SA gabi ng lagim ng kanyang pagdating
Simulan na kayang magbunyag ng lihim?
Baka bago pa man sumakmal ang dilim
Malamig na bangkay siyang tatanghalin…
Dahil naglipana kampon ng karimlan
Mula sa Kongreso hanggang Malakanyang
Lawit ang kalawit niyang kamatayan
Sasalubong yata sa kanyang pagdatal.
Naunang tinigok si Marlene Esperat
Nang fertilizer scam ay isiniwalat
Baraha ng patay kanya palang hawak…
Maitim na lihim ‘di dapat nalantad.
Seven-two-eight million para sa abono
Ang ipinamudmod sa kung sinu-sino
Na layunin pala’y bumili ng boto
Upang ang GMA ay maging Pangulo.
Pataba rin naman sa lupa ang bangkay…
Ay, Joc-joc Bolante dapat kang kabahan
Sa iyong pagbalik baka kahinatnan
Ay maging abono sa lupang sakahan.
Sakaling ganoon ang iyong sapitin
Daming maghahanap niyong anting-anting
Ng barahang taglay, may birtud at galing
Upang milyun-milyon ay dagling maangkin.
Tradisyong sugarol sa Todos Los Santos
Sa mga libingan at ulilang puntod
Himuking magsugal silang natutulog
Maglaro ng tong-its, sakla, at pusoy dos…
Pupukawin pilit sa kanilang hukay
Na makipaglaro kahit anong sugal
Pati lotto playslip ay ibubuyangyang
Upang matayaan nilang mga bangkay…
Dahil isinugal kaluluwa nila
Kaya nga nagkamal ng sanrekwang pera
Taglay nilang galing dapat na makuha
Ng mga sugarol na nabubuhay pa.
Kung hindi man patay ay ipagdadasal
Na kagyat masilat sa handa nang hukay
Upang sa bisperas ng Araw ng Patay
Ay maisalin ang birtud nilang taglay…
Maraming sugarol ang nangakatutok
At ninanais ngang agad na matepok
Hindi lang si Garci, hindi lang si Joc-joc—
Pati na kasabwat na mga dayukdok…
Baraha ng patay sa gabi ng lagim
Tiyak maglalantad ng maraming lihim
Upang mga dusta pati na alipin
Tunay na paglaya ay agad na kamtin.
Monday, October 27, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment