Friday, June 15, 2007

May nilad sa Singapore

NANGAHAS ang Kabataang Barangay sa Kamuning na tamnan ng kamuning ang gitnang bahagi ng lansangang Kamuning—nasalanta lang ang naturang halamang palumpon sa sibasib-usok ng tambutso. Kaya tiyak na maraming tagaroon ang hindi makakakilala ng Kamuning na mahalimuyak na ang bulaklak, napakafibay at marikit pa ang nangingitim na haspe ng kahoy nito.

Maraming taga-Cabuyao sa Laguna ang hindi kilala ang punong kabuyaw. Hindi makikilala ng mga nasa Apalit, Pampanga ang anyo ng puno o kahoy na apalit. Tambakan man ng quiapo ang mga nakatira sa Quiapo, hindi rin nila makikilala. Mabuti na lang, may dampalit pa raw sa Dampalit, Malabon. May mga punong talisay pa rin sa Talisay, Batangas.

Bet your balls, our amigos y amigas in Cunt, Spain are too familiar with that breathtaking sight. Or Fukue residents in Honshu, Japan have enjoyed seeing—maybe more-- such a delectably delicious spot like that.

Masaklap matiwalag ang pangalan ng lunan sa anumang bagay na pinagkunan ng pangalan nito. Parang halamang kinatkatan ng ugat, tiyak na maluluoy at tuluyang mamamatay. May mga makati pa sa Makati—tiyak na nagkakamot. May mga kawayanan pa rin naman sa Meycauayan pero wala nang bulakan sa Bulacan. Wala na rin yatang maaapuhap na tumutubong labong sa Malabon.

Wala nang maaapuhap na nilad sa Maynilad. Sa Maynila.

Bihira na o rare ang Scyphiphora hydrophyllacea, ang nilad. Wala man nito sa mismong lungsod na nagbabandila sa taglay na pangalan nito, meron namang mahahagilap sa bansang lungsod na Singapore na sinlaki lang ng Pasay pero may anim na oil refineries na nagtutustos ng panggatong na gasolina, diesel, at iba pang panggatong na petrokemikal sa buong rehiyon. Maiisip tuloy kung bakit pilit ipinagtatabuyan ng dating nakaluklok sa city hall ng Maynila ang mga imbakan ng petrokemikal sa Pandacan—naroon na ang mga iyon bago pa man sumambulat ang World War II.

Makabago man ang Singapore, may bahagi itong virgin rain forest na tahasang pinangangalagaan, iniingatan. Mauungkat na bahagi sa iniingatang likas-yaman ng naturang bansa ang gubat ng mga bakawan sa pampanging bahagi na kanugnog lang ng oil refineries. Huwag sana itong ikagulat ng dating pamunuan ng Maynila na pinagpipilitan pa nga na wasakin ang urban afforestation site sa gilid ng Arroceros, mabuti na lang at hindi nasalin sa anak ang trono.

Isang uri ng bakawan ang nilad. Kaya mahihinuha na kadatig lang ng oil refineries ang kinatatamnan ng mga nilad sa Singapore.

Iniulat ng mga dalubhasa na mahigit 50% ng pagkasalanta ng mga gubat-bakawan sa Pilipinas ay sanhi ng konstruksiyon ng mga palaisdaan—karaniwang sa tilapia, bangus, hipon, karpa’t plapla. Umaabot sa 450,000 ektarya ang magkasanib na lawak ng mga gubat-bakawan sa bansa noong 1920—132,500 ektarya na lang nitong 1990 at lumawak naman ang mga palaisdaan sa 223 000 ektarya.

Likas na pangitlugan at palakihan ng samut-saring biyaya ng dagat ang mga gubat-bakawan. Natural marine resource sanctuary na maaaring mas matimbang kaysa palaisdaan o man-made brackish water fishponds. Coastal water filtration system din ang gubat-bakawan—nililinis ang polusyon sa tubig, kaya nga mas mababa ang antas ng polusyon sa tubig-dagat ng Manila Bay sa bahaging Las Piñas at Parañaque. Meron kasing itinanim na suson-susong hanay ng bakawan doon.

Pakiusap na lang po sa pamunuan ng Parañaque at Las Piñas na bahagi pa rin ng Metro Manila. Humingi sana tayo ng maipupunlang nilad mula sa Singapore. Itanim natin sa pampangin ng inyong mga lunsod.

Para naman makilala ng mga taga-Metro Manila kung ano ang nilad—na angkin lang ang pangalan pero naglaho na ang kabuluhan ng pinagmulan.

No comments: