Monday, June 25, 2007

Ulol sa online gaming

ISANG pangkat ng mga dalubhasa sa US ang nakikiusap sa American Medical Association para ibilang na ang pagkahumaling sa video games sa mga pinsala sa isip. Umaabot raw sa may 5 milyong kabataan sa Amerika ang sugapa na sa video games— baka malulong at maulol din ang halos 90% ng kabataan sa US na mahilig din sa ganoong laro.

Pinakapopular na video game sa Amerika ang World of Warcraft— popular din ito dito sa atin sa mga kabataan na naglalaspag ng panahon, kuryente, at himaymay ng utak bawat salang sa laro.

Hindi pa itinuturing ng mga dalubhasa na addiction ang sobrang laro ng video games. Pero may mga nagsusulputan nang ulat tungkol sa mga kabataan na nagmistulang ulol sa pagkahumaling sa ganoong laro— giyera naman pala ang kawili-wiling libangan para sa kabataang Kano, ba’t hindi na lang sila ipagtatapon sa Afghanistan o Iraq kaya para lubusan silang malibang?

May mga nababahalang magulang sa ikinikilos ng kanilang anak na nagbababad ng matagal na panahon sa larong tulad ng World of Warcraft.

May naiulat na edad-17 na kinailangang mailagak sa therapeutic boarding school ng anim na buwan-- $5,000 sambuwan ang gastos. Na hindi naman sinalo ng health insurance. Hindi pa nga kasi itinuturing ng mga dalubhasa na kaululan o addiction ang pagkahumaling sa computer games. Kahila-hilakbot nga naman ang gastos.

Meron ding edad-13 na naglaro nang 12 oras na tuloy-tuloy. Nang makatapos, suicidal na ang ikid ng tuktok.

May mga nagpupuyat na todo, ni hindi na naliligo—kaya lalong umaalingasaw ang problema.

May mga nag-ulat ding may sapat nang gulang na nahumaling din sa video games. Palpak na sa trabaho, may mga nawalan pa ng trabaho. May mga nasira ang pamilya. May mga nasira ang tiwala sa sarili.

Siyempre ayaw naman ng Entertainment Software Association na maituring na kaululan o nakakapinsala sa isip ang pagkahumaling ng kabataan sa computer games.

Sabihin na ninyong sugapa din sa laro ang sumusulat nito pero the kind of game or manner of play I go gaga over starts out with, well, foreplay. Talagang interactive na, mas masaya pa kaysa combat simulation.

Sa pinakahuling ulat na nakalkal namin ukol sa online access ng mga Filipino, lumitaw na isa lang bawat 50 katao ang napapasabak sa computer.

At sa ganoong katiting na bilang, halos 100% ang nakababad sa dalawang bagay lang—Friendster at online games, kabilang na nga ang popular na World of Warcraft.

Lalabas na dalawang uri lang ang ulol sa mga nakababad sa computer sa Pilipinas. Ulol sa Friendster. Ulol sa online games. At kahit na anong sabihin nila na mas marami na ang makakahawak ng computer dahil murang-mura lang—P20 o P30 bawat oras-- ang bayad-upa sa mga Internet cafes at computer salons, kakatiting pa rin ang bilang ng mga nauulol sa Friendster at online games.

May mga naliligaw namang kaluluwa, sumusulat sa isa kong electronic mail address, habalakibur@hotmail.com na pawang inapuntahan yata ng kung anong sunog sa timog—fire down south. Hindi karne norte kundi carne sur. Marami pong pilit naghahagilap ng kahit kasiyahang katiting, what a sad world this is for folks like that…

No comments: