Friday, January 08, 2010

PRAKTISTIS SA KRIMEN

SA panahon ni Bugoy yata unang pinairal ang patakarang balasubas—crime does not pay, journalism is crime.



At ang tulad ng inyong imbing lingkod ay itinuturing na pusakal na kriminal. Manghihilakbot kahit na sinong demonyo’t impakto sa mga kakatwang krimen—na para sa ‘min ay pang-araw-araw na gawain. Kahit ipagkalat sa madla na ang ganitong gawain ay masahol pa sa gawa ng serial killer. O talamak kaysa mass murderer.



Isinangkalan ang motibo para sa gawaing labag sa bayad at bayag. Dapat ibagsak ang diktadurang rehimen, dapat isiwalat ang mga ulat na ayaw ilantad ng mga pahayagang walang gulugod o tahasang nakasilid sa bulsa ng diktadura. ‘Gandang pakinggan ng nakasalang—at sinalsal-- na dahilan para bumayo ng makinilya’t magsulat na walang takot—kahit madalas na kumukulo ang sikmura’t bulsa sa pagtugis ng totoo.



Malalim ang bulsa ng sumunod sa ganoong pamamalakad— nag-ambisyon pa ngang maitanim (hindi nito kailangan ng backhoe) sa Mataas na Kabuhungan bilang kampon ng Malacañang. Pero sino namang gunggong na peryodista ang susulsol sa mga bobotante. Para mailuklok sa poder ang ganoong balasubas?



H’wag nang magtaka kung bakit humahakot ng santambak na papuri sa mga sakim sa salapi ang isang Datu Unsay Andal Ampatuan Jr. Talagang dakila. Sa isang bagsakan lang, rumatrat ng 30 kakosa’t katarima sa krimen… sa ilang iglap na inihudyat ng kulog ng tingga nakapagbukas ng 30 job vacancies sa mga atat makapasok sa peryodismo, backhoe-ho-ho-ho!



Pagsuong sa digmaan ang pagwawasiwas ng panulat—at idagdag na natin sa ganoong pananaw ni Voltaire na talagang hinihingi ng kalagayang umiiral na maging war criminal… no quarters asked, no quarters given…


At parehas lang ang paraang tama at mali . Para magtamo ng tagumpay sa digmaan… h’wag na h’wag magkamali, dapat lagi’t laging totoma… Saka tatama. Mas mainam kung tatama lalo na sa jueteng, lotto, bingo, sakla…. at lalong lalo na sa yungib na pagitan ng maalindog na hita.



May mga pulitikong kupal na kapansin-pansing nakasupalpal na rin ang kani-kanyang lapida’t tudling sa pahayagan… mukhang exempted naman sila sa pinaiiral na patakaran sa bansang pinakamapanganib na lupalop sa daigdig para sa peryodista. Meron kasing hazard pay ang mga peryodistang kumakalap ng ulat sa Afghanistan at Iraq —and most dailies plied in our neck of the woods don’t even hazard paying knowledge workers.



Kinukutuban nga kaming ang mga kumag at kupal na ‘yan ang nagbabayad sa mga pahayagan. Para sikat na sa mambabasa… baka sakaling may masulsulang bobotante, nakaiwas pang mabansagang kriminal—aba’y journalism is crime, crime does not pay.



At kami lang yata ang uri ng kriminal na umaamin sa mga karumal-dumal, kasuklam-suklam, kahindik-hindik, kasula-sulasok, kagimbal-gimbal, kakila-kilabot (idagdag na pati kasuka-suka) na krimen, mwa-ha-ha-haw!

No comments: