MAY kung ilang labi ng alagang aso na rin ang nakahimlay sa gawing timog silangan ng lote—ang dako na dapat raw sinupin at tamnan ng mga halamang namumulaklak o namumunga ng kulay pula. Matatamnan ng kulumpon ng kawayan, balite, malunggay o anumang halaman na bilog ang hugis ng dahon. Malalagakan din ng mga banga o kauring tinggalan ng tubig. Mapapalagyan ng lotus pond o kahit swimming pool.
Iisa lang ang payak na pakay doon. Para daw maging magaan ang daloy ng pera sa pamamahay.
Madulas na pasok ng pera… Tahasang nagmula sa kaplugin o inahing aso ang katuturan ng pera. Perra. Bitch. Isang reyna ng España ang inilapat ang hilatsa ng mukha sa salaping metal. Bawat nakakaalam sa matinding kati sa kuyukot ng naturang reyna, napapasambit tuwing makikita ang mukha nitong nakaumbok sa salaping metal—perra… perra…
Nangingibabaw ang alulong sa bunton ng mga natipon nating salita ang pera. Na mauugat nga ang pinagmulan sa kapluging aso. Maraming nauulol sa pera.
Angkop naman palang mailagak ang mga huling labi ng alagang aso sa dakong timog silangan ng pinamamahayan. May perro na, may perra pa. May kakaplog, may magpapakaplog—umaatikabong kaplugan sa gawing timog silangan.
Bago natirikan ng pamamahay, ginawang tapunan ng basura ang lote.
Anupa’t laging makakabungkal sa lupang patuloy na sinisinop ng mga piraso ng plastik, mga kinakalawang na piraso ng alambre o mga basag na bote, salamin at bubog. Hindi kayang tunawin ng lupa ang mga iyon. Hindi matunawan? Impaktong impatso.
Ihambing sa tao na tahasang nilalang mula sa lupa, tiyak na namimilipit sa hapdi ang lupa. Maalox? Hindi ubra ‘yon sa lupa. Kailangang mapalis ang mga inorganikong layak na sapilitang isinalaksak sa sikmura ng lupa. Para maibsan ang hirap. Para maging maginhawa ang pakiramdam.
Hindi pa natin natutukoy kung ano ang paraan kaya naisasalin ni O-Sensei Morihei Ueshiba sa kanyang latawan ang katatagan ng lupang tinutuntungan. Pero tiyak na lupang hindi nasalaula ang laging nayayapakan ng kanyang mga paa—hindi pa uso sa kanyang panahon ang plastik at lalong hindi salaula at yumuyurak sa lupa ang gawi sa pamumuhay ng kanyang mga kababayan.
Itatambad at bibigkasing tila pangungusap ng lupang kinalinga ang katauhan ng nakatahan dito, pansin naman ng isang Dr. Loren Eiseley. Ganoon lang din ang iginiit ni O-Sensei Ueshiba hinggil sa pagsisinop ng lupa na haligi ng maayos na pagkilos at maayang pamumuhay.
Magugunita na naman ang bigwas ng taludtod ni Gat Andres Bonifacio:
“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkafalisay at pagkadakila
Kundi ang pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga. Wala.”
Sakaling sinalaula ang lupa, tiyak na mga katauhan na angkop lang itapon sa basurahan ang maitatambad ng ganoong lupa.
Sa bawat paghahalungkat sa himaymay ng lupa, nakakalap at naililigpit ang mga ganoong napabaong basura—na saliwa ang pintig, ni hindi aakit at lalong hindi katugma sa pagpasok ng biyaya sa pamamahay.
Hindi naman mga bituin at buntala sa kalawakang walang hangganan ang sinisinop sa astronomy. Pulos pagsipat at pagkilala lang.
Lupa lang ang sinisinop sa agronomy—na nagkataong pinagsunugan ko ng kilay sa matagal na ring panahon. At hanggang sa ngayon ay ginugugulan ng pansin at panahon.
Kapag nasinop ang natutuntungan at nayayapakan, nagiging matatag ang pamumuhay at kabuhayan. Ganoon lang ang talampakang iginiit nina Dr. Eiseley at O-Sensei Ueshiba.
Friday, June 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment