KUMAIN, humimbing, umibig. Kalakip ang itinuturing na sagradong binhi ng kataga—um—sa tatlong pangunahing takda sa payak na pamumuhay. Sagradong pamumuhay.
Hindi biro ang pagkain, lalo na’t hindi lang pagsisilid ng mga tipak na sapak sa mata at panlasa ang isasalin sa bawat himaymay ng katawan. Hindi lang butil, tinapay at katambal na ulam ang may taglay ng sustansiya na itutustos sa katawan, diwa’t kaluluwa. Hindi tinapay lang ang makakabusog. Hindi sapat ang dalisay mang tubig para mapawi ang uhaw.
Kailangang hindi maging patay-gutom ang diwa. Subukang lulunin ang pride… pwaa-haah… lasang sabon! Masyadong mataas ang phosphate content… dapat yatang ibaon sa lupa… pataba. Mabulok kaya’t magkaroon ng sense of humus?
Tatlong pirasong pritong kurita (oops, hindi po ito ina ni Sen. Manny B. Villar, Jr.) o pugita ang inihain sa ‘kin nitong agahan. Tikman ko raw. Isa lang ang ginalaw… mahirap ipaliwanag ang linamnam.
Mga dalawa-tatlong oras kaming nangilaw… naghibas o low tide sa bahaging iyon ng South China Sea… mistulang kural ang mga bumabaw na luong o tide pools para sa mga isda, pero kurita lang talaga ang pakay… salapang… saksak… saklot.
Nagpupuyos sa pagyapos ang amihan… makilapsaw ang tubig… naikubli sa linlang ng alon at pusyaw na dilim sa liwanag ng bilog na buwan ang pakay.
Malilibang ang mga mata sa walang humpay na sipat sa gaslaw ng tubig… busog na busog ang paniningin kaya hindi pansin ang pagkuyumos sa katawan ng lamig, ang unti-unting sigid ng pagod sa hita, binti’t tuhod.
Musmos na muli nang saklutin ang ikalimang kurita sa kung ilang oras na paglilimayon sa lawak ng buhangin at bahura. Naghuhumiyaw na sa paninigas ang kalamnan ng mga pigi’t binti… ulol na nagkukumahol pati na ang… titingin pa rin sa naglisaw na liyab mula sa mga nakasabay na nangingilaw sa magdamag. Nag-aapuhap, naghahagilap ng masusundot na kurita ang mga nasa tapat ng bawat liwanag.
Sa mga larawang limbag-kahoy o woodblock prints ng henyong si Hokusai nahapyawan ang mas masarap na lantakan—tako-bobo o pugitang pu… o pukita (para hindi mas malaswang pakinggan). Kumakapit, sumisigid ang sedang laman habang sunod-sunod na sinasakyod. Sumasakmal habang sinasalaksak. That’s something lusciously new for a word. Pukita. Mula shunga o mga larawang tagpo ng umaatikabong pagtatalik na nilikha ni Hokusai.
Hindi sapat na gantimpagal ni gantimpala sa magdamag na pagod ang limang pirasong pugita. Sa kung ilang oras na paglilimayon, ang paslit sa puso’y naalimpungatan… bumangon. Nagtampisaw, walang humpay na halik ng alon ang bubot na manggang halakhak.
Mangare. Dormire. Amore. Kumain. Humimbing. Umibig.
Nahimbing ang patang katawan at busog na isipan. Sa panaginip, umaalingawngaw ang magkasaliw na halakhak ng alon at hagikgik ng tuwang tuwa ring paslit na nagkukubli sa sariling dibdib.
O tempora! Ah, amore, amore!
Friday, January 08, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Nakakaaliw naman po ang laro ninyo ng lengwahe. Kahit na madaling araw, nakapupukaw ng diwa ang talinhaga.
Parang payak na payak ang isang enlightened way of living, pero parang mas madaling sabihin kaysa gawin. Parang parikala tulad ng panghuhuli ng pugita buong maghapon upang kumain lamang ng lima.
Post a Comment