YAKAP ng yapak na paa ang suson-susong salansan ng mga butil-buhangin sa dalampasigang nakaharap sa katimugan ng Dagat China, nakaungaong sa walang humpay na dagundong ng hangin at along rumaragasa sa paanan.
Nakasalubong ang isang Koreano sa baybay na saklaw ng Bing’s Beach Resort—18 kilometro ang layo sa bayan, nakalatag sa aplaya ng Barangay Patar, Bolinao sa Pangasinan. Hawak-hawak, tinitimbang sa magkabilang kamay ang ilang tipak ng pinulot na batong bahura o coral stone.
Sumalampak siya ng upo sa buhanginan. Isa-isang sinipat ang kanyang nalikom. Mataman ang pagsipat, parang may inaarok na kung ano sa galasgas ng bato. Dulo ng sundang ang singkit na mga matang marahan, buong hinahon na inihahaplos sa malikaskas na tabas ng bato.
To see the world in a splayed groin of sand… and, ah, dulcet heaven in a maiden’s candid flower… Ganoon marahil ang kanyang taimtim na paglilimi sa mga tipak ng bahura. Siya lang ang aangkin sa matutungkab-tuklas ng kanyang lirip, siya lang ang sisimsim sa anumang katas na mapipiga ng sariling isip.
Iba naman ang nakasalang sa sariling lirip. Umiiral pa rin ang pananaw agham. Kapag natipon ang tone-toneladang tipak at pira-piraso ng bahura sa dalampasigan, maaaring sunugin. Apog ang malalabi sa pinagsunugan. Mahusay na mortar ang calcite o carbonate material na sangkap din ng gulugod, bungo’t buto sa katawan. Mismong ang mga tipak ng bahura’y matatabasan sa kainamang sukat para maisalansan. Patayugin. Maititindig na matibay na tahanan. Mga bahay na bato. Ganoon ang nakikita sa nakahandog na mga tipak ng bahura, mga marikit na kalansay at bungo ng lamang-dagat sa baybayin.
Ganoon man ang humahaplos sa isip, nakahulagpos naman ang musmos sa sariling dibdib, made a few gingerly steps on wet sand then did a few cartwheels, haah… To what silly lengths we go to for the child within to romp anew, bereft of cares and concerns about bills to pay, deadlines to meet, reports to rush through, competition to crush. And maybe glutathione sessions to plunge into or liposuction operations to go under to bring back that young feeling. Bother not this child with gripes about having too little to enjoy, too much to endure.
Nah, I didn’t have to do a 15-minute headstand on the sand to feel jolts of humility cramming the cranium. The Afro-Brazilian capoeira cartwheels, one hand bearing the body’s entire weight for a heartbeat can be enough to quicken the childlike feel within. The crush of over 40 years borne in a 50 years plus body, the years flee in a fit of giggles.
Malawak ang ari-ariang lupain ni Aling Bing, bukod pa sa kanyang inot-inot na sinisinop na beach resort. Inalok pa mandin ang sumusulat nito. Baka gusto ko raw bumili ng ilang tipak—P2,500 por metro kuwadrado-- para matindigan ng kahit na kubakob lang para may babalik-balikan, bakasyunan o pamamalagian kapag retirado na sa pamamasukan sa trabaho.
Mahirap aminin na hindi makakatikim ng pagreretiro—pagsuko o pag-urong ang tahasang katuturan nito mula EspaƱol—sa ganitong uri ng hanapbuhay. Sa pagsusulat. Lagi’t lagi nang iyayapak ang paa sa lupa, burak man o buhanginan, batuhan man o putikan. Saka magsusungkit ng mga butil ng buhangin o bubog kahit tinik o salubsob na tumurok sa talampakan. Lagi nang magsisiwalat ng mga talang niyapakan o niyakap ng talampakan.
Limang kilong tipak ng bahura’t mga sigay ang bitbit ko pauwi. Kahit nasa liblib man ng kalunsuran, may maiuukol na panahon upang tukuyin ang mga natipong daigdig sa binlid na buhangin, masipat pati ang langit sa nakangangang talulot ng corales y caracoles.
Wednesday, January 09, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment