Thursday, September 13, 2007

Makulay ang buhay sa masabaw na puday

SOBRA yatang insulto sa umiiral na kalagayan ang mga mapapanood na patalastas sa TV tungkol sa food supplements para sa mga lumalaking bata—mga walang ganang kumain. Nakalatag man ang saganang pagkain sa dulugang hapag, hindi pansin. That is an insult to Philippine reality.

Para malunasan ang ganoong suliranin, itatambad ang natatanging produkto ng kung anumang kompanya para maantig ang bulsa ng magulang.

Natukoy sa pagkalkal ng Food and Nutrition Research Institute na hindi sapat ang pagkain ng 8 bawat 10 pamamahay sa bansa. Food insecurity ang inilapat na kataga ng FNRI sa ganoong kalagayan. Pero sa talampakang usapan, kapos sa pagkain. Gutom.

Siguro’y mas marami nga ang lumalantak na lang ng sinabawang puday.

Sa isang huntahan ng mga katoto sa lungga ni Pedro sa A. Mabini, Ermita, nawalan yata sila ng gana na ubusin ang pinasingawang apahap nang maungkat ang pagpili ang isasalang na huwaran para mas maraming ina ang magpasuso ng kanilang sanggol.

Pinili ng DoH ang isang jetsetter dahil talagang 15% na lang ng mga nanay sa bansa ang nagpapasuso sa kanilang sanggol—at kakatwang pawang nasa may mataas na, malakas pa sa kita ang mga ito.

Baka ‘kako pinili ng DoH ang endorser na jetsetter para talagang sosyal ang dating ng pagpapasuso—kahit alinlangan ito na ibuyangyang ang suso’t ipasupsop sa kanyang sanggol para makita ng mga ina na gawain ng mga nakaririwasa ang pagpapasuso.

Si Kris Aquino sana ‘kako ang ginawang breastfeeding endorser. Tiyak na marami ang gagaya. Marami ang nahihibang sa pagsubaybay sa kanya.

Lalo nang natamilmil sa pagkain ang mga katoto nang mabanggit na ang ganoong pangalan.

Hindi naman ‘kako usapin ng libangan at kahibangan ang nakataya, Mas marami lang sa populasyong Pilipino ang sumasampalataya sa mga ikinikilos ng Kris Aquino. Magandang pagkakataon na maituwid ang mga taliwas na paniniwala ukol sa pagpapasuso.

Iginiit ng isang katoto na mas maraming magulang ang magpapadugo ng kanilang bulsa para bumili ng pampers sa halip na magtiyaga sa lampin.

‘Kako’y wala namang masama kung ibibilad ang suso’t ipapasupsop sa sariling sanggol. Mas malaki ang bilang ng populasyon na nakatutok sa idiot box o salaming suso. We want to sell an image that projects a healthful practice.

Sa madaling sabi, lalong tinabangan sa pagkain ang lahat. Hindi na nagalaw ang malinamnam na apahap—na 10 taon na ang nakalipas nang huli kong matikman.

Mahirap talagang ipagduldulan ang nutrisyon na masusupsop sa suso. Mahigit 300 ang pampalusog na sangkap sa gatas ng ina—aabot ng mahigit tatlong minuto sa TV kapag inisa-isa ang mga ‘yon. Ni walang isang segundo kung ibulwak ng TV ang 40 sangkap sa infant milk formula na lubusang tinatangkilik ng balana sa ngayon. Kahit 20 sa sangkap na iyon ay tahasang panganib sa kalusugan ng sanggol.

Mahirap ding ipagduldulan sa TV ang katotohanan na gutom ang inaabot ng 4 sa bawat 5 pamamahay sa bansa. Kaya talagang mas marami ang naniniwala na napakapihikan sa pagkain at pawang fastfood saka junk food lang ang matino’t wastong pagkain para mga bata.

Wala namang aangal kung ipagduldulan natin sa pitak na ito na masabaw na puday ang karaniwang nalalantakan sa kasalukuyan—kahit wala talagang nutritional value na mahihigop dito.

Saka walang patalastas sa TV na igigiit na makulay ang buhay sa sinabawang monay.

Mwa-ha-ha-ha-haw!

No comments: