HINDI maiiwasang isunggab ang isipan sa peso-dollar exchange rate habang tumutungkab ng maratangtang o sand dollar sa batuhan ng bahura o coral reef. Pumapalo na kasi sa halos P40 bawat U.S. dollar ang palitan. Dapat na masulit ang P150 na ibinayad sa switchblade na pinanday daw sa Pozorrubio na nasa bahaging bulubundukin ng Pangasinan.
Kasalukuyang namamapak ng asukal-sa-tamis na chico pineras (P30 sangkilo) sa lilim ng bukana ng simbahan ng Manaoag—tanghaling tapat nang nangilin doon ang mga kasamang bakasyonistang nagmimithi ng biyayang himala. Nilapitan ako ng lalaking naglalako ng samut-saring patalim na sintabas ng kanyang katawan, sunog sa araw ang balat, pawisan, kupasin ang suot. Nag-alok ng meat cleaver. Tinanggihan.
Ilang ulit umaligid at nagpabalik-balik ang naglalako kaya nasabihang hindi man agad mapapanis o masisira ang kanyang kalakal, hirap naman siya sa pagbitbit ng mga iyon. ‘Kako’y ilapag muna niya’t inisa-isa kong damahin ang talas ng mga patalim, mula sa mga kampit na pangkusina hanggang sa switchblade, pawang bakal mula steel roller bearings ng makina. Nagkahuntahan hinggil sa katangian ng bakal na nais ko, with a just-right softness to keep an edge fused with a hardness to keep its spine. Wala pa tayo sa ganoong yugto ng materials engineering, aniko.
Kaibang sales pitch ang bitaw niya kaya napilitang humugot ng kuwalta. Aliwalas daw ang pakiramdam niya sa ‘kin. Kapag ako raw ang nagbigay ng buena-mano o good hand, nararamdaman daw niyang magiging maganda ang benta niya sa araw na ‘yon (I blessed that chap beforehand, honest, with the usual admixture of Sanskrit and Islamic mumbo-jumbo that I secretly ply to busy, working folks I bump into everyday in the precincts of Divisoria and Sta. Cruz).
Anupa’t nadagdagan ng P150 switchblade ang doble veinte nueve sa talas-sukat ng baywang. Kakabahan: the longer the waistline, the shorter the lifeline.
Sa limang piraso pa lang ng sand dollar o maratangtang na tinungkab sa batuhang bahura ng Ilog Malino sa Bolinao, Pangasinan, matutuos na P200 ang agad na naging pakinabang. Sulit din sa lasa—there’s rewarding discovery of deep orange meat enclosed by calcite shell and nest of poisoned spikes. Just a drizzle of freshly squeezed kalamansi juice and the raw meat’s savory as the tang of the sea with a hint of palatably unwashed, ah, I labia minora!
Ni hindi nga kailangan ng talim, tibay-gulugod lang ng P150 switchblade ang kinailangan sa pagtantang-tanggal sa maratangtang. Gulugod lang…
Habang ninanamnam ang linamnam ng tinungkab na maratangtang, dadaplis sa isipan ang isa pang nakalublob naman sa tubig-tabang na tanggapan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System—hindi yata matungkab. O walang tibay ng gulugod ang dapat magtungkab.
Naglabas ng pasya nitong Mayo 18, 2007 ang Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) na tungkabin na’t huwag payagang makapasok sa trabahong gobyerno ang Local Water Utilities Administrator Lorenzo H. Jamora. Natukoy na nilabag niya ang alituntunin sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act-- umalingasaw ang sansang ng may P2.7 milyong itatapon ng mga pinasukang kontrata sa pagpapagawa ng training facility para sa LWUA.
May alingasngas man o alingasaw na sumingaw, nitong Mayo 25, 2007 ay nakapagsalpak pa ng U.S. $500 milyong kontrata ang Jamora at China International Water & Electric Corp. para sa panibagong proyekto—na walang pahintulot ng NEDA, na nakantiyawan na minsan, “may $200 million ka dito.” At MWSS Administrator na ang papel ng Jamora hanggang sa ngayon.
Madalas na mahimas ang matatag na gulugod ng P150 switchblade mula Pozorrubio, Pangasinan—talagang may gulugod na pantungkab ang hamak na punyal kaysa PAGC ni Gloria Macapagal-Arroyo…
Thursday, January 17, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment