Digital writing
NAGHAMBING pa mandin ng paraan para gumawa ng diesel, gasolina’t kauring panggatong.
Napagbalingan ang malawakang pagtatanim ng kirisol na mas kilala bilang tuba-tuba—mas magiging tanyag sa pangalang Jatropha curcas. Inaasahang aani ng 5-7 tonelada ng butong kirisol bawat ektarya na tatabo ng may P50,000 santaon.
Makakapiga ng sanlitrong langis sa tatlong kilong buto ng kirisol. Sa tingian, papatak na P30 por litro ng bio-diesel.
Hindi naman lubusang nakabisaklat ang baraha ng mga higanteng kompanya ng langis para lumikha nng panggating na itutustis sa mga industriya’t transportasyon.
Pero meron nang masisilip sa kanilang binabalak. Naglaan na ang BP—kilala dati sa tawag na British Petroleum ng $500 milyon na itutustos sa 10 taon para sa pananaliksik at tuluyang paglikha ng mga mikroorganismo na tahasang lilikha ng gasolina, diesel, at iba pang panggatong mula organic wastes—pati sapal ng kirisol na pinigaan ng langis!
Matagal na nating natukoy ang mga tinatawag na methagenic bacteria—na nabubuhay na walang oxygen, nagtusak sa mga dayaming babad sa tubig at lumilikha nga ng methane o likas na gas.
Compressed natural gas (CNG) o methane ang gatong ng pampublikong transportasyon sa South Korea, Japan at The Netherlands para makaiwas sa polusyon sa hangin. Para rin makaangkop sa mga itinatakda ng kani-kanilang clean air act.
Nagkani-kaniyang diskarte na ang mga bansa at korporasyong dambuhala para makahagilap ng tustos-panggatong sa mga industriya at transportasyon sakaling masaid na ang krudo matapos 60 taon o sansiglo.
Saanman sipatin, astig ang binubuong balak ng mga dambuhalang kompanyang tulad ng BP. Nananalig sa mga magagawang himala ng biotechnology, plunking down millions where the mouth is.
Nasa ganitong bahagi na ang binubunong sulatin nang biglang nagkahindut-hindot ang gamit na computer. It crashed.
Nakasalpak pa naman doon ang file ng isang survey sa mahigit 70 kompanya sa Pilipinas na nakatuon na rin sa biotechnology.
Hindi naman siguro inaapuntahan ng information overload ang personal computer. Ni hindi naman ito kailangang maghimay sa samut-saring himaymay ng kaalaman para unawain,para gawan ng ulat na tulad ng daloy ng aking gawain sa araw-araw.
Mapipilitan na naman na sumabak sa tinatawag na digital writing, the state-of-the-art technology in word processing that dates back to a few eons when ‘em scholars did cuneiform writing on clay tablets. Tablets like that must have been a bit difficult to swallow.
Balik nga sa sulat-kamay na ipagkakanulo ang mga katangian ng aking pagkatao—nakahilig sa gawing kanan ang bawat titik na magpapahiwatig na ako’y galing sa tinatawag na sentimental hospital, pwe-he-he-he!
Timbog din ang ikinakanlong na tatag ng pulso na kailangan sa maliksing pag-unday ng baling sungay sa pagitan ng mga tadyang. Teka, dalawang pelikulang wuxia mula China ang nagsaad ng ganoon—masusukat mula sa makinis na panulat ang kahusayan ng kamay sa paggamit ng patalim.
Baka ganoon nga. Gagabayan kasi ng isip ang malamyos na daloy ng mga kataga na ilalapat sa papel. Hindi naman talaga lakas ang ginagamit sa mga iglap napagpihit ng patalim—diwa talaga. Kasi nga, focused thought can be faster than the speed of light.
Sinisipat ko ngayon ang pahinang napuno ng mga kataga, bantas, at talata. Hindi naman mukhang kinalahig ng manok o kinalkal ng pusa. Maraming ibubunyag ang sulating ito sa mga katangian na ikinukubli ko.
Maraming nailalahad at naisasaad ang sulat-kamay sa mga may kakayahang bumasa nito—graphologists yata ang tawag sa kanila.
Marami tayong naikukubli sa ating tunay na pagkatao—matatakpan ng text messages, ng sulat sa electronic mail.
Masuyong nahaplos ng aking kamay at galang-galangan o wrist ang pisngi ng papel sa singkad ng aking pagsusulat. That’s something so tender, so intimate, so doting.
‘Kakautog tuloy.
Mwa-ha-ha-ha-haw!
1645H
10 July 2007
Saturday, July 14, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment