AF BRI ang pangalan ng lakan ng ulan
Kakalap ng ulap at saka iibsan
Tubig bibihisan lupa ng luntian
Huwag ipagkait ng limot na utang.
Isanggalang silang nagbubuhos dasal
Papawi sa uhaw nitong lupang tigang
Maihatid nawa mula kalangitan
Mga dampi’t haplos ng kasaganaan.
Tubig ang hinirang sagisag na wagas
Ng kapangyarihan mula sa Itaas
Lahat ng nilalang, dakila ma’t hamak
Bibigyan ng buhay, bibigyan ng lakas.
Halaw ang mga naunang saknong sa mapaghimalang dalangin na binuo ng isang nagngangalang Rabbi Eleazar ha Kallir, nabuhay mga 1,300 taon na ang nakalipas. Talagang tula o titik sa awitin ang pusong itinitibok ng panalangin—tutugma sa ginahugma, may palaspas na ipapagaspas.
Unang bahagi lang ang mga taludtod na ito sa kinatha ng naturang guro. Sa ikalawang bahagi, inilalahad ang mga pangako at himalang tinupad ng Maykapal sa mga tapat sa pananampalataya—mahabang kuwento’t kuwenta ‘yon kaya hindi na nangahas pang ibunyag dito.
Tahasang tinukoy sa dalangin ang pangalan ng anghel na nangangasiwa sa pamamahagi ng ulan na ihihilamos sa mukha ng pagas at tayantang na lupa: Af Bri. “Ngitngit,” “poot” o “galit” ang katuturan ng unang pantig. Katumbas ng malupit na halibas ng buhos na humahantong sa pagbaha—upang mapalis ang baho.
“Kalusugan” o “kabuuan” ang kahulugan ng ikalawang pantig sa pangalan ng anghel. Tumuturol sa banayad, mayuming pagpatak ng ulan na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan at sa kapaligiran.
Pinansin ni Rabbi Eleazar ang sanhi ng tagtuyot o pagkakait ng biyayang tubig: hindi binayarang utang. Mayroon palang parusa sa mga balasubas… ginagawang tigang, uhaw… at hindi lang sa tubig mauuhaw.
Nahalungkat ang katha ni Rabbi Eleazar bilang banat sa banta ng tagtuyot sa bansa—habang natutusta ang mga bukirin, laging itutustos sa uhaw ng Metro Manila ang naipong tubig sa mga imbakang Angat, Bustos, at La Mesa . Walang ililimos sampatak man sa mga matutuyot na gulayan at palayan ng mga kanugnog na lalawigan ng mga naturang imbakan ng tubig. Walang kita at tubo kapag walang pananim na tutubo.
Tiwalag na ang nakalublob sa lungsod sa takbo ng pamumuhay sa mga lupaing sakahan—na matagal nang nakasalalay sa ulan at mga imbakan ng patubig ang kabuhayan. Higit ngang sagana ang ani ng palay na isinalang sa tag-araw kapag natustusan ng sapat na patubig.
Sa nagsisinop ng lupa, kasaganaan ang hatid ng ulan—kaya marahil sumibol sa katutubong kultura ang kung anu-anong ritwal at panawagan sa kalangitan upang magbuhos ng ulan, kahit sa bukana ng tag-init.
Posibleng napulot ang kakaibang ritwal mula Nepal at ilang bahagi ng India —hubo’t hubad, taimtim na magbubungkal ng lupa ang mga kadalagahan upang mapukaw ang pagbagsak ng ulan… tulo-laway nga naman kapag nasilayan ang mga kaait-akit na katawan.
Sa halip na maglantad ng hubo’t hubad na alindog ng mga dalaga, imahen ng Birhen ang ilalakad sa prusisyong lotrina ng ilang lupalog sa Timog Tagalog—natatapos ang prusisyon sa natutuyong ilog o batis, doon ilulublob at paliliguan ang imahen, kalakip ang paniwala na mahihimok ng ritwal-dasal ang kalangitan upang magbuhos ng ulan.
Mas kahali-halina (mula ito Sanskrit, mahar o malaki at linga o titi) ang tatanbad na bukana ng langt sa pagbungkal sa bukirin ng mga dalaga… orare est laborare, laborare est orare… dasal ay gawa, gawa ay dasal.
Friday, January 08, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment