Saturday, July 14, 2007

Pa’no na kung torotot lang?

“…just as middle C struck on a piano will cause
the C string of another piano to vibrate in sympathy.”


NAITAMPOK minsan si Mang Levi Celerio sa National Geographic o Discovery Channel yata. Humuhugot ng himig sa kung anu-ano lang na dahon na mapipitas sa paligid. Ilalapat ang piñatas na dahon sa bibig. Bubugahan ng himig—kahit papiyak o paigik mang tunog na mapipilit.

Sa piraso ng papel na inilapat sa mga ngipin ng suklay—doon naman ako natutong ibunton ang hininga na may kalakip na himig. Dadaloy at dadaloy ang tugtog at tunog.

Musika sa sariling hininga ang susi para magpalabas ng tunog sa dahon o sa papel na nakalapat sa mga ngipin ng suklay.

Hindi susuka ng musika kahit plawta, klarinete, silindro o torotot kung hindi hihipan ng bunton ng hininga.

Malas lang ng may halitosis. Tiyak na umaalingasaw na halinghing ng Bee Gees o Air Supply ang mailalabas, este, maidadahak na plema, pwe-he-he-he!

Kangina lang, kiniliti ng pianista ang piano sa aking likuran matapos makatipan ang batang babae na dalawang linggo lang nakasama sa trabaho. Ni hindi humagikgik o humalakhak ang piano sa aking pandinig—kahit pa kiniliti nga ng pianista ang mga teklado nito. Nakaharap ako sa bukanang pinto ng Sulo Hotel. Nagkakape’t ni hindi nga nasilip man lang ang lingguhang kapihan doon.

Hindi naman kasi humahalakhak o humahagikgik ang dalawang piyesa na piniga-piga niya. Hindi ko matandaan ang una. Obra ni Barry Manilow ang ikalawa—na wala ngang maaantig na kagayang musika’t himig na nakasilid sa mga himaymay ng laman.

Nakatikim na ba siya ng lupit na humahagupit?

Kahit mapanlansi’t mapanlinlang na himig sa ‘Tinikling’ o ‘Maglalatik,’ baka himaymay ng laman ay kuminig—hindi lang makikinig.

Malupit ang hagupit ng ‘Great Balls of Fire’ ni Jerry Lee Lewis. O ‘Play Something Sweet’ ng Three Dog Night. O ‘It’s a Beautiful Day’ ng Queen. Kahit ‘Every Breath You Take’ ni Sting. O ‘It’s Just Another Day’ ng Beatles. ‘Shine on You Crazy Diamond’ ng Pink Floyd. ‘Stuck in a Moment (You Can’t Get Out Of)’ ng U2.

O hiyaw ng ‘Hen-haa!’ kapag ikinadyot ang kabuuan ng palad sa isang yugto sa paglalaro ng chi kung.

Taglay ng bawat himaymay ng ating laman ang samut-saring himig. Dadaloy at dadaloy at dadaloy sa ating mga kilos, gawi at gawa. Lagi’t laging maghahagilap, makakatagpo ng mga kaugong at katugon, kaakma’t katugma.

At doon tayo magkakaugnay, hindi balakid ang layo at lagay ng panahon.

Padadaluyin natin ang mga isinimpan at sininop na himig sa napakaraming paraan at pamamaraan.

Maaari na nililikom muna sa dibdib. Ititibok bilang lihim at liham na himig. Pipintig. Unti-unti na magiging mga pantig.

Tuwang tuwa ang mga diyaske kong anak nang unang bumuo ako ng torotot sa binilot na piraso ng dahong saging. Sa wastong paraan lang pala ang paghugot ng kahit sampigtal na himig mula sa mga sangkap sa paligid.

Nariyan man at iglap mahagilap ang sangkap, kailangan pa rin ng sariling hininga sa nalikhang kagamitan para pumiga ng kahit sampatak na musika.

Sa halip na magbuka ng bibig—tulad sa pokpok na ibibisaklat ang piyerna para masalaksakan ang nakangangang alkansiya ng troso man o braso—kailangang itikom ang bibig upang walang makalabas na salita.

Ititikom ang mga labi sa pinitpit na dunggot ng binuong torotot. Saka doon ibubuhos unti-unti ang hininga upang ang anumang sasambiting bungkos ng pangungusap ay maging katiting na himig.

Too-o-o—o—ot!

Nasulyapan ko yata ang pinagsanib na kislap at diklap ng Milky Way sa liyab ng balintataw nina Bilog, Podying, Kukudyu at Puwit—sila ang mga magiliw kong anak—nang una silang humihip sa torotot na gina lang mula ilang hiay na dahon ng saging.

Where else can you find music and magic but in the plainest of plain things?

Pero kahit torotot lang ang kayang katasan ng pagas at pagak na musika, kahit sa himay na dahon na pinitas sa paligid, doon muna ilapat at itikom ang bibig.

Sa doon ibuhos ang kinikimkim at tinitipong balumbon ng hininga sa dibdib.

Too-o-o-ot!

Nagmula ‘yan sa dibdib. Baka nga mula pa sa puso. Hinugot sa pintig.

No comments: