PATAY na pabigat ang tahasang katuturan ng mortgage. Katumbas ng gilingang bato na isinabit sa leeg. Kapara din ng albatross hung on one’s neck.
Ito ang naging mitsa ng pagpapakamatay ng pangunahing tauhan sa dulang “Death of a Salesman” ni Arthur Miller. Nagpatiwakal ang edad-60 nang Willy Loman upang makasingil ng malaking halaga sa life insurance ang kanyang asawa—nagmula sa naturang halaga ang kahuli-hulihang hulog sa kanilang binabayarang tahanan sa nakalipas na 30 taon. Hindi naging pabigat sa pamilya ang kamatayan ng haligi ng tahanan na nagpumilit tugisin ang mailap na American dream, ang magkaroon ng sariling bahay at lupa.
Mahapdi sa bulsa ang pagtustos sa bumubuhos nang patak-patak na gastos. Makirot ang gugulin sa pagkain na sasakmal ng mula 35% hanggang 47% sa kita ng middle income family sa Pilipinas. Pangalawa lang sa sasagpang sa kita ng ganitong pamilya ang bayarin sa hinuhulugang bahay at lupa—mula P15 hanggang P17 ang nakalaan mula bawat P100 gana, abot-kaya ng bulsa ang amortization o ipapatak sa patay na pabigat na utang.
Kabi-kabilang utang rin ang ibinunton sa leeg ng Amerika’t naglulublob dito ngayon sa kumunoy—hindi uso sa kanila ang mamaluktot kung maiksi ang kumot, kailangan kasing may credit history o kasaysayan ng pangungutang ang mga utangna nila upang maituring na lehitimong tagaroon. Ipinagtutulakan talaga para maglublob sa utang ang mamamayan nila.
Anupa’t isinoga’t isinugo ang kakatwang hayop para lubusang suwagin ang balana sa pagkakautang—subprime rates o subprime lang ang animal na ‘to. Kapara sa Pilipinas na sasablay man ang suweldo sa mga hinuhulugang utang, magpupumilit na makakuha ng credit card na isasangkalan sa pangungutang.
Little strokes fell great oaks. A little leak can sink a great ship and usually spouts off a small dick.
Sa kaso ng Amerika, karaniwan na hulugang lupa’t bahay ang pinatawan ng subprime—inilaan ang mas mababang tubo ng pautang sa mga kaduda-duda ang kakayahan sa pagbabayad. Nadamay na rin pati pangungutang sa sasakyan, at anumang bilihin na credit card ang isasangkalan. Kung 10% ang prime rate, kakatamin pa kahit kaunti ng magpapautang na bangko para makayanan ng mangungutang ang pagbabayad. Katwiran yata sa kakatwang patakaran sa pambansang kabuhayan na nakatindig ang mga haligi sa utang: your credit may not be good but we need cash.
Naunang sumablay sa pagpatak ang mga naghuhulog sa bahay at lupa, kamukat-mukat hawa na rin sa pagsablay sa patak-bayad ng utang ang iba pa. Anupa’t sumayaw na ang haligi ng pambansang kabuhayan at pamumuhay na ibinaon sa utang—umiindak sa sindak, lumalangoy sa kumunoy.
Kaya pandalas ng pagmumura ng OFWs saanmang lupalop sa panlulupaypay at erectile dysfunction ng U.S. dollar na humihiram ng tikas at tigas sa utang—utangna nila talaga! Nalilintikan pati nananahimik na piso sa Pilipinas.
Nagmumura rin madalas ang isang katotong mamang pulis na napatoka sa warrant section—siyam bawat 10 kaso na sasaklutin ng warrant, tiyak na estafa o kaugnay sa tumalbog na tsekeng ipinambayad sa utang. Para walang kawala, tiyak na masagpang ng bisa ng warrant ang may kaso, sasadyain niya habang nasa kasarapan ng pagtulog nito o habang nakabaon ang tagdan sa yungib na pinasukan. Tuwing madaling-araw ang lakad.
Batay sa bilang ng warrants na kailangang isalpak pambabalasubas ang pinakamalaganap na krimen sa Pilipinas—it’s a non-index crime anyway that won’t turn up in crime incidence figures racked up by the law enforcement agencies.
Hindi pinapairal ang subprime sa bansa. Ba’t kailangang makigaya’t mahawa sa kasuklam-suklam na sakit sa bulsa ng utangna’ng Amerika na nagbubuhat ng tala-talaksang patay na pabigat?
Payak at tipid na tipid ang mga tagubilin sa Tao Te Ching o landas ng pamumuhay na makapangyarihan… maging payak…yakapin ang kapayakan… bawasan ang mga nasa…tagumpay ang pamumuhay kapag natiyak ang mga nais ay talagang kailangan.
Will Rogers: “Too many people spend money they haven't earned, to buy things they don't want, to impress people they don't like.”
Maraming patay na pabigat na tutugisin ng perra, bitch. Mas masaya ang ganitong umaalulong sa buwan, sa mga bituin, araw at buntala…
Sunday, February 24, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment