Wednesday, January 09, 2008

Kapag pasalubong ay ngiting magiliw, tiyak na pustiso ang ngipin

HINDI biro ang magbitbit ng pasalubong. Hindi lang kasi dalawa-tatlo katao ang kipkip sa isip, magiging pakay ng alay na nahalukay mula saanmang lupalop na pinagmulan o pinuntahan.

Kalahating kilo ang sandosenang natatanging suriso mula Alaminos, Pangasinan—tig-isang dosena ang ilalaan sa mga taong malapit sa puso saanman lumayo. Unti-unting madarama ang bigat ng hindi iilang kalahating kilo na natitipon sa sisidlang pasan sa gulugod.

Kalahating kilo ang ilang pirasong daing na boneless bangus—timplado na sa bawang, paminta’t suka. Iluluto na lang. Dadagdagan pa ang dagan ng bigat na pasan.

Masakit ang mag-ukol ng pagmamahal. Kung saan-saan maghahagilap, lilikom ng iaalay na handog. Kalakip ng bawat handog ang hingal-hagok-hapdi ng balikat, bisig, at gulugod.

Hindi na alintana ang ginugol na kuwalta, lagi’t lagi namang may kikitain sa walang humpay na daloy ng gawain. Gagaang ang lukbutan. Bumibigat naman ang samut-saring bitbitin o pasaning pasalubong. Parang penitensiya. Parang parusa.

Dumaan na tayo sa ganitong karanasan noon pa man. Listo ang tingin, ginagalugad, at tinatahip ng tanaw ang mga nakahanay na bagay-bagay sa paligid. Tiyak na may mahahagip, may masisilang inakay ang matang-lawin. Kaya marahil nakagiliwan natin ang pag-aalaga ng napakaraming pusa—bawat isa’y natatangi ang katangian at paraan ng pananaliksik, walang patid ni hibas na halungkat-tuklas sa bawat bagay sa paligid.

Kakaibang bulaklak, kakatwang palumpon o tangkay ng halaman. Ilang pumpon ng digman, ilang bungkos ng talbos ng pako mula sa ilog sa paanan ng Sierra Madre. Ilang punggok na pinya mula sa nadaanang taniman, ilang dakot na bunga ng lipote’t buto ng nutmeg mula dawag ng Makiling. Ilang kipil na bulaklak ng jade vine.

You’d think sometimes that things like these we bothered and paid mind to bring home can be priceless relics of our passage into uncharted landscapes and broad horizons we dared explore.

Napakaraming ulit na nag-uwi tayo ng mga pumpon ng bulaklak at bunga ng kalug-kalog na pinupol sa parang. Ni hindi nga pinapansin ‘yon ng mga baka’t kalabaw doon, kayo lang ang nag-ukol ng pansin. May isang pagkakataon na namingwit tayo noon ng kalahating sako ng palakang bukid—tugak na paborito ng tagak. Ilang oras din ang nagugol sa pamimingwit. Hindi naman pala alam ihanda ng bathaluman sa ating tahanan. Pinakawalan ang kalahating sakong palaka. Talunan kung saan-saang sulok ng ating halamanan. Bundat na bundat ang dalawa nating pusa, sila ang nagpakasawa’t nagpiyesta sa palakang sariwa—hindi na kailangan pang gawing katakam-takam na batute, adobo, sinampalukan o fricassee.

Hinahagod-hagod ko pa ang nananakit na balikat at gulugod. Naipamudmod na ang mga pasalubong sa mga kalapit ng puso’t kabuhol ng bituka’t kapilas ng hininga.

Suson-suson din ang bigat ng pasalubong na binata’t naglagda ng sakit sa kalamnan. Kahit paano, tiyak na mag-iiwan din ng kahit katiting na tuwa’t galak ang mga hinandugan ng pasalubong— marami rin sila.

We were on a commute to and from Bolinao, Pangasinan and it takes a hideously strong upper torso to bear the burden of tokens and offerings for those we hold dear.

Basta talagang gumagaan ang pakiramdam, naiibsan ang kirot ng kalamnan habang naipapamudmod ang mga bigat na pinasan.

Saka lalo yatang lumalakas-tumitibay ang balikat, bisig, tuhod, at gulugod sa mahabang singkad ng pagpasan sa mga ganoong dalahin— mga 50 kilo na naman ang pinasan… Nakayanan. Para kasi sa mga kalapit ng puso. Mga kabuhol ng bituka’t kapilas ng hininga.

No comments: