HABANG papasok sa bunganga ng ilog o estuary na sumasalin sa Lingayen Gulf sa San Fabian, Pangasinan natutunan na higit palang mainam na sumalungat sa daloy ng agos—yeah, the way to go is against the current. Hahakbang palaban sa pagsuwag ng agos upang makita nang malinaw ang nilalakaran.
Panahon ang agos ng tubig sa paningin ng monghe’t makatang Miguel de Unamuno. Anupa’t ang pasulong na hakbang laban sa tulak ng agos ay sasagisag sa sigasig ng pagtutol. Ipaghiyawan man ng rock and roll nina Huey Lewis and the News na it’s hip to be square, it’s alright to conform to whatever’s trendy, mas malinaw na pananaw ang gantimpala sa hindi sumasang-ayon sa umiiral na kalakaran.
Moving forward upstream and against the current isn’t easy. It’s often an upward climb. That’s an ordeal of a test for the mettle and métier of one’s legs. Matatag ba ang paninindigan mo? Tiyak ba’t matibay ang mga hakbang na isinusulong mo? Kaya mo?
Sumunod sa agos, tiyak na malalabusaw ng sariling hakbang ang putik sa batuhan o buhanginan na niyayapakan. Aalimbukay paitaas ang putik at layak, hahalo sa tubig—wala ka tuloy maaninag man lang sa nilalakaran na karaniwang may nakalubog na tinik ng aroma o tugui, matalim o madulas na bato’t basag na bubog, gawak na lata’t salamin. Hindi rin mainam sa kalusugan ang matuklaw ng coral snake-- na mas mabagsik kaysa cobra at ulupong ang kamandag…
Hindi naman pag-iingat lang. Hindi pag-iwas sa mga panganib sa paligid kaya sumusugod pasalungat sa agos. Mas malakas pa rin ang udyok. Mas matamis tikman ang tukso ng pananaliksik, paghahalungkat-halukay sa mga nakatagong anuman sa mga tipak ng bato’t guwang na malaki’t munti na mababaybay sa gilif ng anumang bunganga ng ilog, lalo na’t sa mismong dagat nakanganga’t humihigop ng tubig-alat.
Mapapansin na mas matingkad ang azul na kulay ng lalaking gourami sa pagtatalik ng tubig-tabang at tubig-asin o tabsing. Halos nagliliyab na neon lights ang kapara—mapusyaw ang bughaw na kaliskis ng naturang isda kapag nasa tubig-tabang.
Naglisaw ang mga dinangkal o milkfish fingerlings sa gilid ng bunganga ng ilog. Tiyak na may udyok ang panahon ng pangingitlog ng mga inang sabalo ng bangus na dito maglagak ng mga supling—na sa paglaki nga’y tila overseas Filipino workers na susuong na sa laot, malimit na doon na lubusang mamumuhay.
Mula saanmang laot, sa mga ilog na sumasalin sa karagatan susuong ang iba pang inahing isda. May kung anong taglay na tapang ang mga ina.
At karaniwang natatangi ang linamnam ng mga naturang inahin—ah, the lusciously, ferociously edible woman I hanker for. Lurong o ludong sa dambuhalang ilog sa Cagayan. Maliputo sa Ilog Pansipit na daluyan palabas ng tubig sa Lawang Taal sa Batangas. Apahap o bass sa Rio Grande de Apalit na sumasalin sa Look ng Maynila. Palos o saltwater eel na lubusang nagiging tutong ang tagpi-tagping balat kapag sumalunga sa tubig-tabang para maglagak ng mga magiging supling sa hulo ng ilog, farther upstream. Palaban din sa agos ang gawi ng garoupa, ng red snapper o lapu-lapu, sasalunga sa agos ng tabsing upang mailagak ang mga magiging anak.
Ganoon marahil ang pinakamatingkad na larawan ng pagpapamilya. Kailangang ikayod pasalunga sa hagupit ng agos at alon ang palikpik upang mapagsinop sa mapagkalingang lunan ang magiging mga anak.
Kapag humahaplos sa ulirat ang mga ganyang marikit at mapangahas na larawan ng pamumuhay, tiyak na huhulagpos sa labi, “Fish be with you.”
Sunday, January 27, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment