NAHAPYAWAN ang isang paring nangangaral sa isang palatuntunan sa radyo, taliwas daw sa paniniwalang Kristiyano na itaboy ang masamang espiritu sa pamamagitan ng mga paputok. Sa pakiramdam namin, talagang gunggong ang paniniwala na nabubulabog ng rebentador at mga kauri nito ang anumang maligno’t imbing espiritu.
Nairaos na rin lang ng karamihan ang kanilang kagunggungan sa pagpasok ng 2008, hindi na rin kailangang ipaliwanag ang paraan para akitin ang malas at samut-saring kunsumisyon at perhuwisyo sa pamumuhay sa pamamagitan ng-- ah, tumpak po kayo mga tunggak na torpeng bobo’t utak-pulgas na estupido—paputok.
Dapat na ipagpatuloy ang ganoong maingay, maalingasaw, masansang na nakagawian sa bawat papasok na taon upang lalo pang malublob sa sandamakmak na kahunghangan ang inyong kabuhayan—lalong mainam kung nasabugan sa inyo mismong pagpapaputok ang inyong pagmumukha’t nanghiram kayo ng mukha sa tipaklong, mas mainam kung naputol ang inyong mga daliri para hindi na magamit sa pagtuklas ng batis ng luwalhati ng bawat dilag o ang tinatawag na Graffenberg spot. Ganyan kasidhi ang taimtim na hangarin para sa inyong mga ulol.
Hindi naman siguro saliwa sa mga itinatakda ng Simbahan ang pamamaraan sa pagpapalayas ng mga diyablo’t kahila-hilakbot na espiritu na masisipat sa isang pelikula, The Exorcist ni William Peter Blatty. Wala namang rebentador, kuwitis, pla-pla, super lolo o kahit dinamita na ginamit doon para itaboy ang masamang espiritu na sumapi sa pinapelan ni Linda Blair.
Sa Constantine na pinapelan ni Keanu Reeves, ihaharap naman sa mahabang salamin ang sinapian ng masamang espiritu’t kakatkatan ng sangkatutak na panlalait ang sumapi kung gaano siya kapangit. Mapipilitang pumasok sa salamin ang kumag na espiritu. Saka babasagin ang salamin.
Kung pagtataboy ng mga espiritung hindi kanais-nais ang tahasang pakay sa pagpasok ng bawat taon, limpak-limpak sana ang delihensiya ng mga manghuhula sa gilid-gilid na gilagid ng simbahan ng Quiapo. Meron din daw silang kakayahan na magtaboy ng mga engkanto’t (oops-oops-oops hindi malaswa ‘yan, ha?) espiritung karima-rimarim bukod sa pag-alam sa magiging kapalaran—P50 lang yata per session kaya mas makakamura kaysa bumili ng sandamakmak na kuwitis.
Nang bulabugin daw ng mga hindi kanais-nais na espiritu’t laman-lupa yata ang mga trabahador na nagtitindig ng naging tahanan namin sa Bulacan—dalawa-tatlo ang inapuntahan ng lagnat sa hindi maipaliwanag na dahilan—ako ang naatasan para umareglo.
Sa pagkakatanda ko’y nagsaboy ako ng asin sa paligid. Saka nagsindi ng insenso—joss sticks na may samyo ng sampaguita. Saka sapilitang nakipag-ugnayan sa mga diyaske’t sinabihan na wala akong balak gutay-gutayin ang kanilang laman-loob kung hindi na sila mambubulabog ng mga trabahador. Napahinuhod naman at tumalima sa matinong usapan ang mga diyaske.
Sa pagkakaalam ko’y may katangiang umakit ng mga kamalasan at hindi kanais-nais na espiritu ang sansang ng pulbura’t-- teka-teka-teka baka sabihin ninyong masagwa na naman ‘to—paputok. Mga espiritung naghahatid ng maamong pasok ng magandang kapalaran at kabuhayan naman ang inaakit ng kamanyang at mga insenso na mahalimuyak ang sanghaya.
Natatandaan din namin na meron ngang Taboy’s 5 Litros sa kanto ng isang maikling kalye na nakatagos sa Isaac Peral na U.N. Avenue na ngayon at Kalye T. M. Kalaw sa Ermita, Maynila. Pulos Karen o mga nasa linya 40 yata ang makakaniig sa naturang tabuyan ng masasamang espiritu’t binago na rin yata ang pangalan, Bistro Emilio yata.
Hangad namin ang payapang taon sa mga magsasagawa ng payapa’t tiwasay na rituwal sa pagpasok ng 2008. Hangad din namin ang saganang ingay at walang humpay na sambulat ng pulbura sa buhay ng mga gunggong na maghahasik ng ingay at pulbura sa pagpasok ng 2008.
Wednesday, January 09, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Bossing, Anung koneksyon ng Taboy's Cinco Litros sa blog mo tungkol sa masasamang espiritu? Paki linaw lang, please.
Post a Comment