Monday, June 25, 2007

Taya yata

BINABALIK-BALIKAN ko ang unang kabanata ng binubunong nobela. Sa halip na dagdag-bawas, bawas sa awas. Para malutong basahin. Para bawat Ilalagak na kataga, maging unday-sakyod ng taga.

Payak ang paksa. Tagisan o salungatan ng kultura. Malaki raw kasi ang pinsala nito. O baka naman may kapansanan. Ganoon ang kulturang umiiral sa bansa. Masipat-sukat nga. Mahimay ang himaymay. Maihambing. Ipingki sa gawi ng ipinapalagay kong mainam na kultura.

Payak lang ang kahulugan sa akin ng kultura. Agrikultura. Paglilinang ng lupa. Pagsisinop. Halos walang humpay. Para mapagyaman, maging malusog at mayaman. Na kapag nilagakan ng binhi’t punla, tiyak na bubulas na malusog at mayaman din. Lalago, mamumulaklak, mamumunga.

Malapit saka hapit sa puso ko ang agrikultura. I am an agronomist. Maglulupa. Amoy lupa. Nakatuntong sa lupa. Humahakbang.

Gano’n ang alam ko sa kultura. Nakasandig sa takda ng agham at kalikasan—para ubrang maisangkalan pati pananaw ni Pythagoras. Aniya: Pamumuhay na nakabatay sa Kalikasan ang ninanais ng mga bathala para sa atin.

Hindi ito nalilihis sa katuturan ng kultura sa laboratoryo. Microbes are grown and kept alive in a stew of nutrients—a culture. Culture nurtures.

Makrobyo—hindi na mikrobyo-- ang mga tauhan na isasalang sa nobela. Kikilos sila. Karaniwang sa udyok ng taglay na gawi ng pagkatao. Na hinubog—pinunggok, binugok o maaaring sinugbo’t naging asero sa palihan ng inangkin nilang kultura. Inaangkin din tayo ng kultura. Our passions and possessions possess us.

Susunod ako sa payo ng sumulat ng Dandelion Wine at The Illustrated Man. Kay Ray Bradbury. Isadlak saanmang lunan, kagipitan o pihit ng pangyayari ang may matibay na pagkatao. Tapunan ng mga hadlang at balakid. Tiyak at mapagpasya lang bawat kilos niya. Parang tubig na ibinuhos. Kusang aagos. Subaybayan na lang siya. Iulat ang haginit-kidlat na balikwas para igiit ang pagiging tao.

Ibabatay ko ang katuturan ng tao mula Tao Te Ching ni Lao Tze. May mga masusukat at matitimbang na pagkukulang sa pagkatao.

Parang maghahasik lang ako ng lintik. May liyab na ilalagda saanmang daanan. May maiiwang liwanag, Saka haginit ng init. Pati abo’t labi ng alinmang humalang na hadlang.

Ituturing kong laro lang ‘tong pakikipagbuno. Nobela na nobena. At taya yata ako.

Bartolome ang pangalan ng isa sa mga tampok na tauhan. Oo, mabantot ang tunog. Halaw sa pintakasi ng mga patalim at gulok na ang kapistahan ay itinaon sa simula ng pagbabalikwas ng Katipunan.

Sinasalinan nga pala ng khodam na parang guardian angel or animating spirit ang patalim, kahit baling sungay o balisong—lalo na ang keris at kujang. Kaya iniingatan ang taglay na patalim. Ikinukubli. Inililihim. Iniigkas lang kung hinihingi ng pagkakataon. Masinsinang pananaliksik ang inilaan para mabigyan ng liwanag ang maningning na khodam na nakatahan, naghahagkis ng biyaya at pagpapala mula talim.

That’s saying I want a character with a sharp cutting edge.

Matandang magbubukid si Bartolome na ipagdiriwang ang bawat pihit ng panahon sa pamamagitan ng pagtatanim. Napaibig ako ng tauhan ni Edna Ferber sa So Big—matayog ang mga pangarap sa kanyang anak na itinaguyod niya, pinalaki at pinag-aral mula sa ani ng gulay sa tumana. Nagpambuno ang ina at halos baog na lupa—na unti-unting naging tumana sa walang humpay na tiyaga at kalinga.

Hinubog at pinagyaman ng ina ang lawak ng lupa. Sinuklian ang sikap. Hinubog at pinagyaman ng lupa ang ina. That to me is the cultural process, a shaping, enriching process.

Pingkian ng mapagpalang kultura at gulanit-limahid na kultura ang tataglayin ng sinusulat kong nobela. I’d like it daubed in the colors of the senses, sense of humor including.

Nobela na ba ‘to? Alam ko namang marami nang walang tiyaga sa pagbabasa. Kahit pa kapirasong kuwento lang. Nobela pa kaya? Ako naman ‘tong gumagawa eh. So I would like something like piping hot pie slammed smack in your face.

Nobelaaat!

No comments: