MALAYO na ang inaabot ng P100 sa Internet card—sanlinggo.
Bulakan hangggang pinapasukang tanggapan sa Makati lang ang talagang aabutin ng P100. Sandaan uli sa pauwi. P200 pamasahe sa isang araw.
Idagdag pa ang iilandang na inis at inip sa pagsagap ng samut-saring usok, alikabok, at alimuom mula katawan ng kapwa pasahero sa bus o rail car. Isama pa ang napahabang usad ng mga sandali kapag tila uhog sa ilong ang daloy ng traffic.
Carpe diem! Sunggaban ang palaka sa gitna ng hita, este, sunggaban ang araw.
Malaki talaga ang tipid kapag nasa virtual office. Maraming panahon at salapi ang natitipid. Ubrang ipahatid sa kidlat ng world information superhighway o Internet ang mga natapos na sulatin. Hindi na kailangan pa na magara’t unat ang bihis o tinungkab ng todong hilod ang libag at libog sa katawan. Hindi na kailangang maglublob sa pabango’t pambakbak sa likas na sanghaya ng katawan. Hindi pa gaanong mapupudpod ang sapatos sa lakad.
At maraming mapag-uukulan ng panahon kapag nasa sariling lungga’t nag-uugoy o nang-uunggoy sa sariling diwa sa duyan ng mga sandali.
Nariyang maghamon sa ilang kompanya sa labas ng bansa. Maraming naghahagilap ng magsusulat para sa kanila.
Masaya ‘kako diyan sa Singapore. Pero baka naman ubrang minsan na lang sambuwan ang pagsipot diyan. Aayusin na lang ang mga kailangang sulatin dito sa Bulakan, ipupukol lang sa Internet—walang sasablay sa daloy ng gawain.
Malupit ‘kako ang bayad-upa sa matutuluyang lungga sa Hongkong. Kaya ipadala na lang sa electronic mail address ang mga kailangang sulatin—kahit naman narito sa liblib na lupalop ng Bulakan, matatapos pa rin at maibabalibag pabalik sa pamamagitan ng Internet.
Mahirap na ‘kako ang masibak ang tumbong diyan sa Saudi Arabia . Saka hindi yata ako mawiwili sa pagkain at kawalan ng malalaklak-alak at mahihimas-dilag diyan—maghunta na lang kita sa Intermet chat room habang inaayos ang mga isasalpak na sulatin sa pahina ng diyaryo ninyo.
Magkaiba man ng tinatawag na time zones sa magkalayong panig ng daigdig, puwede ang ganoong work arrangement sa tinatawag na virtual office. Sa loob ng sariling pamamahay habang nakatunghay sa computer screen. Naranasan na kasi noong 1990s na bumuno ng sulatin na alas singko ng hapon ang taning para maipadala sa Amsterdam, hatinggabi naman sa Makati .
Nasa magkaibang time zone nga pala ang Makati at Bulakan. Magkaiba ang ihip at simoy ng hangin. Pareho man na tig-24 oras sa isang araw at 60 minuto bawat oras, mas mabagal yata ang usad ng sandali sa Bulakan.
Sa Makati, minsan lang nasumpungan isang hapon na may ibong langay-langayan sa gilid ng pasamano ng bintanang salamin sa tanggapan. Palinga-linga sa paligid ang langay-langayan o swift. Tila andap pero maringal sa tindig. Tila ipinagpaparangalan ang matingkad na langit at kahel sa kanyang dibdib at pakpak—mapusyaw na kulay ng kongkretong limahid sa alikabok ang kanyang paligid. Kaya tumingkad lalo ang kanyang kulay.
Sa sariling lungga sa Bulakan, dumadalaw tuwing umaga ang dalawang Puwit o sunbird—mapusyaw na dilaw at bughaw ang kulay, sinlaki ng hinlalaki ang katawan. Magtalisuyo yata. Kung hindi aali-aligid sa mga pulang talulot ng lobster claw heliconia, sa mga kahel na bulaklak ng love and devotion pumapandaw ang dalawa ng matamis na katas ng bulaklak.
Kapag napagod ang isip sa sulat, maibabaling sa solat—makapanawagan muna ng ilang sandali sa dasalsal sa Maykapal. Tummy crunches kasabay ng rhythmic breathing— breathe in at 1 count, retain air in diaphragm at 4 counts, breathe out in 2 counts para laging masigla ang lymphatic o immune system ng katawan, maging mahusay ang metabolism at manatiling nakaumbok ang anim na pirasong pan de sal sa sikmura. Yeah, prayer is downright physically engaging and healthful.
Wala yatang nagpupugay sa Angelus, vespers hour (dito napulot ang katagang ‘bisperas’) o oracion sa Makati. Dahil lumalangoy pa rin ang karamihan sa agos ng gawain.
Sa virtual office ng sariling lungga, masusunggaban ang sariling oras, magagagap ang sariling araw sanlinggo—sa halagang P100 ng Internet card.
Thursday, September 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment