“Words use us just as we use words.” Lewis Carroll
MAPUROL na raw sa pagbuo ng matinong pangungusap ang mga nahahagip na tagaulat saanmang lupalop ng bansa. Ganito ang buod ng reklamo ng katotong patnugot sa isang broadsheet. Ganoon din ang pinagmumulan ng kunsumisyon ng aming guro sa mga kasalukuyang humahawak ng pinagmulan naming pahayagan sa kampus.
Ang totoo’y mapurol na rin marahil ang kanilang utak. Kaya hindi mapanghawakan ang kanilang sariling wika. Humuhulagpos na rin pati sa palad ng diwa ang maluwag na gagap sa wikang banyaga,
Walang matutukoy na kahinaan o kakulangan sa sariling wika. Maging sa kinamulatang banyagang wika. Talagang ang mga gumagamit nito ang tahasang lupaypay na’t sakitin ang diwa.
Paano nga ba kami natutong magmahal at lubusang nanalig sa iba’t ibang bisa at kapangyarihan ng pananalita?
Noon pa siguro… Natatandaan ko.
Ipinalamon lang sa apoy ang dalawa o tatlong iniingatang aklat ni Mamay Gavino, hindi pa man siya naililibing. Nakaligpit iyon sa ibabang tokador ng imbakan ng mga pinggan at kagamitan sa hapag. Nahalungkat din nila nang masinsinang hanapin ang mga iniingatan ng matanda. Ni walang pangiming sinunog ang mga aklat. Sa demonyo raw kasi ang mga iyon.
Nang nabubuhay pa siya’y nasumpungan ko ang iilang aklat na iniingatan niya. Uhaw naman ako sa mababasa. Uhaw na uhaw. Iilan lang kasi ang nakakapagsubi ng aklat sa ganoong lalawigan. Hindi naman talaga palabasa ang mga nasa lalawigan—at limang kilometrong lakarin ang aklatan sa poblacion. Nahalughog ko na rin ang aklatan doon. Paisa-isang hiniram ang mga lumang aklat na nalimbag nitong mga taon ng 1930—hanggang sa mabuksan lahat-lahat na maisisiwalat ng gma naturang aklat. Ibig ko lang naman na matuklas ang paraan nila ng paghabi ng pangungusap sa panahong iyon.
Sa udyok ng matinding uhaw sa mababasa kaya marahil natukoy ng pang-amoy ang pinagtataguan ni Mamay Gavino ng kanyang mga iniingatang aklat. Hindi naman marahil lihim sa kanya ang madalas kong pagbababad sa ikalawang palapag ng kanilang bahay para sumubsob sa pagbasa sa kanyang mga itinatago.
Bawal daw basahin ng bata ang ganoong aklat. Sa demonyo raw. Pero masarap ang bawal.
Pulos pangungusap din naman ang nilalaman ng mga naturang aklat. Oracion ang tahasang salin sa Español ng pangungusap, ‘di ba? Samut-saring pangungusap para maitakda ang nais maganap sa sarili. Sa mga bagay-bagay. Sa kung anu-ano sa paligid... Mayroon palang mga ganoong pangungusap. May katangiang nag-aatas. May kapangyarihang nagpapatupad.
Dapat pala talagang magpahalaga’t pakaingatan ang bigkas at bigwas ng mga salita.
Kaya iginigiit ng iba na sa demonyo raw ang mga aklat na iniingatan ni Mamay Gavino.
Merong sa gayuma. May panlunas sa rayuma. Pati sa eczema yata’t emphysema.
May pamigil sa tao. May panakit. May panghagupit. May paminsala’t pamali. Pandurog. Pangitil. Samut-sari pala ang taglay na kasangkapan at kagamitan ng iba’t ibang pangungusap. Bawat pangungusap ay isa lang ang hinihingi: kalakip ang taimtim na pananampalataya sa pagbigkas…
Naikuwento minsan ni Inay na paubos na ang iniluto niyang kalderetang guya o sanggol na baka na tanging handa namin sa pista. Kasama noon si Mamay Gavino sa umpukan ng mga bumabarik ng lambanog sa aming bakuran. Nagtungo raw sa kusina ang matanda. Inalam ang iba pang mapupulutan—wala nang iba kundi ang mauubos nang guya ang nakita niyang nakasalang.
Nakailang ulit daw na humango at naghain ng naturang kalderetang guya sa mga nagbabarikan— laging sapat lang daw ang madadatnan ni Inay na laman ng kawali. Hindi raw niya maintindihan kung ano ang ginawa ni Mamay Gavino sa katiting na handa. Pero para raw himala.
Sa demonyo raw ang mga iniingatang aklat ni Mamay. Pati mga nilalaman ng mga iyon. Pati mga pangungusap na nakalimbag doon. Kaya sinunog. Inabo.
Kung alam ng pasimuno ng pagsunog sa mga naturang aklat na hindi lang sa mga dahon ng aklat maililimbag ang mga pangungusap, baka pati ako’y nadamay sa sunugan. Hindi lang ako nakakatiyak kung ang mga pangungusap na isinilid-itinala-nailimbag sa isipan ay maaaring masunog. Higit pa siguro sa 451 degrees Fahrenheit ang init na kailangan upang magliyab ang isipan.
Pero mahirap nang makatkat ang nasinop doon. Iba na kapag nasinop sa diwa.
Kung ilan na ring kasulatan ang hinalughog sa masinsinang pagbabasa sa mga sumunod pang panahon. Kung anu-ano lang yata na mapaglilibangan, mapapagbalingan.
Pero matiim ang naisiwalat mula sa mga abo nang dahon ng mga iningatang aklat ni Mamay Gavino. Grimoire ang tawag sa mga iyon. Mga aklat na isinumpa. Mula sa demonyo. May sa demonyo. Ano ang alam nila ukol sa demonyo?
Mula sa grammar ang katagang grimoire. Balarila lang. Kalipunan lang pamantayan sa pagbuo ng matinong pangungusap. Pati pagtukoy at lubusang pagkilala sa mga bahagi ng pangungusap. At may taga ang mga angkop na kataga.
Ah, may iwing kapangyarihan at mahika ang mga pangungusap. Matutuklas ng mga naghahangad na tumuklas ang nais tuklasin.
Thursday, September 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment