NAPAKAHABANG panahon ng paglalaro ang kamusmusan, umaapaw sa saya habang naliligo sa sikat ng araw, tigib sa galak habang habol ang hininga’t tila hangin ang buong katawan sa pagdiriwang ng sigla’t kalayaan.
Maraming pakinabang mula sa laro— salanta ang sigla ng isipan kapag hindi kumikilos ang katawan, sabi ng henyong si Leonardo da Vinci. Pinatunayan na ng mga natuklas sa pananaliksik ang kanyang sinabi. Tumutulong sa mainam na paglaki ang laro. Nagiging matalim ang isip at talino—pinalalago ang neural structures ng utak sa nervous system ng katawan.
At nagsasalin ng maraming kaalaman at kakayahan ang laro sa mga bata, nasusubok nila ang mga ito na pakikinabangan nila sa kanilang pagtanda.
Tinukoy ng child experts kung paano humuhubog ng karakter o mainam na pagkatao ang laro:
Katulong ang laro sa mahusay na pagbulas ng katawan. Isusulong ng laro ang katawan sa masigla’t masayang galaw upang mailabas, mapagaling ang motor skills—kakayahan sa galaw—na nagbibigay sa bata ng tiwala sa sarili at lakas ng loob.
Sa pakikipaglaro sa iba, natutugunan ng bata ang damdamin na maging kabilang sa mga kalaro—sa social at emotional interaction nauuwi ang physical action sa laro.
Maraming aral na kaloob ang laro, at magagamit ng bata ang angking kakayahan upang makuha ang mga aral sa laro. Lapat-kamay, lapat-isip na pamamaraan ang laro para matuto at mapag-ibayo ang kaalaman. Sa laro, mapapahusay ng bata ang kakayahang mag-focus, mag-concentrate o ituon ang sarili sa ginagawa. Nakakaipon din ang katawan ng muscle memory at pang-unawa sa wika.
Mapapansin na ang musika at pagkilos ay laging magkasama—katumbas ng tugtog ang galaw sa sayaw kaya iba’t ibang paraan ng kilos ang kasaliw sa mga likhang himig. May paanyaya sa bawat isa—paslit o magulang man—ang musika upang gumalaw, umindak sa galak, kumilos na agos ng saya.
Kaya upang maging malusog at sanay sa mainam na kilos ang inyong mga anak:
1. Ipabatid sa inyong mga anak na mahalagang gawain sa inyong tahanan ang laro.
2. Pumili, bigyan sila ng mga laruan na makapagbubukas sa kanila ng maraming kaalaman at kakayahan.
3. Makipaglaro sa inyong mga anak. Maging bahagi ng kanilang mga pinagkakaabalahan—at huwag namang magbutas lang ng upuan sa harap ng computer upang isangag ang utak sa computer games, gawaing tamad ‘yan.
Kailangan ng mga musmos ng mga 60 minuto ng laro’t masiglang kilos ng katawan araw-araw— hayaan silang maglaro.
Use it or lose it—galaw-galaw para hindi ma-stroke, sabi nga. Sisigla ang katawan kapag kumikilos sa laro, nahuhubog na matibay ang katawan, nagiging matatag ang tibok ng puso, lumuluwag pati hininga kung madalas nagsasalin ng sariwang hangin sa dibdib—na magbibigay ng ibayong tatag sa kalusugan at lakas pati na sa isipan. Kaya:
Dalhin ang mga anak sa park o palaruan na maraming mapaglilibangan—wall climbing, boating, biking, break dancing, taichichuan, at iba pang laro’t sports na makagigiliwan.
Payagan sila sa mga field trips na mahalaga’t masayang bahagi ng kanilang pag-aaral sa eskuwela.
Isama sila sa mga weekend picnics, bakasyon at papamasyal—lalo na iyong masaya’t may matututuhan. Mainam na magkasama sa quality time kahit nasa labas ng tahanan. Samahan ng palaro ang mga pagtitipon ng pamilya.
Isali sila sa palaro o sports na magbibigay ng mga kaalaman sa pamumuhay. Isulong sila sa Kahit team sport na makakagiliwan nila:
- Humuhubog ng mabuting ugali at pagpapahalaga sa buhay ang mainam na sports program—lalo na ang mga tinatawag na contact sports tulad ng wushu, karatedo, taekwondo, arnis, atbp. disiplinang kauri nito na nagbibigay din ng moral and ethical values sa kabataan.
- Pumili ng sports na nagbibigay ng ABC—agility (liksi ng katawan), balance (timbang o balanse ng katawan), at coordination tulad ng aerobic dancing, tennis, badminton, table tennis o yoga.
No comments:
Post a Comment