UMABOT sa 27 saksak ang itinakal ni Ave sa katalo sa tunggaan, kuwento ng katoto. Parang damong mutha na tinangkang katkatin sa balat ng lupa… pero himalang nakaligtas sa kalawit-kamatayan ang tinarakan. Pulos katagang walang taga ang katumbas ng iniunday.
At maraming ganoong mainitang pagtatalo sa laot ng tunggaan ang nauuwi sa siklab ng gulo… dapat talagang paghandaan ang tinatawag na huling kabit—the last word, the final argument… going for the jugular.
Humingi pa ng awa ang 30 peryodistang napadpad sa Ampatuan, Maguindanao bago tuldukan ng tingga. Sa halip na umamot ng kahit kulangot na unawa sa bibigkas ng huling kabit, kahit sana isa sa kanila’y bumira ng obit emptor… sa glabella… para iglap na maisuksok sa utak ng kinakausap ang kahit isang mariing taga ng kataga. Tinabla na lang sana noon pa. Just one crunching non-word of finality.
Nabanggit minsan sa katotong Atty. Manuel Manaligod, Jr. ang tahasang katuturan ng huling kabit—na nilinaw ng isang nagngangalang Yoshida Kotaru, dalubguro sa sibat na nakatuntong sa yugto ng satori o iglap na kaliwanagan. Sampulutong ang pinapangasiwaang tagapanaliksik, tagapaghanda ng oral arguments at pakikipagpalitan ng paliwanag sa bawat hawakang kaso… para matiyak ang panalo. Talk is cheap, yeah, but try having one with a lawyer…
(Facts are sacred, legal opinions are a dime a dozen… kaya marami nang mga media organizations ang balasubas. Tutal, sampu sampera nga naman ang mga opinyon—legal or downright criminal in intent-- na tulad nito.)
Tinurol ni Kotaru na ang mga batas ng tao’t Diyos ay hindi nakalimbag ni sinisinop sa puso ng sinuman… kaya anumang malimi’t matinong paghimay, pagbibigay-liwanag sa mga itinatakda ng alinmang batas ay nawawalan ng saysay.
Maidadagdag pa ang nakasaad sa Qur’an na “hindi paningin kundi puso ang tahasang nabubulag.” Kakapa-kapa sa dilim at liwanag ang pusong bulag. Pero kapag talas-labaha ang paningin ng puso, umaayon sa matuwid ang dugong ititibok nito… at iglap na masisipat nito ang mga lantad na bahagi ng katawan na lalapatan ng huling kabit.
Parang payo ni ex-world chess champion Tigran Petrosian ang tagubilin ni Kotaru. Huwag na huwag magpasimula ng pagtatalo. Pero lubusan at laging ihanda ang kabuuan ng sarili para ilapat ang huling kabit… the terse killing blow.
Hindi sapat ang nagpupuyos na pukpok ng kamera o kurot ng kutya para ipataw ang huling kabit… ganoon ang gawi ng mga mahilig sa labanang kuyog.
Kailangan talagang ihasa’t pandaying asero ang kabuuan ng sarili… para kahit walang kimkim kundi buntong-hininga sa kamao, iglap na iigkas… maikakatok sa ilalim ng solar plexus upang mauntag, mapatigil ang tibok ng puso… maihahalukay sa atay upang maantig ang mga nakabalatay doon na latak ng alak at linamnam ng karne.
Friday, January 08, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment