PINAKAMAKUNAT yata sa may 1,250 species ng kawayan ang bayog—na malimit gamiting haligi sa bahay-kubo. Tumatagal kasi ng 50 taon, lalo na ‘yung higit dalawang taon ang edad… ‘yung taga sa panahon na halos dilaw na ang kulay… nakakabungi sa ngipin ng lagare ang kasinsinan ng makunat na himaymay.
Siyempre, panalo sa lutuin ang labong ng bayog—may sangkap na pait. Kailangang ibabad ng tatlong araw sa tubig na may timplang apog para mapalis ang pait… para masalinan ng mineral na pampatibay ng buhok, kuko’t ngipin. Sa ganoong timpla, mananatili ang mapusyaw na puti ng himaymay, mas malutong pa sa kagat. Mapapagkamalang mataas na uri ng palmetto cabbage o ubod ng niyog kapag isinangkap sa lumpia.
Tinimtimsa saluyot at bagoong ang karaniwang luto nito—katiting lang ang protina sa supling ng kawayan, pulos himaymay o digestible fiber lang… na mas masisikmura kaysa tinatawag na moral fiber ng mga sikat at sikwat na tao sa pamahalaan.
Saka mainam sa katawan ang bisa ng ganoong himaymay. Kinakaskas-linis ang sikmura’t bituka pati na mga ugat na dinadaluyan ng dugo… sinasalakab ang low density lipoproteins (LDL) o kolesterol na pasimuno sa sakit sa puso’t stroke. Hindi makakadagdag-bilbil ang labong kaya malalantakan ng mga nais maging kainaman ang hubog ng katawan.
Balagwit o pingga na pang-igib ng tubig na, nagagamit ding Thai stick at Shaolin pole ang ganoong shoulder pole. Paulit-ulit na inihahampas sa dibdib, tiyan, mga bisig at hita ang Thai stick—para kayang indahin ang bigwas, suntok, kaldag o tadyak na dadapo sa katawan sa full contact sports, halimbawa’y boxing. Psychological conditioning for the body to endure jolts of pain.
At sa kamay ng dalubhasa tulad ng aking abuela, mapanganib na sandata ang makunat na pingga… na madalas lumagapak sa aking tumbong noon kapag nalaman na ako’y nakipagbabag… aba’y 28,000/sq. inch ang tensile strength o tibay ng bayog—23,000 lang sa bakal. Kaya balagwit na hamak-hamakin mas matindi pa sa truncheon dahil nagiging sandatang Shaolin.
Matibay man kahit magaang na sangkap sa payak na dampa, talagang mas mura kaysa palochina, coco lumber o segunda manong kahoy ang bayog—na walang tinik na taglay. Sa loob lang ng limang taon, ang ipinunla’y nagiging kulumpon—3 sentimetro sang-araw ang pagbulas ng kawayan.
At sa ganoong singkad ng panahon, makakatikim na ng labong, may mapuputol pang sangkap para sa bahay kubo.
Ipaubaya na sa mga malikhain ang pagbuo ng kahit na balsa lang… kahit na tagni-tagning lunday na tahanan. Hindi na hihiling na bumuo sa kawayan ng luxury liner o lantsa’t yate na isasalang a la “Kon-Tiki” ni Thor Heyerdahl o daong ni Noah sa unday ng mga Ondoy, Pepeng, at iba pang namumuong unos.
Dire necessity ought to give birth to ingenious design.
Napakaraming kawayan sa paligid—may 49 species sa Pilipinas, kabilang na ang bayog—lalo na sa mga masikap na mag-uukol ng talino’t panahon. Maraming mga tiwangwang at nakaligtaang lupa. Doon makakapagpalago, makakapagpalaki ng bayog—kaysa magpalaki ng bayag.
Saturday, October 10, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
magandang araw po, maitanong ko lang, saan po galing yung data na ito? aba’y 28,000/sq. inch ang tensile strength o tibay ng bayog—23,000 lang sa bakal. Kaya balagwit na hamak-hamakin mas matindi pa sa truncheon dahil nagiging sandatang Shaolin.- pinag aarlan ko ho kasi kung anong klase ng kawayan ang pinakamatibay po..maraming salamat.
Post a Comment