NAGKATIYAP na 24 na bote ang laman ng sangkahong serbesa at 24 oras ang maghapon at magdamag—pero anim na tao lang kaming lumaklak sa 24 na bote nang walang tatlong oras. Red Horse, inisa-isa kaming tinadyakan sa gawing itaas ng Beverly Hills —sa Cebu !—habang nakatanghod sa liyab ng mga ilaw-dagitab sa lawak ng lungsod.
Hindi matiyak kung sangkahon lang o dalawa ang nalaklak doon. Pulos kongkretong kalsada pa lang ang nakalatag nang panahong iyon—wala pang kabahayang nakatirik kaya pulos sagitsit ng kuliglig at pugak ng tugak o tagak yata ang nagsalimbayan, umaalimbukay na tunog sa paligid.
Pusyaw ang tanglaw ng mga buntala’t bituin sa kaitaasan—at panay ang babala ng mga kasamang teen-agers na huwag akong maghalughog sa mga kanugnog na kasukalan at tabal ng damuhan. Baka mahulog daw ako sa bangin. O matuklaw ng ahas.
Hulyo na ‘kako. Suson-susong ulan na ang bumagsak sapul Mayo’t napihit na ang timpla ng temperatura—ayaw man o ibig ng mga ahas na gumalugad sa gabi para sumila ng makakain, mapipilitan silang matulog. The drop in ambient temperature nudges ‘em to sleep, make that hibernate. They’re roused from that coma of sorts when the heat is pumped up in summer’s sultry spells. Their cold blood is hyped to boiling point, so they writhe in a paroxysm to seek out prey and mate. Mayroon din ako ‘kakong ahas na nag-uumalpas naman kapag ganitong malamig ang panahon… at maghahanap ng mapapasukang lungga sa pagitan ng dalawang hita.
Gagamba ang hanap ko sa mga sandaling ‘yon.
Nadaanan nga namin ang ilang umpukan ng mga matanda’t bata sa daan tungo sa Beverly Hills . Nagpapakitaan ng kanilang mga gagambang nakasilid sa posporo. Naglalaban ng gagamba sa tinting. May ilang masigasig na nadaanan, matamang naghahalungkat ang paningin sa mga nakalatag na halaman at damuhan—tiyak na gagamba lang ang pakay!
Pero kapag malalim na ang sakmal ng dilim sa paligid, hindi na kailangan pang mag-apuhap ng sapot o hibla ng gagamba sa mga tangkay at dahon ng kasukalan. Inot nang hahabi’t maglalatag ang bawat gagamba ng kani-kanilang patibong na balangkas—metal trusswork ang katumbas. Parang salambaw na lambat para sumagap ng maliligaw na mga kulisap—karaniwang gamu-gamo, lukton at tipaklong ang nabibitag.
“It is only when we are aware of the earth and of the earth as poetry that we truly live,” giit ni Henry Beston noong 1935 sa kanyang Herbs and the Earth.
Ani naman ni Meridel Le Sueur: “The body repeats the landscape. They are the source of each other and create each other.”
Abala ang mga kasama kong bata sa pagtanaw sa lagablab ng mga ilaw-dagitab sa masisipat na bahagi ng lungsod sa ibaba. Iyon yata ang huhubog sa kanilang pananaw. Nakasuksok naman ako sa kasukalan, kakalkalin ang sabwatan ng katiting na liwanag mula kalangitan at nakabalot na karimlan ng paligid. Para makasumpong ng gagamba.
Sa mga kumakaway na talibong na dahon ng talahib nahagip ang unang gagamba.
Sa labay ng mga tangkay ng kung anong palumpong na halaman nasumpungan ang ikalawa, abala sa paglalatag ng sapot.
Nakatarak na ang kambal na pangil ng ikatlo’t humihitit ng liwanag sa sikmura ng sinaputang alitaptap, kapus-palad na napatalon sa nakaunat na lambat sa luoy na sanga ng punggok na puno.
Nagsisimula nang magsuka ang mga kabataang kasama nang balikan ko sa gilid ng ulilang kalsada. Pare-pareho na kaming may tama.
Pero hindi lang yata dalawang kahong Red Horse ang nilaklak namin nang gabing iyon. Pinulutan ng nakasamang kabataan sa kanilang paningin ang mga liwanag-dagitab na nakalatag. Nagpakandong ako sa magaslaw, maharot, malamyos, mapanganib na latag ng lupain.
Pare-pareho kaming bangenge. Ekis ang lakad, hindi mawawaan ang sinasabi. Hayupak talaga sa tadyak-utak ang Red Horse.
Hindi naman ako nagsuka sa mga nilaklak ko sa gabing iyon.
Pero pakiramdam ko, umiikot ang buong paligid ng Beverly Hills . Umiikot ang buong Cebu , ang Pilipinas. Buong mundo. Umiikot. Ganoon ‘ata ang pakiramdam ng sinasaputan ng mga sedang hibla.
Isusubi muna saka lalantakan ng gagamba. O iidlip muna na hakab ng talukbong na hibla—saka magigising na mariposa, gamu-gamo, paru-paro o kahit eroplano siguro.
Bwa-ha-ha-ha-haw!
Wednesday, July 04, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment