Wednesday, December 02, 2009

30 GAMUGAMO

PAGSAMA-SAMAHIN ang mga pangalan
Pati mga mukha’t katawang ginutay…
Gamugamo silang payak lang ang pakay
Sasagsag sa liyab o anumang tanglaw..

Isang kawan silang sa dilim napadpad—
Tatlumpung paningin, liwanag ang hanap…
Tatlumpung katawang sa dugo natigmak
Tatlumpung buhay na sa hukay nasadlak.

May bibig ang lupa’t bagwis ang balita--
Hiyaw at hagulgol ang mailalagda…
Tatlumpung sinaklot sa apoy ng tingga
Utak, dugo’t laman… pati diwa’t luha…

Diklap na hahaplos marahil sa isip--
Hindi nakapiling anak nilang paslit…
Habang nalalagas ang taning sa saglit
Karampot na kita’y bubungkalin pilit…

Hindi manlilisik, ni hindi kukurap
Ang mata sa k’wentong saanman kinalap,
Kahit pa sa hukay paa’y itinahak
Dapat maihatid sa madla ang ulat…

Sa mga pagitan ng sulsol at salsal
Sa mga hinimay na ladlad at daldal—
Kalansay ng ulat sisidlan ng laman
Mga kuntil-butil—bibigyan ng saysay…

Ilang latang gatas? Ilang subong kanin
Ang naitutumbas doon sa gawain…
Gawain lang nga ba o baka tungkulin
Itong gagampanang pagsuong sa lagim?

Mapupukaw pa ba silang natutulog
Sa kapaligirang tigib sa bangungot?
Namanhid nang budhi nais bang makurot
Tuwing isasaysay mga hapdi’t kirot?

Naghintay ang hukay sa inyong pagdating
Tila ba bunganga na impit ang daing—
Hindi alintana punglo at patalim…
Dahil may katumbas sandakot mang asin!

Tayong magdidildil sa mga balita
Sa mga pahayag, mga haka-haka
O kahit sa tsismis ng nakatunganga...
Alalayan sila sa kahit gunita…

Gamugamo silang sa ningas ng lagim
Umagaw ng liyab kahit na katiting…
Upang maihayag… upang maisalin
Sa manhid nang isip ng ating lupain.

May gamugamo ngang kahit sa karimlan
Pilit hahagilap ‘sanghibla ng ilaw…
Bagwis nilang lagas maging sa pagpanaw
Taglay ay liwanag sa sangkatauhan…

No comments: