Aba, mahirap na…
Baka madamay pa ang buong pamilya
Kapag itong angkan ay biglang bum’welta…

Meron pong penis court… tennis court nga pala!
At may Anito Court—doon madadala
Ang ganitong kasong wala nang pag-asa…
Doon titimbangin kikinang na pasya.

Wednesday, December 02, 2009

30 GAMUGAMO

PAGSAMA-SAMAHIN ang mga pangalan
Pati mga mukha’t katawang ginutay…
Gamugamo silang payak lang ang pakay
Sasagsag sa liyab o anumang tanglaw..

Isang kawan silang sa dilim napadpad—
Tatlumpung paningin, liwanag ang hanap…
Tatlumpung katawang sa dugo natigmak
Tatlumpung buhay na sa hukay nasadlak.

May bibig ang lupa’t bagwis ang balita--
Hiyaw at hagulgol ang mailalagda…
Tatlumpung sinaklot sa apoy ng tingga
Utak, dugo’t laman… pati diwa’t luha…

Diklap na hahaplos marahil sa isip--
Hindi nakapiling anak nilang paslit…
Habang nalalagas ang taning sa saglit
Karampot na kita’y bubungkalin pilit…

Hindi manlilisik, ni hindi kukurap
Ang mata sa k’wentong saanman kinalap,
Kahit pa sa hukay paa’y itinahak
Dapat maihatid sa madla ang ulat…

Sa mga pagitan ng sulsol at salsal
Sa mga hinimay na ladlad at daldal—
Kalansay ng ulat sisidlan ng laman
Mga kuntil-butil—bibigyan ng saysay…

Ilang latang gatas? Ilang subong kanin
Ang naitutumbas doon sa gawain…
Gawain lang nga ba o baka tungkulin
Itong gagampanang pagsuong sa lagim?

Mapupukaw pa ba silang natutulog
Sa kapaligirang tigib sa bangungot?
Namanhid nang budhi nais bang makurot
Tuwing isasaysay mga hapdi’t kirot?

Naghintay ang hukay sa inyong pagdating
Tila ba bunganga na impit ang daing—
Hindi alintana punglo at patalim…
Dahil may katumbas sandakot mang asin!

Tayong magdidildil sa mga balita
Sa mga pahayag, mga haka-haka
O kahit sa tsismis ng nakatunganga...
Alalayan sila sa kahit gunita…

Gamugamo silang sa ningas ng lagim
Umagaw ng liyab kahit na katiting…
Upang maihayag… upang maisalin
Sa manhid nang isip ng ating lupain.

May gamugamo ngang kahit sa karimlan
Pilit hahagilap ‘sanghibla ng ilaw…
Bagwis nilang lagas maging sa pagpanaw
Taglay ay liwanag sa sangkatauhan…