HINDI na sa kung saan-saan pang lunan at lalawigan (o yungib ng ulirat) masusunggaban ang isasaltik na salita. Kagyat na masusunggaban ng palad sa iba’t ibang gawaing nilapatan ng kamay, maging ng iba’t ibang bahagi ng katawan. It pays to be a busybody to reap a harvest of words, each a grain or kernel of nutriment for ingestion.
Kawan-kawan ang mga kataga na tahasang nakabigkis sa pagiging abala sa gawain—karaniwang mga nakatanghod na kantanod o mahilig lang tumunganga sa ibang may ginagawa ang madalas na hikahos sa yaman ng wika. There’s a stockpile of handy words right at the fingertips for those whose hands are rapt in enabling and ennobling tasks.
Maraming pandiwa na mahihimay ang himaymay mula sa malikot na kamay. Abot. Hablot. Buklat. Bigay. Tanggap. Gagap. Sunggab. Salat. Kapa. Kalabit. Kalkal. Kalmot. Kamot. Katkat. Taktak. Bungkal. Dukal. Sanggi. Sangga. Hagod. Wilig. Wisik. Haplos. Hawak. Bitaw. Hampas. Himay. Himas. Kurot. Hagis. Piga. Tiris. Pisa. Pukol. Tulak.
Atang. Dangkal. Kabig. Kamal. Kimpal. Kabig. Kuyakoy. Buhat. Igkas. Kipil. Salsal. Salo. Sampal. Sampiga. Sansala. Subo. Pulot. Talyang. Salya.Tampal. Tapik. Turo. Tikom. Lahad. Sundot. Dutdot. Kalikot… Kiskis. Kuskos. Kaskas. Suksok. Siksik. Dalirot. Saklot. Sulat. Saklit. Sumping. Tukop. Takip. Tapon. Lapirot. (Hindi pa kasama ang papel, gunting, bato… lamutak!)
Yeah, we’ve just listed over 70 moves that can be done with bare hands… As King Solomon in Proverbs 12:24 has it: “The hand of the diligent will rule but the slack hand will be put to forced labor.”
Bubuhos at bubulas ang iba pang katagang pandiwa kapag may taglay na kasangkapan ang kamay na gamit sa gawain. Pandiwa na kakawing ang diwa. Oo, sumilang ang katagang diwa mula Sanskrit na deva na tumutukoy sa bathala’t bathaluman. Anupa’t alay sa Maykapal ang gawain—orare est laborare, laborare est orare. Verbs or action word are born likely from, for, and of deities. So we may surmise that actions stem from a godly nature—talagang isinumpa’t nakaregla sa diabetes, stroke, heart diseases, at iba pang sakit ang mga nakatunganga’t kulang-kulang sa kilos.
Sa katawang banat at batak sa gawain, napakaraming salita ang maihahain. Ungkatin ang mga kilos kaugnay sa paglalaba—almirol. pagpag, hiwalay, tambak, bunton, kusot, wilig, banlaw, kanaw, sipit, sampay, bilad, kipkip, kula, sinop, tiklop… Kaunti lang pala. Pero hindi lang naman sa labada mailalapat ang higit sandosenang pandiwa mula sa gawaing payak.
Halimbawa: Pagbibilad at pagkukula ng mga gusot na ni hindi sinabon o kinusot ang libangan ng bansa—kahit higit na marami ang inalmirol na sa pamumuti ang mga mata’t madalas na magbanlaw ng hangin at utot sa sikmura.
O kaya: Tila isinampay sa hangin ang bagwis ng mga tagak na pumailanlang mula sa pilapil ng palayan pero kailangang kanawin ang mata ng bagong pananaw para makipkip sa lirip ang ganoong kariktan.
Maaarin rin ‘to: Sinabon muna ni Ale Baba ang kanyang gabinete saka inupakan ng suson-susong hataw ng palu-palo pero wala namang nabalian ng gulugod o bulalo’t bungo—lahi kasi silang dikya at meron pa ngang mahilig sa money laundering, pwe-he-he-he-he!
Pero habang isinasalang ang katawan sa iba’t ibang gawain—lalo na iyong humihingi ng technical proficiency and high-level competency-- dumarami naman ang bilang ng mga kataga na magpaparada sa mismong palad. And it takes about a 3,000-word stockpile to have a job, a 10,000-word vocabulary to have a social role, and the very few who can be arbiter of language musters an arsenal of over 60,000 words, as language experts point out.
Nagretiro na’t lahat si Mang Harry, umamin na talagang naglulublob daw siya sa mga bumubulagang kataga dito. Umuwi na nga’t doon na lang sa Capas, Tarlac namasukan ang pinagnanasaan kong si Dang Pineda, nakatuon daw lagi ang pansin niya sa proofreading ng kung anu-anong salita sa pitak na ‘to. There was even a time a Briton let out a gripe at how this column minces and mixes metaphors—and he turned tongue-tied when I got to him, why, Filipinos can turn English inside out. Some of us have conquered the English tongue, it didn't conquer us.
Kaya kailangan talagang maipabatid at maihatid ito kahit lang sa proofreader at mangilan-ngilang masugif na mambabasa nito.
Oo nga pala, malaki ang kaugnayan ng masigabo’t masiglang kislot at kilos ng katawan sa tinatawag na word power. Idagdag pa, “the quality of your movement determines the quality of your life.” Iyon siguro ang body language.
Sabi nga ng mga malaswang aktibista noon, “Kung walang kikilos, sila na lang ang hindi titigasan…”
Friday, January 18, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment