Wednesday, January 09, 2008

Paglalaro sa larawan ng tahanan

Dagli ng anak, doodles11006@yahoo.com:

OO nga pala take a picture naman of the house and can you measure the floor area nung second floor...Madali lang yun at pakikunan ng picture yung stairs natin sa bahay, yung gilid at ilalim at itaas ha. I need a perspective view of it.

Pakli ng kulamnistang ama. noqualmasabomb@yahoo.com:

LUNTIANG utong na ang laki ng tatlong pnganay na bunga ng tumabal na sayote mula Tagaytay—tiyak na magiging tampulan na naman ng pansin. Balak kong binhiin lang ang mga iyon para dagdag na panghalo sa pagkain ng mga aso. Hindi naman natin nakahiligan ang pagkain ng sayote-- talbos man o bunga nito—kahit pa manamis-namis ang kapipitas na sayote’t madaling ilahok sa alinmang lutuin.

Nagsisimula pa lang sumigla ang paglaki ng ikalawang binhing sayote na inangkat mula rin sa Tagaytay. Nasa hilagang silangang harapan ng bahay at tiyak gagapang paakyat na kasama ng bunton ng cadena de amor, millionaire’s vine, patani’t sigarilyas. Gusto ko ang masigabong tabal ng mga baging para halos matakpan ang ating tahanan. It’s a classic look of a Frank Lloyd Wright work in which both nature and structure blend as an organic whole—you won’t know where nature ends and structure begins in the interplay. Sa ganito pulpol ang kukote ng taga-MMDA na isasalang daw sa halalan sa tu-uten o 2010.

Paslit ka pa nang mapanayam ko si Nicolas Feliciano’t naging katoto pa nga hinggil sa mga pangahas na pamantayan sa disenyo. Arkitekto siya. Naging matinding alkalde ng Concepcion, Tarlac at nitong mga taon ng 1990s, naging bokal pa ng naturang lalawigan. Architecture is allowing a structure to become what it wants to be. It’s about defining freedom for space and nature. Even an unfinished but sound structure or the ruins thereof would breathe of sound planning and the hallmark of grandeur. It would speak of honesty of the materials. Ganoon ang mga paniwala niya. Na higit na matatag na nakatindig sa lapag ng katotohanan at katinuan.

Umaalingawngaw ang ganitong pananaw sa giit naman ng ninong at maestro mo, si Jerry Araos na sinasabing kailangan munang makiugnay at makipag-usap sa alinmang material na lalapatan ng kamay para makabuo ng masining/masinop na gawa. The material must speak for itself. The artist does not have to impose his will. He composes.

Gulantang ang section editor ng isang broadsheet nang minsang ihatid ako hanggang sa ating tahanan mula Ermita. He went on rhapsodizing about the outward appearance of our home, noon lang siya nakakita ng ganoon. Lasing siya noon-- in vino veritas.

Ni hindi naman nakapasok para manaliksik sa kabuuan ng panloob na bahagi ng ating pamamahay ang isang arkitekto na kinopya nga ang panlabas na disenyo nito. Mapurol din ang kukote ng kumag na ‘yon kaya hindi makabuo ng disenyo na may tinatawag na organic unity of form and function in a structure. Hsien o immortal ang katumbas na magkatalik na larawan o kuei-i ideogram ng ganoong pamantayan: pagniniig ng bundok at ng ermitanyo na nagsisinop ng malalim na kaalaman sa kabundukan. Aminin man o hindi, dito nakasalalay ang nabuo mong design philosophy.

Hindi na tahasang bago ang nabuo mong mga saligan, nasimulan na iyon ni Chang Tao-Ling na isa sa mga unang immortal o celestial being na tumuntong sa mundo para magbigay-lunas sa mga maysakit. Payak lang ang paraan ng paglulunas noon dahil pinaniniwalaang kasalanan ang sanhi ng bawat karamdaman. Kaya pinananatili ang maysakit sa payapa o tiwasay na tahanan upang magtika’t isubsob ang panahon sa pagbabasa ng Tao Te Ching o The Way of Power.

Hanggang sa panahong ito, may mga pamamahay na tiwalag sa katiwasayan at kapayapaan, doon tumatahan ang mga sigalot at hidwaan. Natutuwa akong ang balangkas ng tahanan na itinindig natin ay makapagbibigay-lunas, namamayani ang kapayapaan at katiwasayan.

No comments: