SAPUL 1968 sambuwan santaon sa loob ng 33 taon nakasama ni Fortunato Diño ang kanyang asawa’t apat na anak.
Sa sambuwang singkad ng taunang bakasyon, kailangan ng matinding bigkis o bonding sa pamilya— at talagang hindi sapat ang napakaikling panahon para lubusang maging malapit sa isa’t isa, para subaybayan, damayan at gabayan sa paglaki ang mga bata. Nabunton kay misis ang ganoong tungkulin.
“Bumabawi na lang sa mga apo, ‘ika nga,” kumpisal niya.
Pero alam niya at ni misis ang matalim na katuturan ng sakripisyo-- sacre oficio talaga ‘yon. Banal na pagganap sa tungkulin. Pitong magkakapatid si mister. Siyam sina misis. Talagang hahagok sa hanapbuhay at sagad na sikap ang kani-kanilang magulang para matustusan ang pagpapalaki sa mga naging anak.
Santaon pa lang silang kasal ng misis nang ipasya niyang mag-seaman. Para makaipon ng salapi na maipupuhunan sa negosyo. Para maitaguyod ang pagpapalaki’t pagpapaaral sa mga anak.
Maraming tukso’t mababalingang kahibangan sa laot at bawat pantalan na dadaungan ng barko—hindi lahat ng sumampa sa barko ay nakakaligtas sa tukso. May mga nahumaling sa sugal, nalalaspag ang ipon. May mga nalublob sa patikim-tikim ng iba’t ibang puerta sa bawat puerto—uuwing may AIDS o kauring karamdaman, laspag pati katawan.
Tiis si Diño. Alam na alam niya ang katuturan ng sakripisyo. Sacre oficio.
Tiis din naman si misis. Tahasang pinangatawan ang paggabay sa kanilang mga anak at pagpapalago ng sinimulang kabuhayan.
Hindi na kailangang unti-unting himayin ang pagsisiwalat kung paano natupad ng magkabiyak ang kanilang hangad sa buhay at pamumuhay. Kahit sa pagsasaka, hindi tahasang mauungkat ang masinsinang pagbungkal sa tatamnan, ang paghahasik ng mainam na binhi, ang walang humpay halos na pamamatnubay sa paglaki ng pananim. Tatambad na lang ang sigabong pamumulaklak, ang hitik na pamumunga.
Mining engineering ang tinapos ng kanilang panganay, nag-fourth placer pa sa board exams at namamasukan ngayon sa Australia .
Social worker ang ikalawang anak na nagtapos sa isang pamantasan sa Maynila, naglilingkod ngayon sa isang monasteryo sa kanilang lalawigan.
Naging medical technologist ang pangatlong anak ng mga Diño. Isa nang dentista sa isang kolehiyo sa kanilang lalawigan ang kanilang bunso.
Mayroon na silang 2.2-ektaryang palayan at gulayan, palaisdaan, at isang munting bahay-pahingahan sa kanugnog na barangay—bukod pa ang binili nilang mga lote sa kanilang barangay na pawang ginawang halamanan.
Mula sa kanilang inipon, nakapagpundar din ang mag-asawa ng ilang sasakyan—kabilang na ang isang multicab na ipinapasada ni mister para manatiling abala sa gawain.
Abala ngayon sa mga gawain sa kanilang parokya ang mag-asawa bilang pasasalamat sa Maykapal.
Hindi naman kasi nasusukat ang tagumpay at asenso sa laki ng natipong salapi o sa dami ng nabiling ari-arian. Para kay Diño, bawat natupad na pangarap ng kanyang mga anak ay naging katumbas ng 33 taong sakripisyo.
Sakripisyo. Sacre oficio. Banal na pagganap sa tungkulin.
Tuesday, July 17, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment