Grabe sa graba
BAYAG lang yata ang dala ni Larry G. Campos nang unang tumuntong sa Maynila. Pero maraming may nakalawit na pabigat o dekorasyon lang yata pero wala talagang paninindigan. Walang binatbat.
Dose anyos siya, walang aasahan na tutustos sa kanyang pangarap na makatapos ng pag-aaral. Pero gusto niyang makatapos. Inot na naglako ng kung anu-ano sa Luneta—naroon ang pananda sa Kilometer Zero. It’s a starting point. From scratch, begin from nothing if you dare to go places. Oh, the places you’ll go if you dare to move your feet fueled by your aspirations. Ad astra per aspera. Kahit gumapang, makakarating pati sa mga bituin—basta’t h’wag titigil sa kagagapang.
Gapang naman ang Campos. Gapang, gapang… gapang. Nakapagtapos.
Iba na ang bihasa sa hirap, may mataas na pinag-aralan pa: natanggap na millwright technician sa global construction giant na sikat noon, ang Atlantic Gulf & Pacific Co. pero hindi pa rin sapat ang kita—nakapag-asawa na siya’t may panganay na, at magsasalo silang mag-anak sa suweldong P14 sang-araw.
Hindi sapat ang kita. Sinubukang mangibang-bayan nitong 1975—umabot nang anim na buwang singkad, wala pang tawag mula sa inaasintang pasukan. Balik-trabaho’t napadestino sa Bukidnon, bitbit ang pamilya.
Sa Iran napatapon si Campos, 1976 na—sa konstruksiyon pa rin ang kayod, nadestino naman sa kung saan-saang lupalop. Algeria, Bangladesh, Oman, Papua New Guinea, Saudi Arabia. Saanman at anuman ang gusaling ititindig, pangunahing sangkap ang graba.
Hindi na kailangang ituon ang paningin sa itaas para maghagilap ng magandang manenegosyo. Kailangang lumuhod—tuloy na sa panalangin at pasasalamat sa Maykapal—at tiyak na masusumpungan ng mata ang mga sangkap sa pagtitindig ng tahanan man o gusali.
Buhat sa naipong halaga mula pamamasukan sa ibayong lupalop, sinimulan ng mag-asawang Campos ang kanilang negosyo nitong 1994. Nakatutok lang sa alam na alam gawin ni mister—erection.
Oo, mga kailangang sangkap sa pagbuo ng matibay na bahay at gusali. Hollow blocks, buhangin, graba saka panambak..
Nagmula palibhasa sa ibaba’t gumapang paitaas, naging mapagkupkop si mister sa kanyang mga tauhan sa naitayong kabuhayan—umabot sa 25 ang kanyang mga tauhan sa trabaho.
Masasabi nating lumang tugtugin na ang ganito—ganyan din ang ipinangangalandakang kuwento ni Sen. Manuel B. Villar, Jr. na nagtindero naman ng hipon sa Divisoria para matustusan ang kanyang pag-aaral na nang makatapos, pumasok sa isang higanteng kompanya sa konstruksiyon. Ni hindi na nga nangibayong-dagat nang magbitiw, ginamit ang separation pay para makabili ng segunda-manong trak na panghakot ng graba’t buhangin. Kinontrata ang dating pinapasukang kompanya para tustusan ng graba’t buhangin. Hanggang sa unti-unting lumago.
Basta huwag abahin ang mumunting butil ng bato—na kapag natipon maihahalo sa apog, at tubig na haliging titindig para tumayog ang gusali.
Bilin nga ni Dr. Jose P. Rizal: Katulad ng bato sa ilang ang tao na walang ambisyon, na hindi kailanman magiging bahagi ng ititindig na mataas na gusali.
Saturday, July 14, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment