Friday, January 08, 2010

UNOS SA UNO

TUTAL nagpaputok mga Ampatuan

At limampu’t pito na ang tumimbuwang

Baka naman ibig dagdagan ang bilang—

Dagdag pang paputok at dagdag na bangkay.



Tra-la-la-la-disyon ay dapat masunod

Ang isasalubong ay ingat at usok

Upang bawat taon kasula-sulasok

Sa simoy ng hangin pulbura’y isuksok…



Si Digong Duterte lang ang nagbabawal

Kasi nga’y lumala ang global warming daw.

Kaya nga doon po sa lungsod ng Davao

Bawat Bagong Taon, payapa’t tiwasay…



Digong Duterte daw talagang pumalag—

Tropang Ampatuan nang namamayagpag

Hanggang sa Davao ay full display ang armas

Sinita ni Digong, tiklop silang lahat…



Pero dahil sikat na sikwat na ngayon

Dapat pamarisan silang mga gunggong

Salaulang usok at ugaling baboy

Dapat na ihasik tuwing bagong taon…



Para makatiyak na amoy masansang

Ang sambuong taon sa ingay simulan

Tutal si Digong lang itong magbabawal

Tularan natin ang mga Ampatuan!



Huwag mabahala kung may global warming

Kahit pa may Ondoy na laging darating,

Kahit pa mawarak iyang weather patterns

Bawat bagong taon dapat na babuyin!



Zakkiel, Zakkiel na anghel ng unos

Nais kasi naming sa ingay maglublob

Sa kaitaasan man ikaw magtanod

Magugulantang ka sa sansang at usok…



Ay, oo nga pala ang anghel ng pera--

Si Sachiel naman (magkatunog pala…)

Anumang biyaya, itaboy talaga…

Pansuob sa langit: Insensong pulbura!



Zakkiel, Sachiel lumayas nga kayo

Ganito ang gawi naming Pilipino!

Kami’y Filipinoise, tandaan po ninyo

Sa dumi at ingay kami ang panalo!



Kaya buong taon puputak, puputok…

Parang kinakatay na sanrekwang manok

Ganitong tradisyon ay kalugod-lugod

Walang pagbabago at walang gulugod!



Tutal nagpatutok mga Ampatuan

Aba’y lagi’t lagi silang tutularan

Limampu’t pito lang tinanghal na bangkay—

Dagdagan ang putok, dagdagan ang patay…

1 comment:

Chad the Coffeeholic said...

Manong Dong, naalala ko dito yung "A Modest Proposal" ni Jonathan Swift. Medyo iba nga lamang ang tema pero parehas ang tono. :-)