Monday, June 25, 2007

Aahitan kita...

NATATAPAT minsan sa magandang hasa sa hindi naman kujang, hindi rin sundang—na pawang pinamamahayan ng-- batay sa Indonesian occult tradition—tinatawag na khodam o guardian angel ng patalim.

P30 lang ang bayad sa vaciador sa Hortaleza Beauty Corporation—na naging HBC na lang tulad ng Kentucky Fried Chicken na ginawang KFC naman. Papatak sa P60 ang pagpapabasyada sa dalawang veinte nueve na tuusin man ng tuso, nagkataon na piso lang ang kulang kung ibabayad sa vaciador.

Ang totoo nito, pinakamatino yatang talim-balisong na nabili’y mula pa sa Taiwan. Matte-black finished blade with scalpel cutting edge that keeps longer than a year. High tensile carbon steel ang talim. Hindi ko lang makasanayan ang nakaungos na bahagi sa puluhan ng talim—parang chuba o sword guard. Hadlang kasi sa iglap na igkas ng talim.

Nakakantiyawan ako ng katotong Conrado I. Generoso na security blanket ang kambal na baling sungay na parang bahagi na ng pang-araw-araw na bihis. Lilinawin ko naman na parang hubo’t hubad ang aking pakiramdam kapag walang sukbit na kambal na patalim-- ambidextrous nga pala ako at sa kaliwang kamay ko nakalaan ang computer mouse. Isa pa’y matagal ding nabihasa ang katawan sa pagbubukid. At laging may sukbit na gulok ang sumasalunga sa gawaing bukid. Karaniwang pamutol ng kahoy na panggatong. Pantiba ng saging. Pantabas ng damo. Pandukal ng lupa. Pantalop ng buko o manggang hilaw.

Labahang pang-ahit ang gamit ng baling sungay. ‘Yung talim sa gawing puluhan ang dapat na pinakamatalas. Para maisatsat sa papausbong na balbas. Madalas pa ngang maipamupol ng tangkay ng pananim na naiuuwi para ibilang sa mga alagang halaman. May ilang pagkakataon na nagamit na ring pantilad sa maganit na karne—ni hindi nga agad napansin ng mga kaharap at katabi sa salu-salo, nagulat lang nang itiklop na’t lumagatak ang kaluban sa pagsinop nito sa patalim.

Kaya hindi mainit sa katawan ang baling sungay. Hindi kasi pag-utas ang tahasang pakay. Hindi rin dapat maging palamuti sa katawan—kaya nga nakakubli’t iniingatan. Hindi katulad ng paboritong 9 mm Tokarev pistol na standard sidearm ng mga pinunong Vietcong nitong nakalipas na pakikidigma kontra U.S. Madali ring itago sa katawan dahil katamtaman lang ang sukat—pero hindi nga magagamit sa iba’t ibang gawain dahil tahasang sa pamumutok lang magagamit.

Saka wala yatang maninirahang khodam o kahit ligaw na anghel sa alinmang bahagi ng 9 mm Tokarev.

The man gave me the most baleful stare I’ve seen right across where he was slumped in the jeepney I had boarded for home. Butete ang tiyan, ‘tangna, sabay na igkas lang at gawak-gawak agad ang mga isaw nito. Tiyak na kahit dalubhasang gaya ng katotong Net Billiones, mahihirapan na mapanumbalik ang mga bituka nito. I do not know what his problem was except that he stared at me like that.

I had no problem with him. Maybe he was looking for trouble and he was testing me out. I was in no mood to oblige but maybe I had something else for effecting mayhem.


Wala namang naniniwala sa mga khodam o sa kulam o sa mga nilimot nang tradisyon. Naniniwala pa rin po ako. Kaya nakiusap ako sa mga khodam ng patalim. Gawakin ang buteteng tiyan ng hindot na ‘yon.

Ah, hindi na kailangan pang igkasin at gagapin sa kamay ang patalim para itarak sa sinuman. Mayroong mga patalim na tumatarak na lang—parang isinakyod na mata. It’ll be slow, slow butchery.

No comments: