KABILANG sa mga itinuturing na mapanakop na halaman—invasive species ang tawag ng mga dalubhasa—ang cadena de amor. Kaya marahil isinalang sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue. Baka sakaling masakop nga naman ang mga nanlilimahid sa libag at nanggigitata sa dusing na mga haligi’t pader na nakasupalpal sa EDSA.
Mapanakop din ang kugon, talahib at buntot-pusa. Tiyak na may mga punlang sumakay sa hanging nasalaula’t napasadlak sa kahit munting puwang ng lupa, sisibol, mangangahas na umusbong. Pero sa buhos ng alikabok at lasong usok—tigok.
Mapanakop din ang ratiles at balite. Tiyak naman na may mga mayang mamindita na nagkalat ng kanilang dumi saanmang panig ng EDSA. Kalakip ng kanilang dumi ang mga punla ng ratiles at balite. May mga punla na napasiksik sa mga singit ng lansangan at inprastruktura. May mangilan-ngilang mangangahas na mag-usbong. Pero sa walang humpay na daluyong mula sa mga tambutso’t suson-susong alikabok at alipato na ihahagupit ng hangin, hindi makayanan ng ratiles at balite na makapagtangkay ni magsangay. Pulos punggok, nakukulapulan ng samut-saring dusing.
Tahasang inilagak ang mga punla ng cadena de amor o kawing ng pag-ibig sa mga inukit na pitak sa kongkreto, sinapnan ng tutubuang lupa. Nilagyan pa ng balag na magagapangan ng tatabal na baging. Para kahit paano’y magkabahid ng buhay na luntian sa may gitna ng lansangan. Para may tumitibok na kulay na maihuhugas at magdadampi ng lamig sa paningin.
Pero hihilahod sa anumang pagganyak at pagsulsol sa mga kawan ng cadena de amor na sakupin ang EDSA—kahit nga invasive species o mapanakop na uri sila.
Nangatuyo na ang mga naging magulang na bulaklak ng cadena de amor— nag-iisa pero naging malabay ang mga sangay ng pagbabaging nito sa hilagang silangang panig ng aming pamamahay. Walang humpay sa pamumulaklak ng matingkad na rosas—kulay na ayon sa mga dalubhasa’y malaking tulong para maging matalim ang pagtuon ng isipan sa mga gawain.
Kailangan nang putiin ang mga nangalaglag na tuyo nang bulaklak—na pawang naging binhi’t nagsimula nang magsiusbong. Kailangang itambak sa bulukan ng mga layak, tangkay at dahon upang maging maging pampalusog sa lupa. Kailangang tabasan ang mga nangatuyong sanga upang magbigay-daan sa mga bagong pag-usbong.
Naglipana ang mga laywan sa mga bungkos ng bulaklak ng cadena de amor—walang humpay sa kakatwang ugong. Mayroon ding ilang paru-paro, nangingitlog sa mga murang dahon. Magiging mga tilas o caterpillar na manginginain. Magpapakabusog. Saka hihimbing upang sa muling paggising ay maging mga paru-paro.
Mga laywan at paru-paro—sila ang sanhi kaya may kakayahan na maging mapanakop ang cadena de amor.
May mga kawan ba ng laywan na dumadalaw sa mga mapuputlang bungkos ng bulaklak ng cadena de amor sa EDSA? Mayroon din bang mga naliligaw na mga paru-paro upang maglagak ng mga sisilang na tilas na magiging paru-paro rin sa ganoong kahabaan ng lansangan?
Hindi man agaw-buhay, lagi’t laging nakasuong sa bigat ng pagdalisay sa maruming hangin sa EDSA ang mga kawan ng cadena de amor—mga uri ng halamang mapanakop, isiningkaw at tinatabunan bilang alipin sa bunton ng gawain.
God, what a meaningful life there is to the chains of love made to struggle through moment to polluted moment in a loveless highway…
Friday, June 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment