P150 ang sampirasong loro sa Obeertime sa kanto ng de la Rosa at Pasok Tamad… este, Susong Tamo… kaya nga siguro pinalitan ang pangalan, ginawang Don Chino Roces Avenue na kalapit ng pinapasukan ko sa Makati. Putok lagi sa mga naghuhunta-sabay-tungga ang Obeertime matapos ang oras ng trabaho. Paminsan-minsan, dito kami nagtatagpo ng premyado’t iginagalang na manunula T.T. Antonio na sa karatig lang na condominium sa Avenida Gil Puyat naglulungga.
Sa halip na loro na baka magdamag nang mapupulutan, madalas na inihaw na taingang baboy ang kagayak ng aming sinisimsim na bula ng pale pilsen— full-bodied o may katakam-takam na katawan ang lasa ‘di tulad ng light na binantuan ng santambak na tubig kaya lasang bantilawan, malabnaw.
Hindi talaga loro.
Baka kasi mapadpad ng lipad o langoy sa Obeertime ang isang loro na hinirang na tagapagsalita, spokesman ng isang alkalde sa Guayaquil na pinakamalaking siyudad sa bansang Ecuador.
Napika na ang alkalde-- isang Jaime Negot—sa mga peryodista na madalas na mambulabog sa kanya. Lalo nang nakakapika ang mga nagbabalibag ng mga walang katuturang tanong. Sagabal lang sa daloy ng gawain. Aksaya pa raw sa panahon na dapat mailaan sa mas makabuluhang magagawa.
Kaya niya ginawang official spokesman ang isang loro. Para sumagot sa mga walang kalatoy-latoy na pag-uusisa ng mga peryodista na pinabili lang yata ng suka, naghagilap na ng kahit anong maibabalita.
Nito pang Oktubre 2003 lumabas ang ulat hinggil sa paghirang sa naturang spokesman. Hindi naman siguro nangahas ang sinumang kumag at kupal na magpanayam o kausapin ng masinsinan ang naturang loro para makapagtipon ng maiuulat.
Saka marami talagang mahilig mag-ungkat ng kung anu-ano lang. May isa-dalawa ngang gunggong na pilit sumusubaybay sa bawat kilos ng inyong kulamnista. Kinukumbinsi pilit ang kanilang sarili na wala naman talagang pinagkakaabalahang gawain, pulos walang katuturan ang gawi ng inyong kulamnista.
Hindi naman mapangahasan na makausap ang inyong lingkod—na editor-in-mischief nga yata sa isang business website at kailangang makipagbuno sa micro-management ng ilan ding nag-aambag ng artikulo’t sulatin. Kaya madalas na nakababad tayo sa harap ng personal computer, kakayod kahit pakonti-konti para masulit naman ang ibinabayad sa atin.
Sa halip na humirang ng uwak, paniki, sabukot, tuturyok o buwitre upang maging tagapagsalita para kumausap sa mga mahilig lang sa taltalan at satsatan na wala namang matinong patutunguhan, pag-asikaso sa mga alagang aso, pusa’t halaman ang napapagbalingan. Nakakagalak kasi. Parang haplos ng lambing sa puso ang kakatwang paraan ng pag-ugnay ng mga alagang naturan.
Idleness of the body saps the vigor of the mind, sabi nga. Paano ba makipag-usap sa mga ni ayaw ipagpag ang mantika sa katawan sa pagsubsob sa trabaho? Paano makikipagtalastasan sa mga batugang palamunin na nagwawaldas lang ng panahon?
Let me talk to a busy body. Kahit sa paru-paro’t laywan na napakaraming gawain na ginagampanan. Kahit sa alinmang halaman na walang humpay na humahango ng kung anu-anong kemikal at sangkap mula sa lupa para maialay bilang lunas o pagkain sa kanilang tagapangalaga. Nangako nga pala si Dr. George Abordo na ipagsasama ako sa kanyang klinika sa lalawigang pulo ng Siquijor—kung balak ko raw magpanayam sa anumang makakapulong na mga halamang gamot doon. A busy life—even plant life-- can be enriching to others. They endure. They succeed. They're a joy. (If you want to enjoy enduring success, try traveling a little in advance of the rest of the world. Your greatness will come from being great in the little things.)
So let me talk to busy bodies with vigorous minds.
Kahit na sa karaniwang pokpok—they’ve got busy bodies.
Friday, June 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment