ISINUKA ng videoke ang kahit na sinong tumutugtog ng gitara, piano o anumang maisasaliw sa aawit. Sound engineering technology ang ipinalit sa musical talent. Kaya kahit na sinong palakanta at palakang kokak, ubra nang umalulong.
Kaya may mga babaling sa paghahanap ng musika na hindi sinalaula ng sound engineering. ‘Yung mga tugtugin nitong mga taon ng dekada 1950. ‘Yung pure sound, walang santambak na sahog ng tunog at kulog ng bass. Mga tugtog na mula yata sa puso dahil hindi pa naghuhuramentado ang sound recording technology.
Sa New York (hindi po sa Cubao, Quezon City ) may nakaapuhap at nagbigay ng compact disc na naglalaman ng Theme from the Anna Magdalena Notebook ni Johann Sebastian Bach. Astig na software engineer na ang anak na nagpahanap nitong 1990 sa naturang tugtugin, Nakasalpak na sa kanyang iPod—na wala pa sa panahong iyon.
Uhugin pa ang damuho nang simulang makagiliwan ang mga obra ni Bach— na parang naglalaro yata ng tumbang preso o patintero sa piano ang bawat nilikhang himig. Nahawa lang talaga sa aking hilig ang anak. Masugid akong tagapakinig sa DZFE 98.7. Doon nasagap ng anak ang mga likha ni Bach. Nakagiliwan sa kalaunan.
H’wag na ‘kong ungkatin kung bakit mga tugtugin naman ni Django Reinhardt ang pilit kong ibubusina sa pitak na ito. Hindi pa ako isinisilang nang pumanaw siya. Edad 53 na ‘ko.
Pero nais kong marinig ang taginting sa bagting ng kanyang gitara. Jazz.
Bagting? That’s one word that won’t make it to your word list. Chord, that’s what it is. Several notes on a guitar’s strings plucked together, sounded out as one or each note struck in quick or slow succession before shifting to the next bundle of notes. These days, bank notes are what can interest you.
Bagting. Bakting. Wala naman yatang hagupit sa dalawang pirasong pantig niyong kataga. Teka, natunton ako ng isang mananaliksik na nais maipalabas sa TV ang bakting—a village idiot given a handbell and sent off on an errand to walk the breadth and length of a town, tolling and telling of a death. May tula at tuya na iuukol sa bakting. Pati sa bagting.
Pati sa taginting na aalingawngaw mula sa pinagsanib na bah mak (na naging bak o Bach). Na ang katuturan nga ay gagapin ng puso, sunggaban ng puso, kapain at apuhapin ng puso. Palpate. To reach out to what is palpable and palpitating.
Hindi ko naihayag—bangenge na ‘ko sa laklak ng brandy, nilango pa ‘ko sa beer—sa nakipagkrus ng bisig sa isang bahay inuman sa New Manila ang katuturan ng bah mak. Naglalaro ng yaw yan ang bata. ‘Kako’y wuyiquan ang larong naisapuso ko.
Sa gayong paglalaro, kailangang makinig sa puso. Gumagap. Sumunggab. Kumapa. Umapuhap.
Na hindi kamay o paa ang gagamitin. Puso lang. Bukas na puso.
Sa puso rin magsisimula’t magmumula ang iuulos at itutulos. ‘Tangna ba’t napunta na rito ‘tong usapan?
Kay Django Reinhardt tayo nagsimula ‘di ba?
Sunog na ang mga kamay niya sapul edad-18. Dalawang daliri lang ang nagagamit sa pagtugtog ng gitara. Jazz guitarist si Django.
Pero kapag ganoong talamak ang kapansanan sa kamay, paano pa mapaglalaro ang kanyang nalalabing daliri sa mga bagting ng gitara? Ano pang tugtog ang lalabas at ibubulalas ng kulang na kamay?
Bah mak na tataginting. Pinagsanib at naging bakting, the village idiot out on a walk crying out to all and sundry of a death. Na katuturan din ng bagting o anim na sampayan, a clothesline of sorts strung along the voluptuous form that is a guitar’s to dry off every rinsed fabric and wrung out article of clothing— na kapag tuyo na’y makulay na pananamit na ibibihis at isasapin sa hubad na katawan
Nabubuo ang ganoong hinala hinggil sa katangian ng mga likhang tugtugin ni Django Reinhardt. Musika na hindi hamog-himig na kinimis at pinitas ng napinsalang kamay at nalalabing dalawang daliri. Bukas na puso ang mariing pumipisil sa tagdan ng anim na bagting, Bukas na puso na lang ang umaantig sa bawat bagting upang tumaginting.
Nais kong maulinig ang bah mak, ang bakting—how audacious idiocy can be!—sa bagting, ang pitlag at pintig ng puso na dugong dadaloy mula sa mga nilikha ni Django Reinhardt.
So if you’ve got some Django Reinhardt music, please be generous enough and share it.
Thursday, September 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment