DUMANAK ang laway—kakila-kilabot—
Pati butse nila’y pumutak, pumutok…
Upang ibuyangyang ang dinobleng pasok
Double insertion daw para sa C-5 Road.
Kay Villar ang Tondo, kanya ang Cavite
Na paglalagusan ng naturang kalye.
Ang makikinabang lokal na botante
Na sa two-uh-ten polls baka maturete…
Sa C-5 Road project, isang nakinabang
Ay iyong pinuno ng grupong El Shaddai
Na mga kaanib ay tala-talaksan
Botante din sila na paglilingkuran.
Vote-winning project ba? Wala na pong duda--
Las Piñas, Cavite hanggang sa Laguna
Ang makikinabang sa lakbay-ginhawa
Dapat lang tustusan ng sapat na pera.
Kotong o kuratong, walang nailantad
Kahit masinsinan ang pagsisiyasat
Walang katibayan ni masamang balak,
Walang nakalkal na iregularidad.
Pero lumalabas walang alingasngas
Alegasyong gasgas ay puro lang angas
Diin ni Enrile, walang naibunyag
Kahit pag-iimbot o tiwaling hangad.
Sinumang magbintang dapat magpatunay
Dapat maglabas ng mga katibayan…
Kung ang mga angas paulit-ulit lang
Pera’t panahon din iyang sinasayang.
Sa mga senador, well, the highest so far
Ang approval rating nitong Manny Villar
Kaya lagi’t lagi siyang sisiraan
Pilit ilulublob sa putik at kanal.
Puno o pinuno na hitik sa bunga
Susungkitin lagi’t babatuhin t’wina--
Kung hindi lababo, kahit orinola
Pati poso negro’y ipukol sa kanya
Ang kulang sa pansin dapat na mag-ingay
Dapat mambulahaw upang manghahalal
Na sa ngayon pa lang ay nakasubaybay
Sa dapat iluklok du’n sa Malacañang.
At marami na ngang mga pulitiko
Ang paparada na’t kakatsang nang todo
Liligawan tayo’t ililigaw tayo
Upang masunggaban ang buto, oops, boto.
Dahil kung may lagay tiyak na may kotong
Nangangamba kami, oy, mga senador
Baka sa susunod na imbestigasyon
Kalkalin pati na lagay ng panahon…
Friday, October 03, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment