KIKIWAL-KIWAL na kumpol ng mga uod sa inaagnas na bangkay ang bunton ng mga maysakit na dumadalo sa bawat healing session ni healing priest Fr. Fernando Suarez… samut-saring karamdaman, mga pinsala’t kapansanan ng katawan at kalusugan ang umaamot ng kahit kaunting lunas… baka pati ‘yung asungot na nakatanaw sa bawat gawi’t gawa namin sa loob ng pamamahay, talamak na kasi ang PTB, hindi pulmonary tuberculosis kundi pulos tunganga’t bunganga… baka dumagsa na rin ang kawan ng mga OFW upang malunasan ang naghihingalong kalagayan ng U.S. dollar…
Nababahala na yata ang ilang obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kahit hindi naman lumilihis sa mga doktrina ng Simbahan si Fr. Suarez na hindi pa namin nababalitang naglaglag ng unwanted pregnancies, nagpayo para sa family planning o nagpahayag na dapat nang ibalik ang death penalty para sa krimeng karima-rimarim tulad ng plunder, pandaraya sa halalan, graft and corruption…at lalong walang dapat ikabahala ang mga health and medical professionals ng bansa na baka ibalibag sa bintana ng healing priest ang mahabang panahong inilublob sa seminaryo’t magbiglang-liko sa alinmang sandamakmak nang nursing schools na nagsulputang kabute sa bansa para mapasama sa pantustos na registered nurses sa ibayong lupalop.
Hindi rin dapat mabahala sina Dr. Vicky Belo, Dr. Pie Calayan at mga kauri—wala pa namang binasbasan si Fr. Suarez na biglang naglaho ang suson-susong bilbil, kuminis sa iskoba ang magaspang na mukha, tumambok ang tumbong o umumbok sa katakam-takam na sukat ang suso’t naretoke sa sapat na sikip ang mahiwagang hiwa sa hinaharap…
Iginigiit ng healing priest na kawad lang siya. Medium. Parang electrical conduit… dinadaluyan ng kuryente mula sa pinagmulan nito… parang silya elektrika yata na kapag pusakal na salarin na sugapa sa pandarambong ang iniluklok, tiyak na bibiyayaan ng libu-libong boltahe’t magiging toast of the town… Kaya naman nananawagan na kami sa mga nasa Malakanyang, Senado, Kamara’t iba pang sangay ng gobyerno. Magpabasbas lang po sa healing priest… baka sakaling mabigyan ng lunas ang bansa.
Medium lang—hindi rare, well done, small, large, XL, XLL, XXX ang sukat, at hindi na nga maaaring ipalabas sa balana kapag nasukatan ng XXX, malaswa na kasi.
Kapag dumami ang tulad niyang medium, magiging media—at tagilid tiyak ang lagay nila sa nakaluklok ngayon sa Department of Justice, hindi na sila mapapahintulutang tumutok at maglabas ng ulat sa mga nagaganap na balita tulad niyong nangyari nitong Disyembre 2007 sa Manila Peninsula.
Iglap na ginhawa’t lunas ang karaniwang pakay ng mga maysakit, naghahanap yata ng iba pang medical opinions o naiibang diagnoses at himala kahit natukoy na ang kanilang sakit. Mas marami ang kapos ang kakayahan ng bulsa sa pambili ng gamot—menos-gastos ang dulot na lunas kahit pansamantala lang mula sa basbas-biyaya ng media na tulad ni Fr. Fernando Suarez.
Opo, media ang turing sa maramihan, medium kapag iisa lang. Sa laboratoryo, pinalalago din ang mga mikrobyo at cell colonies sa medium na nagtataglay ng sapat na nutrisyon, siksik-liglig-umaapaw. Sa labas ng laboratoryo, samut-sari na ang naglipanang media para sa makrobyo, Opo, makrobyo—kabilang na ang tao.
At hindi lahat ng media ay makakalunas, makakalutas… Kakaunti ang tulad ni Fr. Fernando Suarez.
Ang hinahanap-hanap namin ay tulad ni Stella Suarez… nasa awiting bayan ng aming kamusmusan na katunog ng A Hard(on) Day’s Night, “Divina Valencia, ang pangunahing artista… Stella Suarez… nagwawalis…”
Sunday, February 03, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment