MAHILIG na rin lang sumalaksak sa butas na sangkatutak, matamang tinimbang ang turing sa pambalibag na lambat. Dala ang tawag doon, panghuli ng isda, parang munting lambat na pante—hindi tinanggal from a gal na panty—na ligid ng pabigat na tingga ang mga gilid o laylayan.
Isipin na lang kung naliligid ng pabigat na tingga ang panty. Plumbum pa naman sa Latin ang tingga o lead. Paanyaya para arukin, plumb the depths ng mabigat na hinaharap! Talagang nalalambat tayo sa pilyong pahiwatig ng mga salita—para nga sa mga tubong pang-ilalim o plumbing ang tingga at madalas nga na sa dakong ilalim ibinabaon sa limot at lumot ang mga ganoong tubo.
Masinsin ang puwang ng mga butas. Hindi maluwang—masarap yata ang ganoong mga butas. Sa kawan ng lukaok, ayungin o freshwater silver perch maipupukol ang ganoong panty, este, lambat nga pala. Madalas maungkat at mahalungkat ang panty as if it’s the next to the palatably best thing we crave and I must say it is by reason of immediate proximity.
Magugunita na palatandaan nga pala ang kawan ng ayungin na malinis pa ang tubig-tabang, karaniwang lawa o ilog. Mapapailing dahil napakaraming ilog ang salanta na sa industrial and household wastes. Wala nang masasadyang ilog kahit sa kabuuan ng lalawigang Bulakan para mapakinabangan ang lambat sa paghango ng ayungin.
Pero kumakawan din ang gurami, tilapia’t karpa—kailangan lang maghagilap ng tinahananan nilang ilog o lawa na hindi pa sinalaula’t tigmak sa sari-saring basura’t layak ang tubig. Baka-sakali lang din na makasumpong ng katutubong hito—with its bright golden belly oozing with omega fatty acids, so heart-healthy and lusciously creamy to the tongue—o kahit bulig, bakuli’t dalag sa pagbabalibag.
Masayang libangan ang pagpukol ng mabigat na lambat. Magmumula sa baywang ang pagpihit ng katawan, saka aagos ang pag-imbay ng baywang hanggang sa balikat. Iremi ang tawag sa ganoong kilos sa aikido, para talagang may bubulwak na musika sa masigla’t banayad-sa-bigwas na kislot ng katawan—iremi-fa-sol-la-si-do! Siguro’y sasalin sa himaymay ng laman ang ganoong malamyos pero nagpupuyos na himig sa pagkilos, eat your fatty hearts and livers out, you blokes intent on liposuction to trim belly blubber, mwa-ha-ha-ha-haw!
P1,300 ang turing ng bilihan ng fishing gear sa isang sulok ng Juan Luna, Divisoria sa pamukol na lambat na ligid ng mga piraso ng tinggang pabigat. Petty cash lang ‘yon. Kaya naungkat ang petty cash disbursement sa isang utilities outfit ng pamahalaan, sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System—‘kakasindak, ‘kakakilabot, ‘kakapika… P189,413.90… P300,000.00… inihatag sa kinatawan ng Commission on Audit (COA) nitong Abril 2007.
Astig na petty cash ‘yan. Hindi naman tinukoy sa petty cash voucher ang dahilan para magpalabas ng ganoon kakatiting na barya lang.
Pero may mahihiwatigan tayo sa bulagsak na diskarte ng pamunuang MWSS. Malakas man ang dagundong ng angal ng mga kawani nito hinggil sa ilang taon na ring hindi binabayarang benepisyo pati na COLA (cost of living allowance), napakagalante naman—pabalato naman kami, MWSS administrator Lorenzo H. Jamora.
Itinakda ng Court of Appeals sa ibinabang pasya nitong Oktubre 13, 2005 na P500,000 lang o kalahating milyong tumataginting na piso ang dapat ibayad ng MWSS sa attorney’s fees and litigation expenses kaugnay sa paghahabol ng mahigit 500 kawani’t obrero ng MWSS sa kanilang nabitin o nabigti yatang COLA.
Pinadaan na lang sa mismong attorney ng mahigit 500 taga-MWSS ang bayad nitong nagdaang taon—P6 na milyon. Now there’s a poor lawyer who had to wrack his legal brains dividing sums and doling monies to complainants. ‘Yun bang abogado o ‘yung mga naghahabol na taga-MWSS ang mahihirapan sa ganoong paraan?
Saksakan talaga sa dami ang butas ng lambat na pamukol sa mga kawan ng isda—pero sa mga mismong puwang sa lambat dapat makalusot ang mga mumunting isda. Pero may mga ahensiya ang gobyerno na balibagin man ng lambat at sibat, mga malalaking isda ang lagi nang nakakalusot…
Tsk-tsk-tsk-tsk… Hindi kasi lambat ang tawag sa panghuli na nalulusutan. Lambat? Lambot…
Sunday, January 20, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment