ISINANGKALAN pa ang paliwanag ni Dion Fortune na samut-saring hiwaga sa buhay ang sinisikap bigyan ng liwanag. Para matukoy na kung magkatulad ang taglay na pintig ng pamumuhay, tiyak na magkakasundo-- “just as middle C struck on a piano will cause the C string of another piano to vibrate in sympathy.”
Hindi naman kailangang itorotot kung ano ang sariling pagkatao’t pakay sa pamumuhay—ibubunyag ang kabuuan niyan sa mismong ginagawa sa araw-araw. Sabi nga, we define who we are by what we constantly do, how we constantly do that which we do. The operative word is constantly. Palagi. Namamalagi.
‘Yung nakatunganga sa maghapon, tungangero’t tungangera lang. ‘Yung nagbubunganga sa maghapon at magdamag, bungangero’t bungangera lang. Mas mainam kung maghagilap sila ng samut-saring advertisers para tustusan ang anumang daldal at taltal. Ubra namang bumili ng oras sa naglipanang radio stations sa Pilipinas para mabigyan ng sariling programa.
Kapag ganoon ang ginawa, tataas ang antas ng pagiging bungangero’t bungangera. Advertising solicitor na, media block time buyer pa—mayroon nang pakinabang ang ekonomiya. At matutupad ang ambisyon na maging komentarista sa himpapawid. Para makapaghasik ng sandamakmak na laway at palipad-hangin. Kahit walang kalatoy-latoy ang mga hirit, nagtustos naman ng salapi para bayaran ang gamit ng panahon, broadcast facilities, at power supply.
Napansin naman siguro ang pagbanggit sa panahon, broadcast facilities at power supply. Hindi libre ‘yan. Hindi naman tiyak na makakapagtipon ng makikinig sa paghahasik ng laway at palipad-hangin, lalo na nga kung walang kuwenta’t kuwento ang ihihirit.
Hindi rin madaling makasunggab ng advertising support na maglalarga ng salapi sa sinumang kupal at kumag na nais umangat ang antas mula pagtunganga at pagbunganga.
Pinakamadaling paraan ang bumili o umalkila na lang ng makakausap na guest relations officer— huwag nang mag-ambisyon sa Mystique, Pegasus o Classmate, kahit sa mga mumurahing bahay-inuman lang o mamulot ng makakahuntang pokpok sa Cubao o Sta. Cruz. Hindi na uso ang lend me your ears o pahiram muna ng pandinig mo’t bubuhusan ko ng mga siphayo, buryong, at mga taglay na kagunggungan sa isipan—kung meron man-- basta h’wag ka namang maghihikab.
Ilabas muna ang laman ng bulsa bago ibuyangyang ang pagiging tanga.
People can shell out top money for the sensible, for that which inheres value.
Resonance is “just as middle C struck on a piano will cause the C string of another piano to vibrate in sympathy.” Laging may tutugon sa laging pinauugong
Kung torotot lang ang taglay na tugtog na ibinubuga ng bunganga, tiyak na makakasumpong ng kapwa torotot na kaakma’t katugma—huwag nang asahang mapaugnay o makasabay kalapit man ang isang may taglay na symphony orchestra. Maaakit ang tunog-torotot sa kapwa torotot, pwe-he-he-he-he!
Nang ilahad sa isang kapulungan ng katotong Ding I. Generoso ang balangkas ng grassroots health information campaign, kabilang sa mga naantig at naging interesado ang kinatawan ng isang grant-giving body. Sinadya ang katoto para magmungkahi na tutustusan nila ang ganoon katinong balak.
Tumanggap kamakailan ng sulat ang katoto para makipag-ugnayan na sa isang lupon ng naturang grant-giving body. Masinsinan nang usapan ang kailangan para maghagilap ng mga tauhan para mailarga ang naturang kampanyang pangkalusugan—na limang taon ang singkad.
Sa pagpapatupad ng ganoong makabuluhang palatuntunan, tutustusan ito ng $15 milyon sa kabuuang limang taon. Papatak na $3 milyon o mahigit P135 milyon sa bawat taon ng pagpapatupad ng kampanya.
Ngayon pa lang, abala na ang katoto sa paghahagilap ng mga tauhang isasama sa pangkat na aasikaso para magampanan ang mga gawaing hinihingi ng malawakang programa. Kabilang na po kami sa napipisil na isama sa naturang pangkat—medyo mahaba na rin ang karanasan natin sa mga tulad ng ganoong gawain sapul 1980s.
Kulang pa ako sa tauhan sa pinamamatnugutang website. Kasama sa mga ibibigay kong assignment ang pag-ugnay sa global grant-giving bodies para magbukas ng iba pang pintuan sa mga mapagpunyaging katulad ng katotong Ding.
You don’t do such tasks because there’s a lot of money to be gained there. Gagawin lang dahil kayang gawin, matagal nang ginagawa, muli’t muling magagawa. You do it because you can—that is your character defined by what you constantly do. It’s your curse. Or gift.
Humahakbang tayo sa pintig ng sariling tambol. O sa piyok ng sariling torotot.
Mwa-ha-ha-haw!
Thursday, July 19, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment