KAILANGAN pa palang bumuo ng batas para itaktak sa tuktok ng mga ina na magpasuso sa kanilang supling. Habang sinusulat ang pitak na ito, larawan ng tatlong hubo’t hubad na dilag ang nakabalatay sa kaliwang panig ng bintana nitong PC. Panghilam at panghilamos sa nanlilimos na paningin. Pawang aratiles ang mga tirik na utong na tampok sa magkatambal na sinta papaya, opo, sinta na inaasinta.
Kinukutuban man ako na baka hinebra marka demonyo, serbesa o kapeng barako ang mahihigop sa aking mga utong, walang duda na gatas o leche na hindi lechon ang masisimsim sa suso ng kapapanganak na ina. Opo, hindi lang magandang dekorasyon ang suso ng ina. Ipinapasuso ang suso sa sanggol sapul pagkasilang kahit hanggang dalawang taon na ang edad.
Nahapyawan natin sa isang kolum ang paliwanag ng isang ina na muntik nang umabot sa 20 ang anak. Hindi raw siya nagpapasuso (baka kasi para lang sa kanyang mister) dahil hindi raw pantay ang sukat ng sa kanya— upo yata sa kaliwa, kalabasa sa kanan. Gano’n ang idinahilan.
Hindi na masasaklaw ng paiiraling batas ang katangahan ng naturang ginang.
Kailangan pa palang magpatupad ng batas sa pagpapasuso ng mga nanay sa kanilang sanggol.
Hindi naman nakatuntong ng kahit anong paaralan ang panganay na pusa sa aming tahanan, si Shampoo. Lahat ng isinilang na anak, pinasuso. Tatlong pares na suso na iniisa-isang susuhin ng kanyang bunso, nabansagang Bruce Wayne Batman, itim kasi ang kulay. Ang totoo nito, kidlat kung sumila ng mayang mamindita si Batman. Araw man o gabi, laging may pangal-pangal na biktima na pagkukunan ng protina.
Gayunman, sususo’t sususo pa rin sa kanyang nanay ang lekat. Lagi’t lagi namang nakalaan ang anim na suso ng inang pusa sa kanyang anak na hindi na nga matatawag pang kuting.
Iyan kasing mga itinatakdang batas, madalas na kailangan pang laanan ng salapi para maipatupad. At kung paiiralin na nga ang batas sa pagpapasuso, baka kailangan pang suhulan ng salapi ang mga nanay na pasusuhin ang kanilang sanggol.
Gagastusan ang information campaign. Kailangan namang ipaalam sa mga walang malay na sanggol ang wastong paraan ng pagsalikop ng nguso sa utong, ang sapat na lakas ng higop sa suso. Pati na tamang paglalakbay ng kamay para kalikutin ang dibdib ng nanay ay dapat maipaliwanag. Travel a broad!
Malawakang information campaign ang kailangan kaya mamamayagpag na naman ang TV. Kukuning mga demonstration models ang mga sikat na balaybay ng niyog ang dibdib o kambal na bunga ng langka ang suso. Kung maaari, bawat 10 minuto’y may TV spot na magpapakita sa mga tatanga-tangang ina ang tamang paraan ng pagpapasuso.
Pagkakataon na ito ng mga korporasyon na naglalako ng shampoo. Bukod sa walang humpay na pagpapakita ng mga makintab, walang tikwas, walang balakubak na bulbol sa ulunan na wala naman yatang utak, magkakaroon na ng kabuluhan ang kanilang mga patalastas—sa wakas!
May sangkap namang formaldehyde—na ginagamit sa pag-embalsamo ng bangkay—ang shampoo kaya madali nang igiit na kailangang gumamit ng shampoo, panghugas ng suso. Upang maging sintigas ng bangkay ang paninindigan ng utong ng mga nanay para umangkop sa pinakamatindi mang sibasib ng sanggol.
At kung itatadhana ng batas sa pagpapasuso ang pangangailangan ng inspector general para matiyak na nasa tamang kondisyon ang mga suso ng nanay o mga nagbabalak maging nanay, count me in as a volunteer.
Marami talagang kailangang isaalang-alang sa pagbalangkas ng paiiraling batas tulad nitong sa pagpapasuso. Kailangang unawain na talamak na ang mga tanga sa Pilipinas, mwa-ha-ha-haw!
Saturday, June 16, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment