SAANMANG lupalop pansamantalang lumapag, nakagawian nang maghalungkat sa kung ano ang talagang itinatangi ng nasadlakang lunan—kabilang ako sa iilang ayaw tumuntong sa tulad ng Jollibee, McDonald’s, KFC. O kahit sa Chow King. Tumatangkilik ako sa sariling angkin.
Hindi ko na matandaan kung saang kuyukot ng Cebu nakasumpong ng malinamnam na balbakwa—mukha at pata ng baka na inilaga lang nang matagalan kaya talagang slow food. Ni hindi na tatangkain pang hulaan kung anu-ano ang mga sangkap na pampasarap-- atchuete ang pangkulay para hindi naman karima-rimarim tingnan ang balbakwa, lalo na’t may maliligaw na nakadilat na mata ng baka.
Astig ang balbakwa— lalo na kung sa sinaing na mais isasanaw ang sabaw na mas malapot yata sa gawgaw. Sa halip na litson manok o lechon baboy na timplang Cebu ang sinabakan, balbakwa ang nilantakan sa hindi ko matandaang kainan ng mga tsuper ng taksi at dyipni—Sianghio St. yata. Nabitbit ang kasamang batang photographer na naintriga sa nakakatawa raw na pangalan ng paborito kong pagkain sa Cebu. (Nakatipid pa nga kami.)
Anumang fastfood chain ang naglipana sa Metro Manila, matatagpuan na rin sa Cebu at alinman yatang tumbong ng bansa. Anupa’t anuman ang natatanging putahe ng bawat lunan, sasagasaan lang ng humahagibis na fastfood franchise na karaniwang nakaluktok sa pinakatampok na bahagi ng alinmang bayan o siyudad sa labas ng Metro Manila.
Let those advertising choir boys cook up rhapsodies on those fastfood outlets purveying tons of LDL (evil cholesterol, if you ask your physician or nutritionist) and trans-fatty acids. Let me howl hymns to whatever humble fare my own compatriots can stuff my tummy with, mwa-ha-ha-haw!
Kaysa lumantak ng French fries, magtitiyaga ako— ah, this is heaven, believe me—sa atsarang guso o seaweeds at nilagang kamote.
No, no, no. Don’t ever dump me into the august halls of Congress. The blokes there are into something like interpellation whenever one of them dishes out a privileged ho-hum. Inter fellatio? My, but those tasteless ilk could be eating each other! (Let’s hear ‘em Beatles: I read the news today, oh boy… Pakainin daw ng karne ng buwaya ang isa nating long jumper para makasagpang ng gold medal sa Olympics.)
Sa Agoo, La Union nakatikim kaming mag-ama ng pinaka-astig na inabraw—sinabawang samut-saring gulay na may pangunahing lahok na inihaw na isda at malabnaw na bagoong isda. Sariwa kasi lahat ng sangkap na gulay—ampalaya, talong, okra, alokon… at bulaklak ng patola!
Sa Tagudin, Ilocos Sur ako nakasimsim ng pinakamatinding basi—fermented sugar cane wine—na may timplang fully digested grass plus digestive enzymes off a goat’s small intestines.
Ba’t ako magtitiyaga sa Max’s Tagaytay kung may malalantakang sinaing na tawilis—the world’s only freshwater sardine thriving in sulfur-infused medicinal waters of Taal Lake—at paksiw na litid ng baka sa Ponderosa Market sa naturang lungsod?
Magdidildil na lang ako ng pinikpikan na may lahok na itag o inasin tuwing nasasadlak sa La Trinidad sa Benguet. O kahit nilagang kapipitas na sayote na isasawsaw sa sili’t asin.
Sa Bacolod ako nakatikim. Na hindi uminom ng alak at manigarilyo ng tatlong araw yata bago nakapagbigay ng dugo— type A+ -- sa isang klinika doon. Matapos mabawasan ang katawan ng 450 ml ng dugo—saka naunang dalawang herenggilya na sinlaki ng lata ng sardinas para matesting-- sugod agad sa Pala-pala (na delikado palang lugar nang panahong iyon) at nagpakabundat sa pangantot (panga at buntot na tula na ilang kaldero yata ang sabaw), sugbang diwal o abalone, at kilaw na malasugui.
So you’re offering me burgers? Nakamulatan ko kasi na sa gulay mahilig si Popeye. ‘Yung mukhang pork barrel na tulad ni Wimpey lang ang kumakain ng burger. Kasi iyon ang middle name ni George Wimp Bush, pwe-he-he-he!
Monday, June 25, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment