SA baybaying bayan ng Pagudpud, Ilocos Norte daw bumalik ang dati kong high school English teacher na dumayo sa Amerika nitong 1970s para magturo ng English sa mga Amerikano. Naging kaklase ko ang isa niyang anak na bumalik naman para magtapos ng medisina dito’t nairekomenda ko pa ngang mag-aral ng shotokan karatedo. Bilang pagbabalik-tanaw o baka pasasalamat sa lupang tinubuan, taunan siyang umuuwi’t dadalaw sa ama. Saka gumagawa ng medical mission sa ilang bayan diay ti amianan.
Tulad sa Bolinao sa Pangasinan, nakatanaw din sa South China Sea ang Pagudpud na balak pa lang naming puntahan—baka ngayong tag-araw. Susubukin ko na ring tuntunin ang dating guro na doon na nga namamalagi’t naghihintay na marahil ng pagpanaw.
Paulit-ulit nang narinig ang ganoong kuwento. Kakayod nang todo sa ibayong lupalop. Tatabo ng sandamakmak na salapi. Mag-iipon. At kapag uugud-ugod nang hukluban, saka uuwi sa lupang tinubuan para palipasin ang nalalabing taon bago saklutin ng kalawit ni Kamatayan.
So much time to endure, too little time to enjoy. Ganoon at ganoon na lang ang masasabi, ang maikakatwiran.
Kapag pumalo na sa mga taong simula edad 60, tiyak na papugak-pugak na ang bato sa katawan para magsalin ng 125-dihydroxy vitamin D sa mga buto’t kasu-kasuan para utusan ang katawan na humitit pa rin ng calcium mula pagkain at masupil ang daluhong ng osteoporosis o pagiging hungkag at malutong ng buto. Huwag tatangkain ang capoeira cartwheels or tumbling—baka makalas ang kalansay.
Gagambalain din ng arthritis at rayuma—hahagok ang hininga sa kaunting lakad o usad ng paa. Tila ba may pasaning krus habang patungo sa sariling Golgotha.
At marami nang bawal kainin. Lalantad na ang maraming dahil at sanhi sa anumang isasapin sa sikmura. Hahaginit pataas ang presyon ng dugo sa pagkain ng taba’t sobrang karne. Aaringking sa kirot ang mga kasu-kasuan kapag lumantak ng kahit hopia, ginisang munggo’t Boston baked beans na pawang nanggigitata sa uric acid. Manlulupaypay ang bato, atay at lapay kapag lumabis sa limang gramo ang asin sa pagkain—kulang na lang na ibawal ang toyo, patis, at bagoong bilang sangkap sa pagkain.
Dahil napakaraming bawal kainin kaya marahil marami sa mga viejo verde ang nagiging dirty old men, filthy rotten old goat o FROG. Carne sur o tipak ng laman sa gawing timog ng marilag na katawan ang nakakagiliwang lantakan. At sa mga tulad naming bungal, ang ganoong pagkain ay hindi eating disorder kundi napakasayang denture adventure.
So the aged tries to cope with the metabolic wreckage from what was once a vigorous body.
Ayoko yatang makatagpo pa ang dating guro na naibalita sa ‘king mahina’t maysakit na raw. Magpapapuri’t magpupugay na lang ako sa kanya sa pansariling dalangin—pagpapakain ng dasal sa anumang galing na tinataglay, idadamay na lang siya, sila sa mga pag-usal ng pampoder para maamutan, masalinan ng kahit kaunting lakas.
Siguro naman, hindi bawal ang pagpapakain ng dasal na hindi naman nauungkat kapag nababanggit ang mga recommended dietary allowance.
Tatlong katoto ang inihatid namin ang mga labi sa kanilang huling hantungan nitong 2007—sina Renato O. Villanueva, Adrian Cristobal Ama, at Angel B. Battung Anak. Pawang sa sakit sila nasawi samantalang isa kong naging reporter ang pinaslang—milyones ang dahilan na walang kaugnayan sa gawain ng peryodista, tsk-tsk-tsk…
Naggagayak kami ng pagpunta sa Pagudpud. Marine biology research ang pakay—masaya ‘yon.
Thursday, January 17, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment