ALAS singko ng hapon ang lipad ng eroplanong sasakyan ng kausap patungong Canada . Lampas na ang hatinggabi’t nag-aapuhap na lang siya marahil ng makakausap na kapwa Pilipino. Magiging pabaon ang kahit katiting na huntahan sa kanyang paglisan sa bansa.
Urban planning daw ang kanyang tatapusin doon. Saka babalik sa bansa para mailapat ang kanyang matututunan. Kung maaari ay sa alinmang lalawigang may lunsod na malalapatan pa ng matinong balangkas sa matagalang paglago’t paglawak.
‘Kako’y 1930s pa nang binuo ang balangkas ng tinatawag na national government center sa Quezon City —sa naturang lunan ilalatag ang lahat ng gusali’t tanggapan ng pamahalaang pambansa. Naitindig naman doon ang Batasang Pambansa complex. Na sa Kamara na ngayon. Ni hindi na nga tinangka man lang ng Senado na lumipat doon—kahit isang gusali sa gawing silangan ng Sandiganbayan ang ipinatayo doon, Para sana sa mga senador at bulwagang pulungan ng Senado.
Dumagsa ang squatters sa national government center. Naging national squatters center.
Nalintikan lang talaga ang matagalang balak para pagsamahin lahat sa iisang lunan ang mga tanggapan ng pambansang pamahalaan.
Gayunman, tuloy lang ang pagpapalapad ng pangunahing lansangan na maglalagos sa naturang binabalak na maging puyo ng pambansang pamalaan. Pansinin na mas malapad ang Commonwealth Avenue kaysa Epifanio de los Santos Avenue . Nakatakda ring magtindig ng railway line sa Commonwealth Avenue, itutuhog hanggang sa San Jose del Monte, Bulacan na gagawin namang pangunahing himpilan ng pampublikong transportasyon sa hilagang silangan ng lumalawak pang Metro Manila.
Pero wasak na ang balak na matupad pa ang national government center—maliban na lang kung papayag ang mga squatter na sumalpak doon na mailipat sa mga mabubuksan pang lupalop sa bahaging paanan at baywang ng Sierra Madre sa gawing silangan. Madugo sa bulsa ang pagpapalipat ng squatters—nitong 1990s ginugugulan ng P20,000 ng taxpayers ang lipat-bahay ng bawat squatter family sa Metro Manila. Mas kawawa pa rin ang taxpayer…
Nabanggit na rin sa akin ng panganay na anak na balak din niyang magtapos ng urban planning. Maganda ‘kakong kaalaman ang ganoon pero tiyak na sa World Bank lang siya makakaasam ng mapapasukang trabaho. Hindi pa man nauso ang urban planning dito, ibinasura na sa kangkungan. Ni hindi nailapat kailanman.
Binanggit ko ang ugat na dahilan. Learned people are easy to rule but much too difficult to tyrannize. We don’t have much learned people in this neck of the woods—so there’s no rule of rule.
Urban planning is an outcrop of space planning, paliwanag sa anak. Take a good look at how people make use of space, how they fuse their lives and activities into the lay of the land. Parang paglalapat ng hiyas sa sinsing o palawit na bato sa kuwintas—nagiging mas marikit at matingkad ba ang halina ng paligid kapag may tumahan nang pamilya sa alinmang puwang ng lunan? O tahasang winawasak lang ang lunan?
Beauty and a sense of order lie within the individual, bubulwak na bukal na dadaloy ang taglay na kariktan sa paligid. Huwag nang ipagduldulan sa paningin ang mga proyekto ng Gawad Kalinga—pulos limos lang ‘yan.
Ganoon lang din ang nilinaw sa batang iyon na alas singko pa ng hapon ang lipad ng lululanang eroplano patungo sa Canada. Doon siya magpapakadalubhasa sa urban planning.
Lagi ‘kong ungkatin ang tinatawag na human factor at umiiral na kolektibong pananaw sa pamumuhay.
Madaling araw na nang magkahiwalay kami ng estudyanteng iyon.
Thursday, September 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment