Wednesday, January 13, 2010

LAKLAK--HINDI LAKI-- SA HIRAP

ANG lintek na Lenin payak lang ang lunas
Upang silang dukhâ bilang ay malagas
Bawat sampung tambay—isa ang shot on sight…
Kaya unti-unti… ubos ang mahirap!

Hayop na Lenin ‘yan, talagang hayupak
Pilit na pinuksa silang mga tamad
Na nakatunganga maghapo’t magdamag
Pagod sa pahinga… sa tulog ay puyat.

Pati ang Bibliya ayaw sa batugan
Dapat daw ipagpag bilbil sa katawan.
Sa katas ng pawis, apoy ng isipan
Doon mahahango ang kinabukasan!

Pati nga si Kristo nagkibit-balikat
Kung sa konting pera, tiwala’y winaldas…
Paano pa kaya pondong sandamakmak
Sa bulsa ng pobre babahang may galak?

Sa Bhagavad-Gita bilin ay magt’yaga
Na h’wag nang aasam sa anumang pala…
Kapagka kumayod, tiyak may biyaya
Kapag kumakanyod—may nakabukaka.

Pero ano ito, bawat kandidato
Ipagpipilitan… siya’y pobreng tao?
Nasa’n ba ang Lenin? Papuntahin ditto
Para mabawasan aming iboboto.

Kokontiting pera ‘di maitutustos
Sa kampanyang sagad at todo sa gastos…
Malakiking pondo sabihin mang bastos:
Gastusang bastusan, ‘di magiging kapos.

H’wag ipagduldulang kayo’y dating dukhâ
At ngayon kayo nga’y nakaririwasa
Na nanggigitata sa luhô at rangya
Na nagpapamudmod ng utot ng dila.

Sila po’y mahirap… yatang maunawa
Kung bakit sa hirap ay hindi nagsawa
Pobre diumano lulublob sa madla…
Baka nga sisipsip ang bundat nang linta?

Sa pook at lunang sagana sa boto--
Doon ikakatsang sila’y pobreng tao
Kaya dapat lamang maluklok sa trono
Saka lumaklak ng pondo sa Palasyo…

Nag-Jose Velarde man ang isang Erap,
Nag-Jose Pidal man ang Mar sa de-padyak,
Magdilang-anghel man sinumang Satanas…
H’wag lang isangkalan ang pagkamahirap!

Mahirap ang buhay? ‘Pakamatay na lang—
Baka nga yayaman silang mga bangkay
At sa pulitikong power lang ang pakay…
Sunggab high-voltage wire… tiyak na kikisay!

2 comments:

Chad the Coffeeholic said...

Wowowee! Maanghang po ang post na ito. Parang siling labuyo. :-) Ngayon, ang tanong po ata ay "Who's the least corrupt?" at hindi na "Who's the best?"

Kung di po ako nagkakamali, kilala ko ang pinatutungkulan ng post na ito. Ano naman po kaya ang masasabi niyo sa batang binalot ng ningning at kinang ng kanyang mga magulang? Siya ba ang magiging bagong Hesu Kristo ng Lahing Kayumanggi?

DONG AMPIL DE LOS REYES said...

There's this odd practice of grizzled Chinese bankers in HongKong on prospective debtors-- they don't ask how's the cash flow of the debtor's business, business profitability or liquidity... all they ask is "Who's your father?"

I have raised glass with a drinking buddy of Mang Maning of then-DANR who raised Manny Villar... I have followed the political career of the late Ninoy... and I've seen how the late father of Gibo who was then SSS top honcho who defied and stood up to the machinations of the Marcoses... That's a guy with balls.