Thursday, January 10, 2008

Inurirat sa ulirat ng sikmura

DINALA na pauwi ang tipak ng batong bahura na sinlapad-tambok ng pisngi ng seksing tumbong ng dilag—maghapong naghilamos iyon sa init ng araw nang masumpungan sa aplaya’t matagal na idiniin sa humihilab na sikmura. Nanuot hanggang bituka ang hiram na araw ng batong bahura. Naibsan ang hapdi ng hilab sa silahis ng init.

Habang nagtatampisaw ang mga kasama sa tubig-alat, ilang ulit naman akong pabalik-balik sa Taku Beach—sige na nga, kasilyas—upang magbuhos ng sama ng loob. Hinayupak na kilaw na talaba ang sanhi. Hindi nakayanan ng sikmura. Tatlo kami na namulutan niyon ang tinamaan. Pinakamatindi ang tama ko.

Sinadya ng tropa ang Enchanted Cave ni Manang Auring— nabungkal mula angaw na taong gulang na salansan ng bahura ang yungib na tagos sa coastal aquifer o likas na imbakan ng tubig-tabang sa baybay-dagat. Masayang naglunoy ang pangkat habang pabalik-balik pa rin ako sa Taku Beach. Umaariba pa rin ang hilab ng sikmura.

Hindi nasikmura ang kilaw na talaba. Sinikmuraan ng hilaw na talaba. Hindi nakasundo, hindi natunaw ang kinain. The raw oysters just didn’t agree with me, as we would have it in idiomatic English. Just like the cannibal who devoured his in-laws and as he suffered from a bum tummy, belched a bellyache: “They still don’t agree with me.”

The problem is alimentary, my dear. There’s indigestion—whacked out assimilation of whatever that was taken for ingestion.


Kung isasalin sa lirip ang tipak ng kaalaman, kailangan talagang himayin muna. Mga mumunting piraso na madaling maisusubo’t mangunguya nang dahan-dahan, matamang nilalasahan—hindi mabubulunan—para lubusang maisalin sa katawan. Para mapakinabangan ang taglay na kabuluhan at sustansiya.

Now we call that information chunking— know-how, know-why, know-what dealt out in easy-to-chew bite-size tidbits. Madaling nguya-nguyain o himay-himayin, saka unti-unting maisasalin sa sariling katawa’t magiging bahagi ng pansariling kaalaman.

Maiuugnay ito sa kakaibang kabatirang inilahad nitong 1998 sa obrang Virus Clans ni Michael Kanaly—naiimbak, nalilikom at naisasalin ang kaalaman sa pamamagitan ng protina na isinangkap sa katawan at nagiging bahagi ng genetic code o deoxyribonucleic acid (DNA). Sa madaling sabi, may ulirat na naninirahan sa utak at mayroon ding ulirat na namamahay sa sikmura.

Kumakalam ang sikmura. Kumakalampag, umaalam ang diwa. Dapat na tustusan kapwa.

Mauungkat na mga kawing ng amino acids at peptides ang bumubuo sa protina. Mga kawing na kailangan munang himayin, tilad-tilarin. Mga kawing na naglalaman ng kaalaman na maisasalin sa laman ng katawan. Kaya napapailing habang tukop ang sikmura— hindi nakayanan ng ulirat ang information overload mula hinayupak na talabang kinilaw. Hinigop na’t isinalang sa bituka pero hindi nga naatim ng sikmura.

Pero hindi ito nangangahulugang itatakwil na natin ang kaalaman mula sa malinamnam na laman ng talaba—na pampalambot man ng ilalabas na sama ng loob, pampatigas naman ng singkapan at pampagana pa nga sa pakikipaglaro ng bedminton.

Babalik-balikan pa rin ang paglantak sa lintek na talaba. Parang paksa ng kaalaman na hindi man naunawa o natunaw at lubusang naisalin sa isang pagkakataon, muli’t muling lalantakan at hihimayin sa iba pang pagkakataon.

Ayoko namang magtiis na lang sa oyster sauce para ibahog sa pinasingawang usbong ng asparagus o ihalo sa mga tangkay at dahon ng kangkong.

Mas madaling maunawa ang nilalaman na maisasalin sa laman mula sa talaba. Maaatim ng sikmura. Sa kapwa na may mga kasula-sulasok na gawi’t gawa, lalo na ang mga umaastang kakandidato sa halalang panguluhan sa tu-uten o 2010, talagang mahirap nang maatim ng sikmura, pwe-he-he-he!

No comments: