Wednesday, July 04, 2007

Dalawang kuwento

Ang panday

‘BUTI pa yata ang Diyos—anim na araw nagtrabaho, pahinga sa ikapito. Suwerte na ang OFW na sa 12 buwan kayod santaon, may sambuwang bakasyon.

Sagsag agad sa pamilya sa Pilipinas si Antonio L. Trinidad para pakinabangan ang ganoong suwerte. Sambuwang suwerte na ilalaan sa kanyang lumalaking pamilya—kahit katiting na quality time para makapiling si misis at ang kanilang mga supling, kahit tahasang quantity time translates to quality time for bonding.

Kaya halos walang puknat ang palitan ng text messages ng mag-asawa—malupit talaga ‘tong long distance relationship. Malungkot. Nakakapangulila.

Malayo sa kanyang pinag-aralan ang nasadlakang gawain sa ibayong lupalop. Sa Dammam. Criminology ang kanyang tinapos sa kolehiyo. Nagpulis pa nga. Pero ang kinalabasan niya—panday.

Pero sa sahod ng bagong pasok na pulis na P600 sambuwan sa mga huling taon ng 1970s, malayo talaga ang kanyang kinasapitan bilang panday. Na nakakapagpadala ng $550 sambuwan sa kanyang naiwang mag-anak nang mangibang-bansa nga nitong 1981.

Masigasig naman si misis. Tatlo man ang pinapastulang anak, siya na ang nagtindig ng negosyo mula sa naisubing bahagi ng ipinapadala—Trinidad Out-Lumber and Concrete Products na humahango ng tinistis na troso.

Tumagibang ang nasimulang negosyo nang ipagbawal nitong 1987 ang lahat ng uri ng pagtroso kaya kailangang umangkop ang negosyo sa pihit ng pagkakataon at patakaran.

Malaki man ang kita mula baratilyong tistis na troso, kailangan na talagang bitiwan—mahirap nang makalaboso.

Bumaling sila sa tistis na marmol: Trinidad Marble and Concrete Products. Sinuwerte naman.

What’s the point in going overseas for higher pay than to see through every biological child and business brainchild?

No amount of success in one’s career can compensate for one’s family gone broke, sabi nga.

Napagtapos ng mga Trinidad ang kanilang tatlong supling.

Pharmacy ang tinapos ng kanilang bunso—at kagyat nilang isinalang sa negosyo nang ipatayo ng mag-asawa ang RNT Drugstore.

Elementary education ang pinagdalubhasaan ng kanilang panganay. Isinalang din ng mag-asawa sa pagpapatakbo ng negosyo at pagiging guro—nagpatayo ng Trinidad School.

Katulong naman ng mag-asawa ang pangalawang supling sa pamamahala sa kanilang negosyo.

Nahalal pa ngang konsehal ang pulis-na-naging-panday-na-naging-negosyante. Naging ama siya ng lokal na batas hinggil sa pagpapalawak ng pagtustos sa edukasyon, ang SEED o Special Endowment for Education Development na pinaiiral sa Region III.

Mula sa pagpupunyagi na maitaguyod ang kapakanan ng sariling pamilya, higit na malawak na pananagutan sa mas malaking pamayanan ang hawak ng panday. Pero ang mga ganitong katotohanang kuwento, malayong gawing pelikula—wala kasing magic.


Life sentence

LIFE sentence o habambuhay na pagkabilanggo sa salarin. Kulong na hanggang 16 na taon lang talaga ‘yon—laya na uli after frittering away a lifetime of sorts shut out from the rest of the world.

Parang pinatawan ng ganoong parusa ni Agnes Leticia Marrero ang kanyang sarili—isang singkad ng habambuhay na tiwalag sa kanyang mag-anak upang manilbihang kasambahay sa Hong Kong para may maitustos sa pag-aaral ang kanyang apat na anak.

Mananahi siya. Kartero si mister.

Mayroon naman silang maliit na hayupan sa likod-bahay. Manukan. Babuyan.

Katu-katulong ni mister ang mga bata sa pangangalaga sa kanilang munting kabuhayan. At sa kita niyon nanggagaling ang pantustos sa gastos pang-araw-araw. Sa padalang pera naman ni misis nagmumula ang itutustos sa pag-aaral ng mga bata.

Ganoon ang pamumuhay na hindi lang nakatuntong sa lupa—nakalublob at gumagapang pa nga. Parang matinding combat situation sa digmaan— gagapangin ang objective para manaig. Magwagi sa laban. Hilahod man sa gapang, nakatuon ang mata sa talagang pakay at layunn.

Parang alibi lang yata ang pagiging kartero ni mister. Sa paghahatid niya ng mga sulat, naiaalok na rin ang kalakal mula sa kanilang munting manukan at babuyan—direct selling o retail marketing. Maliit lang na kabuhayan pero tuloy-tuloy lang naman ang pasok ng pera.

Natututo na ng pagpapalago ng kabuhayan, marami pang kaalaman ang mapupulot sa paghahayupan—at ang bunso ng mag-asawang Marrero ang naging masigasig sa pagpulot at pagsisinop ng ganoong kaalaman sa paghahayupan o livestock husbandry.

Nagtapos ang bunso ng animal technology, tumuloy sa education—at tuluyang nahirang na executive dean sa Mountain Province State Polytechnic College.

Accountancy ang tinapos ng panganay—na provincial accountant ngayon ng Bontoc.

Mechanical engineer ang pangalawa na nagtayo ng sariling computer shop at mga paupahang commercial stalls.

Dentistry ang tinapos ng ikatlo, nandayuhan at namasukan sa isang dental clinic sa Saudi Arabia para makaipon ng puhunan—na ipinampatayo ng sarili niyang klinika ngayon sa Tubao, La Union.

“Habambuhay” mang nawalay sa kanyang asawa’t mga anak si misis, hindi naman nasayang ang kanilang pagsisikap na mapalago pati kaunting kabuhayan. Naisantabi na ang munting babuyan at manukan sa likod-bahay.

Ibang negosyo naman ang binalingan at napaglibangan—dry goods store at taniman ng saging.

Likas na matipid at masinop sa pera, nakapagpatayo rin ng bakasyunan o resort ang mag-asawa sa Mountain Province—na tumatabo raw ng P10,000 sambuwan.

Pumapalo na sa edad-70 ang mag-asawa, kapwa retirado sa kanilang dating gawain, namamahala na lang sa kanilang naipundar na mga kabuhayan.

Dumanas muna sila ng pagpapakasakit sa sikap at punyagi sa kabuhayan—ibang life sentence ‘to.

At sa huli’y nagtamasa naman ng ginhawa at saganang pamumuhay.

No comments: