"SAPOL mo lahat ang katwiran ng mga nangingibang bayan. Todong trabaho at babalik sa inang bayan kapag di na makayanan at doo’y hihintayin ang kamatayan, bakit nga kaya ganon? Ito ba’y isang pangarap? Isang pangarap kung papaano sasalubungin ang sariling kamatayan? I have been imagining and had put myself in that situation. Sabi ko sa sarili at sa aking ginang, "ayaw kong mamatay sa ibang bayan." Hangga’t mayroong pag-iisip at kakayahan kahit pupugak-pugak na nga ang katawan, ibig ko pa rin na makabalik sa ating bayan, manirahan sa isang lugar na mayroong magandang tanawin at sa may bintana’y pilit aabutin ng paningin ang mga luntiang pananim at mga pilapil saka hahagurin ang huling hininga at mag-iiwan ng ngiti sa labi. That is the way I want to go at hindi sa kapiligiran ng mga dextrose at mga tunog ng kung anu-anong instrumento ng ospital. Marahil nga, ito ang aking 'pangarap' na kamatayan matapos tuparin ang mga pangarap na pinagarap ng mga anak.
P.S. Say hi to Joel and his father (for me) if you happen to meet them in Pagudpud and thank you so much for including me in your e-mail list. I really enjoy reading your articles and really commend you and your wife for how you nurtured your children (from your articles, pati buhay Saudi eh nalalaman ko din, hehehe). Salamat muli...
Paliwanag ng kulamnistang mangkokolum
PARA maibsan ang untag at antig ng nunal sa paa, kailangan talagang ilakad. Kung ubra’y ikaladkad sa mainit na buhanginan ng aplaya sa katanghalian. O kahit pa sa baha.
Inabot ako minsan ng walang humpay na ulan sa Peter Lee’s Hongkong Tea House—sapak ang pancit canton, sepo’t beef mami nila doon—sa bunganga ng A. Mabini sa Ermita. I had to slow slog through floodwaters from there at around midnight to Welcome Rotonda via España by one in the morning.
May angking ulirat din yata ang mga binti’t paa. Kaya marahil ipinapayo ng ilang guro na bago pumasok sa walking meditation o malalim na limi habang naglalakad, kailangan munang mamihasa ang katawan sa 108 na galaw ng taiqiquan. Walking meditation ang lusong-lublob na ‘yon sa baha—nakaligtas sa lahat ng bukas na manhole at storm drains sa gilid ng kahabaan ng España.
Pero talagang kinabahan ako sa pagkakataong iyon. Baka kasi mapalipat sa sariling kuyukot ang lalawigang Albay—o alipunga sa bayag—dahil nababad nga sa may nakabukakang bukana ng Morayta. Karima-rimarim ang pagkapit sa balat ng samut-saring fungal infections na makukuha sa maruming tubig. ‘Kakatakot din ang leptospirosis o Weil disease. Tiyak na sumanib sa tubig-baha ang pamatay na ihi ng daga.
So many sights stranded in floodwaters can offer insights. Sa mga nangaunang sasakyan sa bunganga ng C. Lerma na sasalpak sa España, walang nangahas na sumulong sa baha. Bumara’t naging hadlang ang mga nasa unahan sa alinmang pangahas na sasakyan na nasa kanilang likuran. And when you’re way out in front or by some chance ahead, you can be an obstructionist by getting stalled and hogging the road in the middle of a journey. Bakit hindi na lang iligpit ang sarili sa tabi’t kailangan pang maging sagka’t sagabal sa mga pangahas o nais magtangka?
Marami ring kabataang mag-aaral ang nagkumpol sa gilid ng mga gusali’t commercial establishments, naghihintay ng paghupa ng tubig. May mangilan-ngilang pangahas o tulad kong tila musmos na magtatampisaw sa katas ng basura’t ihi ng daga, tila hindi alintana ang panganib sa kalusugan.
Sa may bandang Welcome Rotonda na ako nakasakay ng pampublikong sasakyan, may ilang matiyagang naghintay ng pasaherong mangangahas gumaygay sa baha. Ah, maraming magandang tanawing dinaanan sa baha—mga nakalilis na palda’t mga bakat na hubog ng katawan ng mga dilag.
Kuskos-gulugod ng patola’t umaatikabong kaskas-kiskis-kuskos ng panghilod ang sinapit ng buong katawan, lalo na ang mga kubling singit at sulok na mga lupi ng balat nang makarating sa sariling tahanan. Makailang ulit na nagsabon. Ilang ulit na nagbanlaw. Kahit siguro sanlinggo’y ubrang hindi muna maligo.
Saka sumalagmak sa higaan, kapiling ng maybahay at kagyat na nakatulog sa pagod. Enjoy na enjoy sa pinagdaanan—inner city travels can become instant travails.
Kaunting kuwalta lang naman ang kailangan para gumalugad sa mga marikit na lupalop sa bansa. Malimit na mas malaki ang sukli sa matutuklasan saanman, at ganoo’t ganoon nga ang aming nakakagiliwan—idagdag na natin ang land prospecting at pananaliksik sa paligid na gaya sa gawi ng natural historian na Loren Eiseley, “man is an expression of his landscape.”
Kaunti lang ang gugulin para magtamasa ng kasiyahan sa mga mumunting bagay sa ating bansa and if we can’t enjoy the wee things, we can’t enjoy the great things. Or if we can’t parlay small resources for purposeful enjoyment, we similarly can’t throw huge sums for great enjoyment.
No comments:
Post a Comment